Sa loob ng dalawang araw ay mahigpit siyang binantayan ni Luvan habang ginagawa niya ang kaniyang pagsasanay. Nariyang pinapatakbo siya ni Luvan sa kagubatan habang may hawak mabigat na sako sa magkabila niyang kamay.
Sa dalawang araw na iyon ay ininda niya ang sakit ng kaniyang buong katawan, hindi siya puwedeng magreklamo dahil alam niyang para din sa kaniya ang ginagawang paghihigpit ni Luvan. Sa bawat gabing ibinabagsak niya ang kaniyang pagal na katawan sa kaniyang higaan ay agad siyang nakakatulog. At sa pagsapit naman ng umaga ay nakakapagtakang ang sakit ng kaniyang katawan ay agad na nawawala.
Matapos ang dalawang araw ay doon na siya unti-unting hinasa ni Luvan a paghawak ng espada. Isang buong araw siyang pinatayo ni Luvan sa hara ng isang malaking troso kung saan ay kailangan niya iyong maputol ng isahang hataw lang.
"Napakaimposible naman yata ng pinapagawa mo," reklamo pa ng dalaga. Napalatak naman si Luvan at umiling.
"Hindi imposible ang pinapagawa ko. Lahat ng mga manunugis ay pinagdaanan ang pinapagawa ko sa'yo. Maging ako ay nagawa kong biyakin ang troso sa isang hampas lang ng espada ko." buong pagmamayabang na wika ni Luvan at napaangat naman ang kilay ng dalaga. Kahit saang anggulo niya kasi tingnan ay imposible talagang magawa niya iyong biyakin.
Napalaki ng trosong iyon na halos trile iyon ng katawan niya. Paano'ng gagawin niya para mabiyak iyon ng isang hampas lang? Hindi ba't isang kabaliwan iyon?
Ngunit wala nang nagawa si Elysia nang iwan siya ni Luvan matapos nitong magsabi na babalik na lamang sa hapon. Marahas siyang napabuga ng hininga bago sinimulang tigpasin ang trosong nasa harap niya. Kahit ilang beses niya itong hatawin ng kaniyang espada ay hindi niya ito magawa-gawang biyakin at tanging gasgas lamang ang nagagawa niya rito.
Tanghali, nang mapaluhod siya sa harap ng troso dahil sa sobrang pagod. Nagdurugo na rin ang kaniyang mga palad dahil sa mga pumutok na kalyo niya. Ramdam niya ang matinding hapdi mula roon at ang tanging magagawa lang niya ay ang mapangiwi sa sakit.
"Mukhang pinapahirapan ka ni Luvan ng husto ah."
Napalingon pa si Elysia nang may magsalita sa kaniyang likuran. Agad namang bumungad si Vladimir na nakatayo sa isang malaking puno sa gawing iyon. Dahan-dahan itong naglakad papalapit sa kaniya at yumukod. Marahang kinuha ni Vladimir ang kaniyang kamay at may kung anong pinahid ito sa kaniyang mga sugat.
Napatulala na lamang si Elysia sa ginawa ng binata. Mayamaya pa ay naramdaman na lang niya ang malamig na sensasyon sa kaniyang palad at nang titigan niya ito ay nabalot na ito ng benda.
"Gamitin mo ito para hindi magsugat ang kamay mo." Saad pa ng binata sabay abot sa kaniya ng isang itim na guwantes. Sa pagkakataong iyon ay isang mahinang pasasalamat ang nasambit niya bago tinanggap ang inaabot nito.
Napangiti naman si Vladimir at marahang hinaplos ang buhok ng dalaga at sa isang iglap lang ay naglaho din ito sa kaniyang harapan.
"Ano ba naman 'yon, biglang susulpot tapos bigla-bigla din namang mawawala." Mahinang reklamo niya ngunit sa kabila nito ay gumuhit ang matamis na ngiti sa kaniyang mga labi habang isinusuot ang guwantes.
Bahagyang may kakapalan iyon, kung kaya hindi niya gaanong iniinda ang sakit ng kamay niya sa tuwing hahawakan niya ang kaniyang espada.
Matapos magpahinga ay muli na niyang pinagpatuloy ang kaniyang ginagawa. Subalit lumubog na ang araw ay bigo pa rin siyang maisakatuparan ang kaniyang misyon. Pagdating ni Luvan sa lugar ay agad na din siyang pinauwi nito. Umuwi siyang bagsak ang kaniyang balikat, kaya dumiretso na lamang siya sa kanilang bahay para magpahinga. Naabutan pa niya ang matandang naghahanda ng hapunan sa maliit nilang kusina.
"Elysia, kumain ka muna bago ka magpahinga. Alam kong pagod na pagod ka na." Wika nito. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at agad nang kumain.
Matapos ay pumasok na siya sa kaniyang silid at saka na ngpahinga. Kinabukasan ay ganoon pa rin ang senaryo ng kaniyang pagsasanay.
"Napakaimposible mo namang tibagin, pero hindi kita susukuan." Gigil na wika ni Elysia at napangiti lang si Luvan habang pinagmamasdan ang dalaga sa di kalayuan. Kasama nito si Vladimir na nakamasid lang din sa bawat pag-atake ng dalaga.
"Matibay ang pondasyon ng utak ni Elysia, hindi man siya nasanay nang mas maaga ay nasa dugo na niya ang pagiging manunugis niya. Ikatlong araw pa lamang ito ng pagsasanay niya at halos wala pa akong naituturo sa kaniya, pero kita mo naman, maayos niyang nahahawakan ang espada na tila ba matagal na siyang gumagamit nito. Maging ang tindig at postura niya ay maihahalintulad mo na rin sa isang mandirigmang matagal ng sumasabak sa gyera." Saad ni Luvan.
"Napansin ko rin yan sa kaniya. At hindi rin siya tinatablan ng hipnotismo. Malaking bagay ang kakayahang iyon dahil hipnotismo ang pangunahing pambulag ni Vincent sa mga biktima niya." Tugon naman ni Vladimir.
Napatango si Luvan at mariingnnaging seryoso ang mukha nito.
"Nabalitaan ko sa ating mensahero na nangangalap na ng mga kasama si Vincent. Unang tinungo niya ang angkan ng mga taong-lobo sa kanluran, ang bloodmoon pack. Hindi pa namin alam ang napag-usapan nila ngunit may nakakita na mukhang nagkakamabutihan na ang dalawa." Wika pa ni Luvan at napangisi si Vlad.
"Ipagpatuloy niyo lang ang palihim na pagmamasid. Huwag kayong masyadong lalapit para hindi kayo matunugan. Kung totoong nagkasundo na ang Bloodmoon pack at si Vincent, paniguradong bibisita si Alpha Caled isa sa mga linggong ito. Sa ngayon, mag-iingat kayo, sabihan mo ang mga mensahero na huwag gagawa ng bagay na ikapapahamak nila. Mas mabuti kung umiwas na sila roon. Matalas ang pang-amoy ng mga lobo at wala silang kawala kapag naamoy na sila."
"Ipaparating ko sa kanila, Haring Vlad." Sambit naman ni Luvan at nilisan na nito ang kinatatayuan nilang lugar. Naiwan naman si Vladimir na patuloy na pinagmamasdan ang bawat galaw ng dalaga. Muling sumapit ang hapon at malungkot na namang umuwi si Elysia.
Sa pagkakataon iyon ay naabutan na niya si Vladimir na may iniinom na namang pulang likido sa isang baso habang prenteng nakaupo sa upuan sa sala. Napatingin pa ito sa kaniya at napaayos siya ng tayo nang maglandas ang mga mata nito sa kaniyang katawan partikular sa kaniyang leeg.
"Kanina ka pa ba rito?" Tanong niya sa pinapormal na boses. Tumikhim-tikhim pa siya para alisin sa boses niya ang kabang bigla-bigla na lamang lumukob sa kaniyang sistema.
"Hinihintay kita, uuwi na tayo."
Napakunot naman ang noo niya dahil ito ang unang beses na nakaramdam siya ng kaba sa presensya ni Vladimir. Kahit pa na alam niyang isang bampira si Vladimir ay ni minsan ay hindi siya nakaramdam ng matinding takot rito na animo'y tumatagos hanggang sa kaniyang buto.
"Uuwi, hindi pa naman tapos ang pagsasanay ko at alam ko may ituturo pa si Luvan sa akin." Saad niya at ngumiti lang ang binata, ngunit hindi tulad nang una, ang ngiti nito ay tila ba nababalot ng isang lihim.
"Hindi na kailangan. Napag-isip-isip ko na mas mabuti kung mananatli ka na lang lagi sa aking tabi. Hindi mo na kailangan mapagod at masaktan sa pagsasanay dahil kaya naman kitang protektahan," malumanay na tugon nito ngunit nababanaag doon ni Elysia ang panganib sa kaniyang boses. Tila ba sa pagsang-ayon niya nakasalalay ang kaniyang buhay.
Mariing napakunot ang noo niya at tinitigan si Vladimir. Sa kaibuturan ng puso niya ay nabubuhay ang pagdududang hindi si Vladimir ang kausap niya ngunit kapag tititigan naman niya ang gwapong mukha nito at nabubura din naman ito.
"Bakit naman yata biglaan ang pagbabago ng isip mo? Kanina lang ay parang suportado mo pa ang pagsasanay ko, ano'ng nagyari at bigla yatang nagbago ang desisyon mo?" Tanong niya. Nais niyang pahabain ang oras dahil malakas ang kutob niyang may mali kay Vladimir. Hindi rin niya nakita ang matandang laging nagluluto sa tuwing darating siya.
Nais niyang maniwala na si Vlad ang kaharap niya ngunit sa maikling panahon na nakasama niya ang binata ay hindi pa niya ito nakitang nagbago ng desisyon matapos itong bitawan. Isa pa sa napapansin niya, kaliwang kamay ang may hawak ng basong may lamang dug*, sa pagkakatanda niya ay kanan kung humawak ng baso si Vlad.
"Nasabi ko na sagot, kaya bumalik na tayo."
"Kung aalis tayo, hintayin muna natin sina Luvan, magpapaalam lang ako sa kanila at magpapasalamat sa ginawa niyang pagturo sa akin," wika pa niya sa pinasiglang boses at marahang hinaplos ang espadang nailapag niya sa mesa kanina.
"Isa, pa kailangan ko pang ibalik sa kaniya ang espadang ito, kung hindi ko naman pala ito magagamit ay wala ring silbi kung dadalahin ko ito." Dagdag pa niya sabay angat ng espada.
Tila naging alerto naman ang mata ni Vladimir nang mapatingin sa espadang gawa sa pilak, ngunit saglit lamang iyon. Pagkuwa'y ngumiti ang binata at bahagyang umiling.
"Nasabihan ko na sila sa desisyon ko, kaya hindi na natin sila kailangang hintayin," sagot ng binata. Akmang hahapitin na siya nito sa beywang ay mabilis namang iniharang ni Elysia ang talim ng espada na siyang nagpaatras sa binata.
"Anong ginagawa mo Elysia?" Tanong ni Vlad, nakakunot ang noo nitong, puno ng gulat ang ekspresyon ng kaniyang mga mata.
"Hindi ikaw si Vlad, sino ka?" Matapang na tanong niya habang patuloy na nakatuon sa binata ang talim ng kaniyang sandata.
BINABASA MO ANG
Among Legends: The Vampire King's Bride
Fantasy"Sa ngayon mananatili ka sa palasyo ko bilang isang prinsesa hanggang sa dumating ang araw na sumapit ka sa wastong edad, saka kita gagawing aking reyna. Mamili ka, dito sa poder ko at maging aking asawa, o ibibigay kita kay Vincent para maging pagk...