Kabanata 4: Ang Masungit na Bisor

2.4K 83 7
                                    


Matapos maisumite ang lahat ng mga requirements ay agad nang nakapagsimula si Dante sa bago niyang trabaho bilang security guard sa supermarket ni Mr. Lee. Mabilis naman niyang nagamay ang trabaho at naging maayos din ang pakikitungo sa kanya ng iba pang mga empleyado ng supermarket na iyon.

Isa sa mga unang naging kaibigan ni Dante ay ang bagger na si Brando. Madalas kasi siyang tumambay malapit sa outpost ni Dante tuwing break time o kaya naman ay kung wala pa gaanong taong namimili. Madaldal at palabiro si Brando kaya naman madali siyang nakasundo at nakagaanan ng loob ni Dante.

"Pre, kape muna tayo," bati ni Brando sa sekyu sabay angat sa hawak niyang paper cup.

"Sige lang, kakatapos ko lang din," ang sabi naman ni Dante.

"Turuan mo naman ako paano maging matinik sa chicks. Biruin mo, kay bagu-bago mo pa lang ikaw na ang pantasya ng mga kahera dito," pabirong hirit ni Brando.

Natawa naman si Dante sa tinuran ng bagger. "Sira ka talaga. Hwag kang maingay dyan at baka marinig ka ni Sir Manny. Magsusungit na naman yon," ang sabi niya.

"Naku, masanay ka na don. Sing-asim ng kamyas ang pagmumukha at ugali non," banat ni Brando patungkol sa supervisor na si Manny. "Palibhasa'y walang syota at walang makalabit. Hehehehe!" biro pa niya sabay tawa.

"Sira! Sige ka, baka marinig ka. Lagot ka don," natatawang sambit ni Dante.

Gaya nga ng sabi ni Brando, hindi maiwasan ng mga kahera na mapatingin at humanga sa angking kakisigan ni Dante. Paano ba naman kasi, may pagkahapit ang uniporme ng sekyu kaya't kapansin-pansin ang kanyang tikas at magandang pangangatawan. Halos mamutok ang mga manggas nito sa naglalakihan niyang mga biceps. Makatawag-pansin din ang matikas niyang dibdib at malapad na mga balikat, tila sintigas at sintatag ng pader. Fitted din ang katerno nitong slacks kaya't hindi maiwasang bumakat ang kanyang 'kargada'.

"Ang gwapo talaga nung bago nating guard ano?" bulong ng isang kahera sa kanyang kasamahan.

"Sinabi mo pa, at ang macho pa! Hihihihi!"

"Pakiramdam ko tuloy safe na safe ako pag nandyan siya," pakli naman ng isa.

Panay ang hagikgikan ng mga kahera na animo'y mga uod na inasinan, kilig na kilig habang pinabubulungan ang gwapong security guard.

"Hoy! Panay na naman ang paghuhuntahan niyo diyan! Yung bagong guard na naman ang pinag-uusapan niyo ano? Eh kung yung kaha kaya ang atupagin ninyo. Sa inyo ko sisinglin kapag may na-short dyan!" bulyaw ng supervisor na si Manny sa mga kahera.

Matapos silang kagalitan ay wala na ngang nagawa ang mga kahera kundi ang bumalik sa kani-kanilang mga pwesto.

Hindi rin nakaligtas pati sila Brando at Dante sa pagsusungit ng supervisor na tila laging naaasiman at pirming nakasimangot ang mukha.

"Ikaw, Brando, anong tinatayu-tayo mo dyan? Hindi ka pinapaswelduhan para magkape lang," bulyaw ng supervisor.

"Pasensya na ho, eto na ho babalik na," sambit ni Brando. "Sige pre, sibad na ko," paalam niya kay Dante bago siya tuluyang lumisan at bumalik sa kanyang pwesto.

Nang makaalis ang bagger ay si Dante naman ang napagbuntunan ni Manny.

"Ikaw, bago ka pa lang dito kaya ayus-ayusin mo ang trabaho mo," ang sabi ni Manny kay Dante.

"Sir, inaayos ko naman ho ang trabaho ko," tugon naman ng sekyu.

"Siguraduhin mo lang. At isa pa ha, ayokong makikitang nakikipaglandian ka sa mga kahera. Nasa office policy natin na dapat ay propesyonal ang pakikitungo natin sa mga kasamahan natin dito," pangaral pa ng supervisor.

Dante: Ang Simpatikong SekyuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon