Kabanata 6: Ang Dragon

2.3K 79 6
                                    


Nang sumunod na araw...

Paalis na si Dante upang magtungo sa kanyang trabaho nang makita niya si Lucas, ang kaisa-isang anak ni Aling Virgie. Paling-linga sa paligid ang binatilyo at tila may hinahanap.

"Lucas!" pagtawag ni Dante sa binatilyo.

Agad namang napalingon si Lucas at gayon na lang ang pagkabigla nang makitang si Dante ang tumawag sa kanya. Tila naestatwa sa kanyang kinatatayuan ang binatilyo at hindi malaman ang gagawin.

"Anong ginagawa mo dyan? May hinahanap ka ba?" pagtatanong ng sekyu, ngunit gaputok man ay hindi sumagot ang binatilyo. "Teka, mukhang alam ko na kung ano ang hinahanap mo," sambit ni Dante. Binuksan niyang muli ang pintuan ng kanyang apartment at kinuha ang isang piraso ng tsinelas na kanyang napulot kagabi. Lumapit siya sa binatilyo at iniabot iyon. "Ito ba ang hinahanap mo? Sa'yo yan, di ba?"

"O-Opo... Salamat po," mahinang tugon ni Lucas na para bang hiyang-hiya at hindi makatingin nang diretso sa kausap.

"Ibig sabihin ikaw nga yung nandun sa poso kagabi. Ano namang ginagawa mo doon nang ganong oras?" ang sabi ni Dante, tila hinuhuli ang binatilyo.

Nagulat at para bang kinabahan ang binatilyo sa tinuran ng sekyu. "Ah... eh... kasi po... kasi po may hinahanap ako dun kagabi," tugon niya.

"Kung kelan naman gabing-gabi saka ka naghahanap doon," sambit ni Dante. "Eh nakita mo naman ba yung hinahanap mo? O may iba kang nakita?" makahulugan niyang tanong.

Hindi nakasagot ang binatilyo at napayuko lamang.

"Di bale, sa uulitin ay hwag ka nang magpupunta roon nang disoras ng gabi ha. Malapit pa naman sa talahiban yung poso, baka may biglang lumabas na sawa roon," may laman at pakahulugang wika ng sekyu. "Ilang taon ka na nga pala boy?" usisa pa niya sa binatilyo.

"Twelve na po ako," maiksing tugon ni Lucas.

"Oh, kasing edad mo pala yung inaanak ko sa probinsya," ani Dante.

Bigla namang dumating ang kasambahay nila Aling Virgie na si Chona. "Lucas, andyan ka lang pala. Kanina ka pa hinahanap ng mama mo," ang sabi niya.

"Sige, Lucas, sa susunod na lang tayo ulit magkwentuhan. Papasok na rin ako sa trabaho, baka mahuli pa ako," ang sabi niya sa binatilyo.

Nagpaalam na rin si Lucas at umuwi sa kanilang bahay kasama si Chona.

Hindi pa nakatitiyak si Dante ngunit may iba siyang pakiwari sa binatilyong si Lucas.

***
Nang umagang iyon sa supermarket...

Break time kaya't nakatambay ulit si Brando sa may outpost ni Dante at nakikipagkwentuhan sa sekyu.

"Buti na nga lang at hindi ako natuloy na magpatattoo kundi ay baka hindi ako natanggap dito sa supermarket," kwento ng bagger na si Brando.

"Oo nga eh, buti na nga lang din at wala akong tattoo," ang sabi naman ni Dante.

"Ayaw kasi ni Mr. Lee ng may tattoo at baka raw may dalang malas. Masyado kasing mapamahiin 'yon," ani Brando.

"Ayaw pa kamong maniwala na wala akong tattoo. Noon ngang ininterview niya ako eh pinaghubad pa ko para masigurong wala akong burda," kwento pa ng sekyu.

"Talaga? Pinaghubad ka?" pakli ni Brando.

"Oo. Ikaw ba hindi?"

"Hindi ah. Yung manager na si Ma'am Mary Ann lang kasi ang nag-interview sa akin noon. Tinanong lang niya kung may tattoo ako pero hindi naman niya ko pinaghubad," tugon ni Brando. "Ayos ka rin pala ano at si Mr. Lee pa ang nag-interview sa'yo," ang sabi pa ni Brando nang malamang ang mismong may-ari ng supermarket ang nag-interview noon kay Dante.

Dante: Ang Simpatikong SekyuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon