I: Welcome to Sangriento
Rly's POV
"Sigurado ba kayong dito ang daan? Bakit parang paikot-ikot na lang tayo?" naaasar na sambit ko.
"Pwede bang itikom mo na lang 'yang bibig mo, Rly? Kung tumulong ka na lang kaya kaysa umangal diyan?"
Inirapan ko na lang si Tarah na nakaupo sa tabi ng driver's seat habang hawak ang isang makaluma at lukot na mapa na kanyang napulot sa kung saan. Iyon ang basehan niya sa pagturo ng direksyon upang makarating sa lugar na aming pupuntahan.
"Hindi pa ba kayo nagugutom? Naghihimutok na 'tong baby ko oh!" reklamong sambit ni Olsen habang hinihimas ang kaniyang may katabaang tiyan. Kitang-kita pa ang pagsilip niyon sa ilalim ng suot niyang de-butones na polo.
"Patay-gutom ka talaga, bro! Pucha, may black hole ba ang tiyan mo?" sagot ng nagmamaneho na si Darsen habang nagpipigil ng tawa.
"Huwag na lang kaya tayong tumuloy?" napatingin ako kay Angel na prenteng nakaupo sa kaniyang kinauupuan habang pinagmamasdan ang tanawin mula sa labas ng bintana. Mababakas sa tono ng pananalita niya ang pag-aalala.
"Nagpapaka-dakilang anghel na naman ang isang Angel," sarkastikong giit ng katabi kong si Louriz. "Pwede ba, huwag ka ngang KJ diyan."
"Hindi naman siguro masama ang mag-alala?" patanong na sambit ni Angel. "Kailangan nating mag-ingat. Wala tayong kaalam-alam tungkol sa lugar na pupuntahan natin."
"Chill ka lang, Angel. Kaya nga tayo pupunta roon 'di ba? Malalaman din natin kung anong klaseng lugar ba 'yon kapag nakarating na tayo roon," tugon ni Louriz na hindi na sinundan pa ni Angel.
Semestral break ngayon pero nagkayayaan ang barkada na gumala. Actually, ang dakilang pasimuno ng galang ito ay si Tarah. Kaya naman bilang magbabarkada na mahilig sa adventure, ito kami ngayon, nasa loob ng kotse na pagmamay-ari ni Darsen at binabagtas na ang daan papunta sa bayan ng Sangriento.
Wala kaming alam na kahit anong impormasyon tungkol sa naturang bayan. Hindi pa nga namin malalaman na may ganoong bayan pala kung hindi dahil sa napulot na mapa ni Tarah.
"Sa wakas, nandito na tayo!" sabay-sabay kaming napalingon kay Tarah. Nakangisi ang bruha. Unti-unti ring bumagal sa pagmamaneho si Darsen.
Ibinaba ko ang bintana at nilibot ang aking paningin. Sa kabilang side ng kalsada, nakita ko ang poste kung saan nakalagay ang isang lumang karatula. Halos mabura na ang mga letrang nakasulat dito.
Bayan ng Sangriento.
Kapansin-pansin na napalilibutan ang bayan ng mga kakahuyan at malawak na bukirin. May matatayog na puno na nagbibigay ng lilim sa daanan at mga malalago't nagtataasang damo sa gilid nito. Ilang metro rin ang layo ng mga kabahayan sa bawat isa.
"Bago tayo lumibot, bumili muna tayo ng makakain sa convenience store na madadaanan natin," sambit ni Tarah na sinang-ayunan ng lahat.
Pagkaraan ng ilang minuto, nahinuha kong nasa mismong sentro na kami ng bayan ng Sangriento sapagkat isang downtown ang aming nadaanan. Sumilip ako sa labas ng bintana. May ilang bagay akong napansin. Nakakabigla dahil di-kalakihan at bilang lamang sa mga daliri ang makikitang establisyemiento. Mangilan-ngilan lamang din ang tao sa paligid; ang nakakapagtaka, ang mga mata nila'y nakatutok sa amin.
Saktong huminto ang kotse sa tapat ng isang maliit na convenience store. Marahil maraming taon na rin ang lumipas simula nang maitayo ang naturang store dahil may pagkaluma na ito. Nagkalat ang mga alikabok, lumot at nagtataasang damo sa paligid nito.
Naunang lumabas si Olsen na atat na atat nang makabili ng makakain. Sinundan siya ni Darsen at Tarah. Sumunod naman kami ni Louriz sa kanila.
"Ayos ka lang?" napakunot ang noo ko at nilingon si Angel na kalalabas lang kasunod ang isang babae. Awtomatikong napataas ang isang kilay ko nang mapagtantong kasama nga pala namin siya. Siya na isang makasariling tao.
"Hindi pa rin ba kayo nag-uusap ni Reina?" tanong ni Louriz na nasa tabi ko pa rin pala.
"Wala na kaming dapat pang pag-usapan," mariin kong sambit.
Papasok na sana kaming lahat sa loob ng convenience store nang biglang humarang sa aming harapan ang isang lalaking may katandaan na. Mahaba ang magulong buhok nito, may balbas at may pilat sa kanang pisngi. Brusko ang pangangatawan nito at mas matangkad pa kay Angel na 6'2 ang height at siyang pinakamatangkad sa aming lahat. May dala itong isang butcher knife na nakalagay sa kaluban at nakasukbit sa gilid ng pantalon nito. May bahid iyon ng natuyong dugo. Creepy.
Tinignan kami ng lalaki na tila kinikilatis ang bawat isa sa amin habang hinihithit ang isang sigarilyo. Napatakip ako ng ilong dahil sa nakakahilong usok niyon.
"Mga bagong salta."
Lumitaw ang naninilaw at sira-sirang ngipin ng lalaki nang sumilay ang isang nakakapanindig-balahibong ngiti sa labi nito.
"Maligayang pagdating sa bayan ng Sangriento!" pagbati nito sa amin na dinugtungan ng isang malutong na halakhak.
"May tililing yata ang isang 'to," pabulong na sambit ni Darsen na hindi nakaligtas sa pandinig namin. "At pucha, 'yong ngipin niya parang traffic light, nasa yellow mode," paghirit niya pa. C'mon Darsen, it's not time for joke time.
"Kinikilabutan ako," bulong naman sa akin ni Louriz na nakakapit sa braso ko.
"Hindi ka nag-iisa," bulong kong tugon sa kaniya.
There's something not right about this old man. Hindi ko maipaliwanag ngunit natitiyak kong kalakip niya ang salitang panganib.
Umalis na ang lalaki sa harapan namin ngunit sa di-inaasahang pagkakataon, nagtagpo ang aming paningin. Huminto ito sa tapat ko. Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa na tila ba hinuhubaran ako sa kanyang malaswang isipan. Kinindatan pa niya ako at binigyan ng isang nakakalokong ngisi bago tuluyang umalis. Manyakis.
Nagsitayuan ang mga balahibo ko dahil sa labis na pandidiri at kilabot. Syempre, maliban sa mga nakatago.
Sinundan ko nang tingin ang lalaki. Pumasok na ito sa loob ng kanyang sasakyan-isang napakaluma at maputik na pick up truck. Napansin ko ang isang marumi at makapal na tolda na nakatakip sa truck bed nito. Umaalog pa ang sasakyan nito dahil sa kung ano mang bagay na natatakpan niyon nang humarurot na ito paalis.
Aalisin ko na sana ang paningin ko roon ngunit isang bagay mula sa truck bed nito ang nakakuha ng aking atensyon. Sinubukan kong aninagin kung ano 'yon nang biglang isang papel ang hinangin at tumakip sa aking mukha. Sinuri ko ito.
Naglalaman ito ng larawan ng isang babae. Jane Fernandez. 22 years old. Last seen: Sangriento.
"Missing poster?"
***
BINABASA MO ANG
Infernus Tormentorum
Horror"What death taste like?" May pitong magkakaibigan na nagtungo sa bayan ng Sangriento. Dito, natagpuan nila ang Infernus Tormentorum-isang karnabal na patok sa madla. Ito ay may kakaibang pagtatanghal: ang mga tao ay humaharap sa kahindik-hindik na k...