laman ng lupa, laman ng konsensya

23 6 40
                                    

Trigger warning. This work includes themes of severe mental health struggles, mature language, infant death, and graphic descriptions of decay that may be considered profane, vulgar, or offensive to some readers. Reader discretion is advised.


Samu't saring tingin at bulung-bulungan ang sumalubong sa dalagang si Stella nang makarating siya sa palengke. Masisisi nga ba niya ang mga ito gayong kitang-kita ang malaking pagbabago sa kan'yang pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan? 

Ang dating mapupungay at masisiglang kulay asul na mga mata ng dalaga ay tila wala nang buhay. Hindi maipagkakaila ang kan'yang kalumatang bakas ng ilang araw, linggo, o marahil ay buwang walang tulog. Ang dating hugis bote niyang katawa'y mas lalong nangiyayat. Aakalain mong hindi na ito kumakain nang maayos dahil sa kan'yang pisikal na anyo. Napakapayat na ng dalaga at mukha siyang tumanda nang ilang taon kahit na bente-singko anyos pa lamang ito. 

Paano nga ba hindi tuluyang magbabago si Stella kung ilang gabi nang binabagabag ang kan'yang isipan? Saad ng ikalimang doktor na kan'yang kinunsulta, insomnia lamang ang may kagagawan ng lahat. Insomnia nga ba?

Sa paglalakad ng dalaga, patuloy lamang na pinagmamasdan ng mga tao si Stella. Subalit wari'y hindi ito alumana sa kaniya sapagka't ang kaniyang isip ay patuloy lamang na nalulunod sa mga alaala ng gabing walang katapusan. Ang mga bulong at sulyap na ibinabato sa kaniya ng mga taong kaniyang nilalagpasan ay wari'y mga aninong humahabol sa kaniya't hindi niya matakasan, subalit ang mga ito'y isa na lamang sa kaniyang pinakamaliit na mga alalahanin. Ang tanging sumasaklaw sa kaniyang isipan sa puntong ito ay ang bigat ng nakaraang patuloy niyang dala-dala — ang siyang kumikitil sa kaniya paunti-unti mula sa loob ng kaniyang pagkatao.

Sa muling pagsapit ng alas dos ng hatinggabi, ang buong katawan ni Stella ay unti-unti namang binalot ng pangamba. Datapuwa't ang silahis ng buwan ay makapapasok nang malaya sa nag-iisang malaking durungawan sa kaniyang silid, wala pa ring makagagapi sa karimlang lulupig — sa isang iglap — dito sa oras na patayin ang liwanag na nagmumula sa bombilyang nakakabit sa kisame. Kusang namuo ang mga butil ng pawis na kay lamig sa kan'yang noo. Wari'y nag-uunahan pa ang mga iyon sa pagdausdos patungo sa kaniyang leeg. Bagama't kan'ya itong nararanasan gabi-gabi, kay labo namang masanay ang kan'yang katawan sa ganitong pangyayari.

Nangatog ang kan'yang buong sistema nang maramdaman niya ang sariwang simoy ng hangin. Malamig iyon; animo'y tumatagos ito hanggang sa kaniyang mga buto't kalamnan. Mas lalo pa ngang nagsitaasan ang kan'yang mga balahibo dahil dito. Kaagad niyang ibinaling ang atensyon sa nakabukas na durungawang ilang metro ang layo sa kan'ya, subalit hindi siya naglakas-loob na isarado iyon. Sa kaniyang isip, titiisin na lamang niya ang lamig o 'di kaya'y mas lalo na lamang niyang babalutin ang katawan sa sariling kumot. Kahit ngayong gabi lamang, nawa'y maging sapat na 'yon.

Pagtangis ng isang sanggol ang siyang biglang sumakop sa buong silid. Bumalikwas siya't kaagad nagsuot ng dyaket. Sa kabila ng pangangatog, nagtungo si Stella sa pinagmumulan ng ingay na kay tagal na niyang iwinawaksi't ibinabaon sa limot. Tila alam na niya ang kan'yang dapat na gawin.

Dala ang pala, isang kahong puno ng mga posporo, at maliit na flashlight, nagpunta siya sa kanilang likod-bahay. Isinabit niya ang dalang flashlight sa isang sanga't kaagad na sinimulan ang paghuhukay sa ilalim ng isang matandang puno ng atis. Hindi na niya inalintana pa ang malamig na simoy ng hanging kanina pa pabalik-balik. Desperado na siya. Desidido na ang dalagang tapusin ang kan'yang nasimulan — iyon ang akala niya.

Wala pang labinlimang minuto, natagpuan na niya ang isang maliit na kahong gawa sa kahoy. Dali-dali siyang lumuhod upang kunin ito gamit ang dalawa niyang mga kamay. Walang pag-aatubiling binuksan ito ng dalaga at tumambad sa kan'ya ang natatanging bunga ng pagtatalik nilang dalawa ng kan'yang dating kasintahang si Justin. 

Si Justin ... ang binatang walang habas siyang niloko't iniwan matapos matikman ang kaniyang katawan. Si Justin ... ang pinagmulan ng lahat ng kaniyang mga problema sa kasalukuyan. Ang dahilan kung bakit siya binabagabag ngayon ng bangungot na pareho naman nilang binuo. Siya lamang ang dahilan kung bakit ang dating masiglang dalagita'y puno na ngayon ng galit, pangamba, at sugat na kailanma'y hinding-hindi maghihilom.

Ang atensyon ni Stella'y nasa loob ng kahong kaniyang hinukay. Pinamumugaran ito ng mga matatabang uod. Ang amoy nito'y kasula-sulasok at mistulang humahalo sa halimuyak ng basang lupa. Wari'y nilimusan ang dating malaman-lamang katawan nito, habang ang balat ay nangingitim na matapos maging kulay abo. Muling tinakpan ni Stella ang kahon at inihulog sa isang dram na gawa sa lata.

Unti-unting naramdaman ng dalaga ang poot, galit, at pagkahapis. Sinisisi niya ang walang kamuwang-muwang na sanggol sa lahat ng nangyari. Kung sana'y hindi ito nabuo matapos makipagtalik sa dating kasintahan, marahil ay hindi siya nito iiwan. Marahil ay masaya sana siya ngayon. Marahil ay ... marahil ay hindi siya niloko ni Justin. Marahil ay kasal na rin sila ngayon. Kung hindi dahil sa salot na ito, marahil ay kilala pa rin ni Stella ang kaniyang sarili ngayon.

Dali-daling kinuha ni Stella ang isang posporo mula sa kahon nito. Kinaskas niya iyon at nang magliyab ay saka ito itinapon sa dram. Pinanood niyang sumilab ang kahon at bakas sa kaniyang mukha ang isang ... ngiti. Ilang minuto rin siyang nakatayo roon at tahimik na nanonood hanggang sa mapagdesisyunan niyang pumasok na. Bago pa man muling pumasok sa loob ng bahay, nilingon niya ang kinaroroonan ng sinusunog.

❝Mabulok ka sa impyerno! Putanginang salot.❞

Pitong taon na'ng nakararaan matapos ang gabing iyon subalit wala namang pagbabago sa kalagayan ng dalagitang si Stella. Pitong taon na'ng nakalilipas subalit patuloy pa rin siyang binabagabag — binabangungot ng mga masasalimuot na alaala. Wari'y sariwa pa rin ang kaniyang mga ginawa nang gabing iyon. Kung tutuusin pa nga ay mas lalo lamang lumala ang kaniyang kalagayan. 

Muli lamang siyang bumalik sa reyalidad nang businahan siya ng isang traysikel. Nasa gitna na pala siya ng abalang highway, naglalakad na animo'y nasa parke siya't namamasyal. Nagpalinga-linga si Stella batid niyang pinag-uusapan na naman siya. Pinagchichismisan ng mga taong hindi naman niya kilala.

❝'Tangina nito, magpapakamatay ka ba!❞ bulyaw ng drayber saka pinaharurot ang traysikel nang gumilid si Stella. 

❝Tarantadong salot. Perwisyo,❞ bulong ni Stella habang patuloy na binabagtas ang palengke. Kung para iyon sa sanggol o sa drayber ay hindi niya rin alam.

the uncannyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon