"Hi, love," sabi ko nang sagutin ko ang tawag at inilapit sa 'king tainga ang phone.
"Hello..."
"'La, ang cold naman. Nag-expire na ba ang gayuma ko? O may iba nang nagpapasaya sa 'yo?" biro ko at natawa pa.
"Tristan, seryoso ako. Mag-usap muna tayo...please."
Tinawag niya lang ako sa pangalan ko.
"Huy? Bakit ang seryoso mo, love?"
Agad akong humakbang papalayo sa cottage namin at tinungo ang baybayin na walang katao-tao. Kinabahan na ako. Iba talaga ang tono niya ngayon. Siguro ay may nagawa na naman akong hindi niya ikinagusto o baka may nakalimutan na naman ako.
Tumigil at tumayo ako sa malambot na buhangin na iilang metro mula sa tubig. Nakatitig lang ako sa mapayapang karagatan na sinasalamin ang kalangitan at iilang liwanag ng mga cottage.
"Kakarating lang namin pala dito sa resort. Grabe yung pagod sa biyahe pero buti na lang ang ganda ng lugar. Kami lang talaga yung nandito."
"Ayoko na Tristan."
Sa tatlong salita na binitawan niya ay bigla akong nanlamig. Nakakabinging katahimikan ang nanaig. Parang tumigil ang mundo ko. Kinapos ako ng hangin at may kung akong bumibikig sa 'king lalamunan.
"Huwag ka ngang magbiro nang ganiyan, love. Kumusta ang araw mo?"
"Tama na, Tristan."
Parang dinudurog ang puso ko nang tawagin na lang niya ako sa pangalan ako.
"Bakit? Anong nangyayari ba, Jake?" Hirap din ako sa pagtawag sa pangalan niya. Hinding-hindi ako sanay. "Bakit ayaw mo na?"
"Basta...ayoko na."
Umanghang na ang mata ko nang mamuo ang luha rito. Naiiyak na ako. Bwisit! Ang ganda-ganda ng araw ko tapos sa ganito lang hahantong? Dumating na ba ang ang kinakatakutan kong araw? Ang puntong iiwanan niya ako at tatapusin ang aming relasyon? Pero ayokong maniwala. Siguro ay kalokohan niya lang ito.
"'Yan lang? Ayaw mo lang? Grabe, Jake. Sa sampung taon nating pagsasama, deserve ko rin naman sigurong mabigyan ng rason. Bakit? May nagawa ba akong mali? Hindi naman ako nagkulang sa 'yo, 'di ba?"
Pero hindi ito sumagot.
"Jake, ano ba?" sigaw ko habang pilit na pinipigilang mabasag ang boses ko. Naiiyak na talaga ako! "Makikipag-break ka na ba talaga sa 'kin? Sa tagal ng pagsasama natin hindi ko deserve na ganito lang...na sa tawag mo lang tatapusin ang lahat. Alam mo naman na nagbabakasyon kami kasi aalis na ang kuya ko, mag-eenjoy sana kami, pero 'di pa nga kami nakasisimula sinira mo na ang lakad ko. Sana man lang hinintay mo 'ko na makauwi at mapag-usapan natin 'to nang personal."
"Basta ayoko na. Paalam, Tristan. Salamat."
"Jake—"
Agad nitong pinutol ang tawag at naiwan akong nakatulala sa baybayin. Hindi ko lubos maproseso ang nangyari. Ibinaba ko ang aking phone at tinignan ang messenger ko kung may mensahe ba siya. Pero wala. Akmang magpapadala na sana ako ng mensahe sa kaniya, pero laking-gulat ko nang malamang naka-block na pala ako.
Sinubukan ko siyang tawagan sa number niya, pero ko na ito ma-kontak. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko. Parang pinunit ang puso ko nang makailang beses.
Walang ibang bumabaha sa isipan ko kung hindi ang pagsasama namin sa nagdaang mga linggo. Wala talaga akong nakikitang mali. Normal na normal lang kami. Pero bakit nauwi sa ganito? Hindi ko na napigilan pa ang sarili at bumuhos na rin ang luha na kanina ko pa pinipigilan. Mariin akong napakagat ng labi upang pigilang kumawala ang mga hikbi ko.
Ang sakit! Ang sakit sobra! Hindi ko naman 'to deserve. Naging mabuti naman ako sa kaniya. Iniintindi ko siya palagi. Wala akong ibang iniisip kung hindi ang kapakanan niya. Siya ang palagi kong inuuna. Pero bakit ganito? Bakit hindi niya magawang magbigay ng sapat na dahilan? Gano'n na lang ba talaga ako kabilis iwan? Gano'n na ba talaga ako kawalang silbi para hindi man lang mabigyan ng dahilan?
Putangina!
Hindi talaga ako mapalagay. Gusto ko siyang puntahan kaagad ngayon. Kung may sasakyan lang ako, kung wala lang sana kaming family outing, kanina pa ako umalis para puntahan si Jake. Nasanay ako na 'pag may problema kami o hindi kami magkasundo, agad namin itong pinag-uusapan dahil ayaw namin na abutin ng umaga ang problema o galit namin.
Pero ngayon, paano namin 'to pag-uusapan kung siya mismo ayaw niyang sabihin ang totoo? Napakalayo ko pa. At ayoko ring sirain ang family outing namin.
"Tristan! Kain na!"
Hindi ko alam kung ilang minuto rin akong umiyak sa harap ng dagat. Nang marinig ko ang boses ni mama ay napukaw kaagad ang isipan ko at agad na pinahid ang luha kong walang-tigil pa ring bumubuhos.
Inayos ko muna ang sarili ko at malakas na napasinghap ng hangin upang pagaanin ang loob ko. Pero gano'n pa rin. Napakabigat at may kirot. Iniwan ko na ang baybayin at naglakad pabalik sa cottage namin.
"Uy, bakit namamaga 'yang mata mo?" pambungad na tanong ni kuya.
"Ha?" Hindi kaagad ako nakasagot. "Ah ano...may napanood akong video kanina sa Facebook. Nakakaiyak."
"Para ka ring si mama, 'pag may nag-iiyakan na sa pelikula, iiyak din siya."
Natawa naman si mama at napataas ang kilay. "Huy, Dennis. Hindi ka makaka-relate sa 'kin na masyado nang na-attach sa karakter tapos mamatay pala—"
"Gutom na ako, ma. Sige na. Magdasal na kayo," biglang singit naman ni papa na ikinatawa ng lahat.
Agad na nagdasal si mama. Nagsimula siya sa pagpapasalamat sa mga pagkaing nakahanda sa mesa ang aming cottage at sa kumpletong miyembro ng pamilya na nakapaligid. Hanggang sa hiniling nito na magiging ligtas at maayos ang pag-alis ni kuya; na sana hindi siya pababayaan ng Panginoon 'pag siya ay magtatrabaho na.
Unang nabasag ang boses ni mama at naiyak na ito. Hindi rin ako makapigil sa luha ko na kanina pa gustong bumuhos. Si kuya naman ay nakayuko lang at paniguradong pinipigilan ang sarili na umiyak. Habang si papa naman ay wala lang. Nakatingin lang siya sa lechon manok, halatang gutom na.
"...Amen."
"Amen!"
Dali-dali kong pinahid ang luha ko at umupo sa mahabang kawayan na upuan ng aming cottage. Ang bigat pa rin ng loob ko at hindi talaga mawala-wala sa isipan ko ang mga salitang binitiwan ni Jake. Dahil sa wala akong gana kumain, pinanood ko lang sila mama na kumuha ng pagkain. Nakatulala lang ako na nakatingin sa kanila na nag-uusap.
"Tristan, kumuha ka na," utos ni papa na nakaupo sa tabi ko.
Napatingin ako kay mama at napansin niya rin na wala akong kinuhang pagkain. Bago pa siya makapagsalita ay sumagot na ako.
"Busog pa po ako, pa. Kayo lang po muna. Mamaya na ako."
"Anong busog? Ano bang kinain mo kanina?"
"Marami po yung nainom kong juice," pagsisinungaling ko. Gusto ko mang kumain dahil nakalatag na yung paborito kong adobong manok sa mesa, pero wala talaga akong lakas at gana na kumain.
Habang pinapanood ko silang kumain at nakikinig sa usapan nila ay wala naman akong ibang iniisip kung hindi si Jake. Sa paglipas ng sandali ay mas lalong dumadami ang tanong ko na hindi ko alam kung masasagot ko pa ba. Tahimik lang ako at sumasagot lang din 'pag may tinatanong sila.
Gusto kong bumalik sa baybayin upang mapag-isa ulit pero hindi ko magawang iwanan ang mesa. Magmula pa no'ng maliit ako, nang mamulat ang kamalayan ko sa mundo ay kailangan talaga na kumpleto kami sa hapag-kainan at walang aalis hangga't hindi natatapos ang lahat.
Gusto ko rin sanang sabihin kila mama na nakipaghiwalay si Jake sa 'kin pero hindi ito ang tamang panahon. Siguro ay mas masasaktan si mama dahil napalapit na siya kay Jake at tinuturing na rin niya itong anak. Marami-rami na rin kaming mga gala na kasama si Jake at tanggap na tanggap siya ng pamilya ko.
Pero ano kaya ang iisipin nila 'pag malalaman nilang hindi na ulit nila makakasama si Jake? T'saka nandito kami para makipag-bonding kay kuya habang hindi pa siya aalis. Ayokong sirain ang lakad na 'to. Ayokong maging center of attraction. Kay kuya 'to. Hindi sa 'kin.
BINABASA MO ANG
the second time around
RomanceAfter a devastating heartbreak, Tristan never expected to cross paths with his first love from high school again. As sparks reignite, he's willing to risk everything for a second chance. But will rekindling old flames lead to a brighter future or wi...