[ 5 ]

13 1 0
                                    

MATAPOS ANG TATLONG araw na bakasyon ay umuwi na rin kami. Sobrang worth it ng aming gala dahil sa rami ng aming napuntahan, marami rin kaming litrato na magkakasama, at ang pinakanagustuhan ko ay ang aming tawanan na buong buhay kong babaunin.

Pero habang nasa biyahe kami ay mabigat naman ang pakiramdam ko dahil kahit anong iwas ko ay darating taaga ang punto na haharapin ko na rin ang katotohanan—si Jake.

Hindi ko pa rin nasabi kina mama ang nangyari sa 'min at wala akong lakas ng loob para sabihin 'to. Naghahanap pa rin ako ng magandang tiyempo. Pero nasabi ko na sa barkada ko ang ginawa ni Jake. At ayun, galit na galit sila. Gaya ko ay nadismaya rin sila.

Purong pagmumura ang nabasa ko sa 'ming group chat sa inis nila. Naghihintay na lang daw sila ng "go signal" at susugurin nila si Jake. Pero pinigilan ko naman sila at sinabing huwag nang magdulot pa ng gulo. Hangga't sa makakaya ay gusto kong maresolba ito nang maayos.

Ang totoo ay may parte pa rin sa 'king sarili na umaasang sana ay magkakaayos kami; na sa tatlong araw na lumipas ay mapapagtanto niyang nagkamali lang siya at kailangan niya ako—na mahal pa niya ako. Kakalimutan ko talaga ang nangyari kung sakaling makikipag-ayos na siya.

Hindi pa naman talaga opisyal kaming hiwalay kasi hindi ko rin ito sinabi. Siya lang ang may gusto kahit na kami dapat mismo dalawa ang magdedesisyon.

Pero kilala ko si Jake. Alam ko ang ugali niya na 'pag ayaw niya talaga, ayaw na talaga niya. Wala nang makakabago pa sa kaniyang isipan. Siguro ay himala na lang ang gusto ko. Sadyang mahal na mahal ko talaga siya.

Naalala ko pa no'n, no'ng nakilala ko siya. Nasa kolehiyo pa kami no'n at magkaklase kami sa isang course. Late siyang dumating sa 'ming pagsusulit, tumabi siya sa upuan ko, at halatang wala siyang tulog. No'ng tanungin ko siya kung ayos lang ba siya, umiling-iling lang siya.

Nagkasakit pala siya nang ilang araw at pinilit niya lang pumasok kasi ayaw raw magbigay ng special exam ng aming professor. Tinanong ko siya kung nakapag-aral ba siya at umiling lang siya. Kaya ayun, pina-kopya ko siya ng mga sagot ko. Do'n kami nagsimula...at ngayon, parang matatapos na nga.

MAKALIPAS ANG ILANG oras na biyahe ay nagising ako nang gisingin ako ni kuya. Saktong tumigil na rin sa garahe ang aming sasakyan. Pinagtulungan naming ipasok sa loob ng bahay ang mga dala naming gamit at saka naghiwa-hiwalay na. Dumiretso na ako sa kuwarto ko, binuhay ang aircon, at do'n bumagsak sa higaan ko. Binalot ko ang sarili ng kumot at saka napatulala lang.

Lunes na bukas at babalik sa reyalidad na naman ako. Magtatrabaho na naman. Pero ang hirap pumasok kapag ganito kabigat ang pakiramdam. Hindi ko alam kung paano ko tatapusin ang trabaho ko kung maya't maya ay maalala ko siya at maiiyak na naman. Lagot ako sa boss ko.

Mabuti sana kung may "heartbreak leave" o kaya ay "moving on leave" para sa mga empleyado na puwede naming magamit sa ganitong panahon. Ang hirap kasing magtrabaho kung hindi ka okay; maaapektuhan ang trabaho mo.

Gusto kong matulog pero hindi talaga ako tinatamaan ng antok. Alas dos pa ng hapon at ang sarap sanang ipahinga pero ang ingay ng isipan kong gumagambala sa 'kin. Hanggang sa hindi ko na nakayanan pa at nakapagpasya na rin.

Bumangon ako at nagbihis lang ng damit at nagsuot ng hoodie laban sa init. Kinuha ko ang susi sa 'king bedside table at lumabas ng kuwarto. Paglabas ko ay dumiretso na ako sa garahe kung saan nakaparada ang motor ko. Binuhay ko ito at umalis na.

Inabot din ako ng ilang minuto bago ko narating ang building ng apartment ni Jake. Matapos maiparada nang maayos ang motor ko ay napatingala ako at napansin kong nakahawi ang kurtina ng mga bintana ng kuwarto niya. Yun ang palantandaan ko 'pag nandiyan siya.

Dali-dali naman akong pumasok at ginamit ang hagdanan. Bawat hakbang ko ay siya ring malakas na kabog ng puso ko. Nanginginig na rin ako. Hindi ako mapakali. Lubos akong kinakabahan sa susunod na mangyayari. Pero tahimik akong nananalangin na aalis akong nakangiti at hindi na luhaan.

Nang marating ko ang pangatlong palapag ay tinungo ko ang kuwarto niya. Sinubukan kong pihitin ang door knob niya at napagtanto kong hindi pala ito naka-lock. Bakit hindi 'to naka-lock? Papasok ba ako kaagad o kakatukin ko pa?

Kinatok ko ang pinto at naghintay nang ilang saglit. Pero walang sumagot. Muli akong kumatok pero wala talaga. Bigla naman akong kinutuban ng masama kaya hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at diretso nang pumasok. Walang katao-tao sa loob. Tahimik ang salas niya at kusina.

Dumiretso ako sa kuwarto niya at bago pa man lumapat ang kamay ko sa pinto ay nakarinig ako ng mahinang boses. Mas lalong lumakas ang kabog ng puso ko na parang sasabog na sa dibdib ko.

Dahan-dahan kong inilapit ang tainga sa pinto at nanlamig ako nang marinig ang pangyayari sa kabilang bahagi ng silid. Dinig na dinig ko ang boses ni Jake at ng estranghero. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko nang mapagtanto ko ang nangyayari sa loob.

Bumuhos na lang ang luha ko sa galit, dismaya, at sakit na nadarama. Ayokong mag-isip ng masama pero ano nga ba ang ibig sabihin nito? Gusto kong hampasin ang pinto, sugurin sila sa loob, murahin at sigawan. Pero wala akong lakas.

Sa huli ay mas pinili kong manatili sa salas. Umupo lang ako at mariing kinuyom ang mga kamao ko upang pigilan ang panginginig nito. Marahas kong pinahid ang mga luha ko at nagpakatatag. Ayoko nang umiyak pa. Wala nang saysay pang iyakan ang lahat. Nakapagdesisyon na rin ako.

Hindi nagtagal ay bumukas na rin ang pintuan at doon iniluwa si Jake na walang suot na pang-itaas na damit. Pawis na pawis siya. Nang magtagpo ang tingin namin ay nanigas siya at namutla. Sa kabila ng namumula at namumugto kong mata ay nginitian ko lang siya. Saktong lumabas din ang estranghero at do'n ko napagtanto kung sino ito.

Tumayo ako na hindi pa rin naalis ang ngiti sa labi. "Hi, Jake. Kaya pala hindi mo masabi ang dahilan kung bakit ka makikipaghiwalay...e' kasi may iba ka na pala...at si Gerald pala yun. Pinasuot mo pa sa kaniya ang binili kong damit para sa 'yo."

"Tristan."

"Hindi na ako lasing, Jake. Kakausapin mo na ba ako? Pero huwag na. Hindi na 'to kailangan pang pag-usapan. Naiintindihan ko na ang lahat. Nandito lang ako para sabihin sa 'yo na oo, hiwalay na tayo. T'saka huwag ka ring magpakita kay kuya kasi gustong-gusto niyang basagin ang mukha mo. Bye."

Hindi na ako lumingon pa at diretso nang lumabas. Ang laki ng bawat hakbang ko. Halos takbuhin ko na ang hagdanan pababa. Napakagat na lang ako ng labi nang bumuhos na naman ang luha ko. Ayoko na siyang iyakan pa pero ang sikip-sikip ng dibdib ko talaga. Iiyak lang ako para gumaan ang loob ko at mailabas ko ang lahat ng galit.

"Tristan!"

Hindi pa rin ako lumingon pero naramdaman kong sumunod at humabol si Jake. Mas binilisan ko pa ang hakbang ko hanggang sa makababa ako. Dumiretso ako sa 'king motor, binuhay ito, at humarurot paalis.

the second time aroundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon