"GUSTO MO SUMAYAW?" pasigaw na tanong ni kuya sa kabila ng ingay ng musika sa loob ng bar.
Nabaling ang tingin ko sa baba kung saan tuwang-tuwa ang mga tao na nagsasayawan. Ang ganda rin naman kasi ng musika. Magaling ang DJ na kinuha nila. Kahit na sino ay sasayaw talaga, lalo na 'pag lasing na. Ang daming tao rin, halos mga binatilyo. Mawawala talaga ang problema mo rito.
Napailing lang ako at napangiti. "Ayoko! Nakakahiya!"
"Sus. Wala namang manghuhusga rito. T'saka, wala ring nakakakilala sa 'tin," aniya. "Sasayaw tayo mamaya. Huwag mo 'kong tanggihan. Kuya mo 'ko."
Medyo tinamaan na rin ako sa ininom naming beer. Sumasayaw na ang paningin ko sa paligid dahil sa pagkahilo at mabilis na ang pintig ng puso ko. Hindi ko na mabilang kung ilang bote na ba ang naubos namin at ilang pulutan ang nakain, pero wala pa rin itong tigil.
Si kuya naman ay parang hindi pa rin nalalasing. Lasinggero kasi. Sanay na sanay. Siguro kung walang-tigil kaming mag-iinuman, bukas pa siya tatamaan. Ito rin ang unang pagkakataon na nakainuman ko si kuya at hindi ko lubos inakalang ganito pala siya ka-uhaw sa inumin. Ang dami pang inumin tapos kaming dalawa lang ang uubos. Ang sarap isauli ng iba, e.
Tawa lang din kami nang tawa. Kung saan-saan napunta ang usapan namin at wala na kaming matinong nasasabi o nasasagot sa isa't isa. Basta ang naalala ko na lang ay sobrang saya namin. Sunod ko lang na namalayan ay kinaladkad ako ni kuya mula sa pangalawang palapag at dinala sa baba. Hindi rin naman ako tumanggi at nagpatangay na. Humalo kami sa mga tao at do'n, bunsod ng kasiyahan sa paligid, agad kaming nagsayawan.
Wala na akong pakialam sa paligid. Lasing na lasing na ako at gusto ko lang isayaw lahat ng iniisip ko hanggang sa mahimasmasan na ako. Ang ganda sabayan ng musika. Kanta lang kami nang kanta. Balewala kung pipiyok o mapapaos na. Sayaw lang din nang sayaw, sumasabay sa indak ng tugtugin. Tama nga si kuya, mas mabuti ngang magsaya kaysa sa magluksa ako sa taong sinaktan ako.
Life is too short para mag-drama!
Sa sobrang lasing ko ay hindi ko na maalala lahat. Hindi lang si kuya ang nakasayawan ko at yung ibang mga estranghero rin na gustong-gusto makisaya. Sa sobrang gulo ng paligid ay nawala na si kuya sa paningin ko. Hindi ko na siya mahagilap pa, pero wala rin akong balak na hanapin siya. Sumasabay lang ako sa mga estrangherong babae at lalaki na lasing na lasing din.
Hanggang sa may humablot sa 'king kamay at nagpatangay naman ako. Isang lalaki ang kumuha sa 'kin at nakipagsayawan. Hindi rin ako nagpatalo at sinayawan din siya. Talon kami nang talon habang nakataas ang kamay, sumasabay sa malakas na musika. Tumatango rin kami at sinasabayan ang kanta.
Napatitig ako sa kasayawan ko at napansin kong ang guwapo rin pala. Moreno. Matangos ang ilong. Maganda rin ang pangangatawan; halatang palagi itong nag-eehersisyo sa gym. Bagay na bagay sa kaniya ang sando na itim.
May isa pang babae ang sumabay sa 'min at nakipagsayawan. Siguro ay kaibigan niya dahil umakbay siya rito at sabay silang tumatalon at kumakanta. Hinila rin nila ako at tatlo na kaming magkaakbay at tumatalon-talon paikot. Sobrang saya.
Magkadikit na ang mga ulo namin at sigaw nang sigaw sa pagkanta. Umabot din sa punto na kumapit kami sa kaniya-kaniyang balikat, humanay, at parang tren na sumasayaw at naglibot sa dance floor. Marami rin ang sumali at dumugtong sa 'min.
Napalitan na naman ang musika at naghiwa-hiwalay na kami. Nag-iba na rin ang ritmo ng aming pagsayaw, pero naroon pa rin ang saya. Ang sarap talagang sumayaw 'pag lasing na lasing ka na. Pawisan na ako, naliligo na ako sa sariling pawis at basang-basa na ang aking T-shirt. Pero kahit lasing ako ay may napapansin din ako. Kinabahan kaagad ako nang mag-iba na ang kilos ng kasayawan kong lalaki.
Ang kamay nito ay humawak na sa aking baywang. Napakalapit na ng katawan namin. Nagtagpo ang titig namin at hindi na ito napuputol. Sayaw pa rin kami ng sayaw. Pero naramdaman kong hinahaplos na niya ang baywang ko. Hinila niya ako at mas lalo kaming nagkadikit.
Damang-dama ko yung tensyong namamagitan sa 'min. Mas bumilis ang tibok ng puso ko at hindi na ako mapakali. Akmang hahalik na sana siya nang umatras kaagad ako at lumayo sa kaniya.
Alam kong lasing pero hindi...ayoko. May kontrol pa ako sa sarili ko.
Agad na sumagi sa isipan ko si Jake; ang mga masasaya naming alaala na magkasama. Ang mga sayawan namin sa bar at kantahan. Lahat na lang ay nagpapaalala sa kaniya. Hindi na ako nagtagal pa sa dance floor at lumabas muna.
Tinungo ko kaagad ang CR at do'n naabutan ko ang iilang mga binatilyo na naghahalikan. Binalewala ko lang sila at umihi muna dahil hindi ko na ito kayang tiisin at pigilan pa. Matapos umihi ay lumabas muna ako sa bar at tinungo ang aming kotse. Buti na lang at dala ko ang susi nito at nakapasok ako sa loob.
Hindi ko na ito binuhay pa at binuksan lang ang bintana. Pawis na pawis ako. Walang-tigil sa pagtagaktak ang pawis. Pero lasing na lasing pa rin ako. Umiikot pa rin ang paningin ko at nasusuka na ako. Hinubad ko na ang damit ko at inilagay ito sa paanan. Sumandal ako sa upuan at saka binuksan ang compartment.
Kinuha ko ang phone ni kuya. Dahil sa alam ko rin ang password niya, binuksan ko ito at ginamit upang tawagan si Jake. At makalipas ang ilang minuto ay sinagot na niya ito.
"Hello? Sino 'to?"
"Love." Bumuhos na ang luha ko.
"Tristan?"
"Love, pakiusap. Bakit?" tanong ko at hindi na napigilan pa ang paghagulhol. "Minahal mo ba ako? Sayang yung sampung taon nating pagsasama. Kakalimutan na lang ba natin ang lahat?"
"Tristan, lasing ka ba?" Hindi ako sumagot. "Sinong kasama mo? Umuwi ka na. Matulog ka na."
"Kausapin mo muna ako."
"Tristan please—"
"Ah putangina naman Jake! Simpleng rason 'di mo mabigay? Ano ka ba? Hindi ka naman ganiyan, a? Bakit bigla ka na lang nagbago? Ang laki ng pinagbago mo. Hindi na kita kilala. Nakakatulog ka ba nang maayos ngayon na may nasaktan kang tao? Sa tingin mo ba hindi ako nasasaktan? Pagod na ako sa kakaiyak. May iba ka ba kaya ang bilis nagbago ng isipan mo? Hindi ba ako sapat? Jake, tangina naman. Sagutin mo ko!"
"Kakausapin lang kita 'pag 'di ka na lasing." At pinutol niya ang tawag.
Ibinaba ko ang phone ni kuya at ibinalik ito sa compartment. Sa galit ko ay buong-lakas akong sumigaw. Wala pa ring tigil sa pagbuhos ng mga luha ko. Parang pinipilipit ang puso ko sa sakit. Hirap ako sa paghinga at purong paghagulhol lang ang nagagawa ko.
Bakit pa umabot sa ganito ang lahat?
BINABASA MO ANG
the second time around
RomanceAfter a devastating heartbreak, Tristan never expected to cross paths with his first love from high school again. As sparks reignite, he's willing to risk everything for a second chance. But will rekindling old flames lead to a brighter future or wi...