Chapter 4

3 1 0
                                    

The Journey Toward Knowledge

Matapos lumabas sina Inang at Lyra sa kwarto, naiwan ako sa tahimik na silid. Bagama’t tila payapa ang paligid, nag-aalab ang kuryosidad sa aking isipan. Hindi ko mapigilan ang tanong: Paano ko magagamit ang kapangyarihan ko? Ilang beses ko nang naramdaman ang kakaibang enerhiya sa loob ko, ngunit ngayon, gusto kong malaman kung paano ko ito magagamit.

Umupo ako sa gitna ng kama, isinara ang aking mga mata, at sinubukang pagtuunan ng pansin ang nararamdamang enerhiya. Inalala ko ang nangyari noong nakaraang araw—ang biglaang pagliwanag ng mga ukit sa pasilyo at ang hindi sinasadyang pagpapakawala ng kakaibang pwersa. Subalit kahit anong pilit kong gawing pokus ang sarili, wala akong naramdamang kakaiba.

“Siguro kailangan ko itong idaan sa kilos,” bulong ko sa sarili. Tumayo ako, naglakad papunta sa malawak na espasyo sa kwarto, at sinubukang gayahin ang mga nakita ko sa mga kwento. Itinaas ko ang aking kamay, pilit na iniisip na baka makagawa ako ng liwanag o anuman. Ngunit wala. Sinubukan ko pang magsalita ng mga salitang katulad ng "Ilaw! Buksan mo ang daan!" pero wala pa ring nangyari.

Napabuntong-hininga ako, pilit na pinipigilan ang pagka-frustrate. Paano kung hindi ko talaga magamit ang kapangyarihan ko? Paano kung maling tao ako? Ngunit may bahagi sa akin na hindi sumusuko. Sinubukan ko pang tumalon, magpadyak, at kahit tumakbo paikot sa kwarto, umaasang may mangyayari. Ngunit ang resulta’y parehong wala.

Pagod at nanlulumo, bumalik ako sa aking kama. Nakahiga akong nakatingin sa kisame, iniisip kung ano ang susunod na mangyayari. Ito ba ang bagong buhay na naghihintay sa akin? Ano ang dapat kong gawin kung hindi ko kayang gampanan ang hinihingi ng aking kapalaran? Hindi ko namalayang napapikit na ako, unti-unting nilamon ng pagod ang aking katawan.

Kinaumagahan, isang mahinang pagkatok ang pumukaw sa aking pagkakahimbing. Dumilat ako at nagulat nang makita si Lyra sa tabi ng aking kama, may ngiting banayad ngunit puno ng layunin.

"Bangon na, Elara," sabi ni Lyra. "Simula na ng ating paglalakbay."

Agad akong bumangon, ang antok sa aking mga mata ay napalitan ng gulat. "Paglalakbay? Saan tayo pupunta?"

"Makakatulong ang lugar na iyon para sa iyo," sagot ni Lyra. "Magbihis ka na, mahabang biyahe ang naghihintay sa atin."

Sa loob ng ilang minuto, handa na ako. Kasama si Lyra at Inang, umalis kami sa malaking tahanan at sinimulan ang aming paglalakbay. Habang tinatahak ang daan, namangha ako sa tanawin. Ang malawak na kakahuyan at ang mga ilog na dumadaloy ay tila nagpapahayag ng isang mahiwagang kuwento. Ngunit hindi ko maiwasang mapuno ng katanungan.

"Saan ba talaga tayo pupunta?" tanong ko kay Inang habang naglalakad kami sa makitid na daan patungo sa isang mataas na burol.

"Sa lugar kung saan mo maiintindihan ang tungkol sa iyong kapangyarihan," sagot ni Inang na tila may lihim na ngiti.

Hindi na ako nagtanong pa. Maya-maya’y natanaw namin ang isang malaking gusali na tila nakatayo sa gitna ng isang lambak. Ang gusali ay napapalibutan ng matataas na puno at mga bundok, at ang mga tore nito ay tila humahalik sa ulap. Napansin ko ang kakaibang sigla ng paligid, na tila ang hangin mismo ay puno ng enerhiya.

Napatigil ako, nakatitig sa gusali. "Isang… akademya?" bulalas ko, puno ng pagtataka. "Bakit tayo pupunta sa isang akademya?"

Ngumiti si Inang at nilingon ako. "Ito ang lugar kung saan natututo ang mga tulad mo. Hindi lang ito isang lugar para matutunan ang kapangyarihan, Elara. Ito ay lugar ng kaalaman—isang santuwaryo para sa mga pinili ng mga diyosa."

"Pero akala ko, dadalhin n’yo ako sa isang lugar kung saan ako tuturuan kung paano lumaban at gamitin ang kapangyarihan ko…" Napakunot-noo ako, hindi maitatago ang pagkabigo at kalituhan sa aking mukha.

"Ang pagiging malakas ay hindi lamang tungkol sa lakas ng katawan o kapangyarihan," sagot ni Lyra. "Ang tunay na lakas ay nasa tamang paggamit nito. At dito, matutunan mo ang tamang paraan."

Habang papalapit kami sa pintuan ng Akademya ng Aetheris, huminto si Lyra at Inang. Lumapit sila sa akin, at si Inang ay bahagyang yumuko upang tumingin nang diretso sa aking mga mata. "May isang mahalagang bagay kang dapat tandaan," sabi ni Inang. "Habang narito ka, kailangan mong magpanggap na isa lamang normal na estudyante. Huwag mong ipakita ang iyong kapangyarihan hangga’t hindi mo ito ganap na kontrolado."

Napalunok ako, ramdam ang bigat ng babala. "Bakit? Ano ang mangyayari kung malaman nilang ako’y naiiba?"

"Hindi pa ito ang tamang panahon, Elara," paliwanag ni Inang. "Dito sa akademya, ang lahat ng estudyante ay hinahasa sa kanilang sariling bilis. Kailangan mo munang maunawaan ang kalikasan ng iyong kapangyarihan bago ito ipakita."

Tumango ako, bagama’t puno pa rin ng katanungan ang aking isip. Bakit kailangang itago? Bakit parang napakabigat ng responsibilidad na ito?

Pagpasok namin sa loob ng Akademya ng Aetheris, agad kong napansin ang kakaibang ganda ng lugar. Ang bawat pader ay puno ng mga ukit at simbolo, tila may kwento sa bawat sulok. Ang mga estudyante ay abala sa kani-kanilang gawain—ang ilan ay nagbabasa ng makakapal na libro, ang iba naman ay nagsasanay ng simpleng mahika sa mga patyo.

Dinala ako ni Inang at Lyra sa dormitoryo, kung saan ako pansamantalang mananatili. Ang aking silid ay maliit ngunit maayos. May mesa, isang bookshelf na puno ng mga libro, at isang kama na may malinis na sapin.

"Dito ka muna titira,” sabi ni Lyra." Hanggat hindi mo pa natututunang kontrolin ang iyong kakayahan at habang lumalakas ka pa sa laban, dito ka muna magpapalakas.”

Bago sila umalis, iniabot ni Lyra sa akin ang aking bag. Nang makita ko ito, biglang nagliwanag ang aking mukha. Agad kong binuksan ang bag at natagpuan ang isang bagay na matagal ko nang hinahanap—isang maliit na pendant na hugis bituin, na pagmamay-ari ng aking ina.

"Nahanap ko ito sa iyong mga gamit," sabi ni Lyra habang ngumingiti. "Mukhang mahalaga ito sa iyo."

Napaluha ako, pinipigilan ang emosyon. Mahigpit kong hinawakan ang pendant.  "Maraming salamat, Lyra. Napakahalaga nito sa akin…"

Iniwan nila ako nina Lyra at Inang, at muling bumalot ang katahimikan sa silid. Habang nakaupo sa gilid ng kama, hawak-hawak ang pendant, hindi maiwasan ang ma-overwhelm sa lahat ng nangyari. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin sa Akademya ng Aetheris. Ngunit isang bagay ang malinaw—ito ang simula ng bagong yugto ng aking buhay.

Sa kabila ng aking mga takot at tanong, handa akong harapin ang mga darating na araw. Gusto kong malaman ang tungkol sa aking kapangyarihan, at higit sa lahat, gusto kong malaman kung paano ko magagamit ito upang tuparin ang aking layunin. Ang paglalakbay ko ay nagsisimula pa lamang.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: 4 days ago ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ChosenWhere stories live. Discover now