Two (3)

97 1 1
                                    

Two (part 3)

Parang kailan lang nung nagtatawanan pa kami. Parang kailan lang na magkasama kami. Parang kailan lang na naging aware kami sa koneksyon sa isa’t-isa. At parang kailan lang nang inamin namin sa aming mga sarili na mahal namin ang isa’t-isa.

          Kailan nga ba ‘yun? One week ago?

          Iyon ang araw na masasabi kong pinakamasaya sa lahat. Hindi maipaliwanag na pakiramdam ang ibinigay sa akin ng simpleng “oo”. Isang salita pero libo ang hatid sa akin. Nang araw na iyon, wala akong ibang nakikita kundi siya lamang. Wala akong pakialam sa paligid kundi ang bawat kibot ng cute niyang labi, pagsayaw ng mahabang buhok niya at makislap niyang mga mata.

          Ultimo mga salita niya, ang tamis ng dating sa akin.

          Tama nga sila, I am madly deeply in love with Ivory. Wala nang ibang babae makakahigit pa sa kanya. Nakikita ko na ang sarili ko kasama siya sa pagtanda.

          Nang araw na iyon, siya na ang naging buhay ko.

          Kaya nang malaman ko ang nangyari sa kanya, para na rin akong namatay. Hindi ko kinayanan ang nangyari sa kanya. Naawa ako sa kanya sa pinagdaanan niya sa hayop na iyon. Hindi ko mapigilan sa sisihin ko ang sarili ko. Nobyo niya ako. Dapat naipagtanggol ko siya. Dapat naprotektahan ko siya. Dapat hindi sa kanya nangyari iyon.

          “Hayami…” naramdaman ko ang pagdantay ng kamay ni Tita Fabs, ang mama ni Ivory. Tiningnan ko siya. Masagana pa rin na lumuluha ang kanyang mga mata.

          “Magpaalam ka na sa kanya,” sabi nito sa nanginginig na boses.

          Ngayong araw ang burol kay Ivory. Maulan at parang nakikidalamhati din ang kalangitan. Sa lahat ng masasamang taong pwedeng mamatay, bakit siya pa? Hindi ko maintindihan. Hindi ko pa rin maintindihan. At hinding-hindi ko maiintindihan hanggang hindi pa nahuhuli ang gumawa nito sa kanya.

          Dinig na dinig ang iyakan sa kabila ng patak ng ulan. At kahit tahimik ang aking pagluha, pakiramdam ko ako ang may pinakamalakas na pag-iyak. At sana madinig din hanggang kabilang buhay, ni Ivory, para malaman niya kung gaano ako nasasaktan sa nangyari, at kung gaano ako kadeterminado na bigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay.

          “H-hijo, siga na… magpaalam ka na.”

          Itinaas ko ang hawak kong tatlong rosas at hinalikan ang talulot niyon. Inihulog ko iyon sa hukay at pinagmasdan ang pagbagsak nito sa kabaong.

          “I love you,” usal ko. “Hindi kita makakalimutan.”

         (ITUTULOY...)

SILENCETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon