Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Sa ating unang pagkikita
Hindi maipaliwanag na kaba at saya ang aking naramdaman nang una kang masilayan. Hindi mawari kung lalapit ba o pagmamasdan ka nalang mula sa aking kinatatayuan.
Ganoon pa man, nilabanan ang nanginginig na tuhod, humakbang palapit sa iyo kahit na hindi sigurado kung magugustuhan mo ang simpleng suot ko.
Ilang minutong nagkahiyaan, sambit sa sarili'y 'totoo na ba ang bawat segundong dumadaan?' Hindi ka nakitaan ng pamimintas o ng kung anoman.
Ngumiti ka't pilit nagtatago sa aking likuran. Napakakulit mo, kulit na gustong-gusto ko.
Tunay ngang marikit, hindi lang sa mga larawan. Ako'y nabighani sa taglay mong kagandahan.
Labis-labis na tuwa, tayo ay magkasama na. Hindi pa rin makapaniwala, kamay ng aking tinatangi ngayon ay hawak ko na.
Pinagmamasdan ang iyong bawat ngiti, galak na mababakas sa iyong mga labi.
Eroplano. Taal view. People's Park. Time lapse. Aquaflask. Photobooth. Sinigang. Super viking. Sky Eye. Drop Tower. Nessie Coaster. Log Coaster.
Araw na puno lang ng tuwa ang aking puso. Mga tagpong hindi malilimutan. Hinihiling na sana ay wala nang katapusan.
Sa bawat ngiti mo, nakita ko ang tangi ko.
Sa paglipas ng mga oras, dumating ang gabi. Hindi alintana ang distansya, naglakad nang magkahawak-kamay nang may ngiti ang ating mga labi.
Umuwi at ipinakilala, bakas man ang kaba, nakakatuwa sapagkat nagustuhan ka nina tita.
Habang mahimbing ang tulog mo, ako ay nakatitig sa iyo. Napakaamo ng mukha, lalong nabibighani sa ang aking puso.
Ipinangako sa sariling ika'y aalagaan ko. Pahahalagahan at hinding-hindi pababayaan. Hindi papayag na ika'y lumuhang muli, masaktan at mag-isa.
Sa tabi mo, mahimbing ang tulog ko. Tahanan kung ilalarawan ang pakiramdam na ito. Kailan kaya mauulit ulit ang tagpong ito?
Sa paghatid ko sa iyo, may kirot pero masaya ako.
Pinaunlakan mo ang isang katulad ko. Wala akong maipagmamayabang ngunit ako ay tinanggap mo. Binigyan ng pagkakataong ikaw ay mahalin ko.
Tangi ko, ika'y mahal ko. Tunay po ito. Hindi na magbabago.
Hindi ito ang una't huli, ngunit sa ngayon ay paalam pansamantala para tayo'y humarap ulit sa ating mga sariling buhay. Lagi mong tatandaan na may kakampi ka, sa mundong walang kasiguraduhan, narito ako nagmamahal nang lubos sa iyo.