Sasamahan kita.
Hindi ko man nasaksihan ang unang paghakbang ng iyong mga paa, sa pagkadapa'y nais kitang samahan at tutulungang tumayo. Pupunasin ang mga piraso ng lupang dumikit sa iyong mga tuhod at gagamutin natin ang bawat galos na dulot ng iyong nakaraan. Batid ko na hindi madali, maiiyak ka't sisigaw sa hapdi ngunit narito ako. Sasamahan kita. Hanggang sa paghilom mo at kahit dumating ang araw na kaya mo na, asahang mananatili ako't sabay tayong magpapatuloy sa paghakbang at pagsulong. Magiging tapat sa aking mga salita at hindi ka basta hahayaang muling mag-isa, sapagkat bago ko banggitin ang mga salitang "mahal kita" pinag-isipan ko na ito ng ilang ulit kung tunay na nga ba talaga ang aking nadarama. Salamat, dahil pinakinggan mo't sa pagbigkas nitong mga salita, naroon ka, pinakitaan ako ng pagpapahalaga. Kaya nais kong malaman mo na hindi na kita hahayaan pang madapa, handa akong iyong maging kasangga, huwag ka lang bumitaw sa akin tangi kong sinisinta.
![](https://img.wattpad.com/cover/373519977-288-k544995.jpg)
BINABASA MO ANG
Tangi
PoetryKoleksyon ng mga tula: Katha ng pag-ibig para kay Sheena. "Ikaw sa bawat pahina"