Tanging Hiling

1K 5 0
                                    


Kasabay ng pang-umagang tilaok ng tandang ang pagsibol ng liwanag mula sa silangan. Ang kanina'y may kadilimang kalawakan ay unti-unting binabalutan ng kaaliwasan mula sa papasikat na araw.

Napagmasdan iyon ni Apple habang tinatalunton niya ang kahabaan ng bukirin. Alas kwatro siya ng madaling araw ibinaba ng bus na nanggaling sa Kamaynilaan. Wala pa siyang nakikitang traysikel sa kaya naman naisipan na lamang niyang maglakad papasok sa maliit na baryong iyon – ang baryong minsan ay naging tahanan niya.

Sinuri niya ang buong kapaligiran na ngayo'y naaninag na sapagkat naliliwanagan na ito ng sikat ng araw. Gano'n pa rin ang bukirin, walang pinagbago.

Makalipas ang mahigit tatlong-pung minutong paglalakad ay tanaw na niya ang arkong yari sa kawayan na may nakasulat na pangalan ng kanilang baryo. Naroon pa rin sa tabi ng puno ng Akasya sa kanang bahagi ng ng arko ang pergulang yari sa kawayan. Sa 'di kalayuan mula rito ay tanaw niya ang mag-asawang puno ng mangga na paborito noon nilang puntahang magkaibigan. Napahinto siya sa paglalakad at pinagmasdan iyong maigi. At unti-unti'y sumasariwa sa kanyang isipan ang nakaraan.

Mataman niyang pinapanood si Gene habang inuukit nito sa punong-katawan ng mangga ang mga salitang 'best friends forever' at sa ibaba nito'y ang pangalan nilang dalawa. Aniya ni Gene ay habang naroroon ang puno ng mangga at nakaukit pa rin doon ang mga pangalan nila ay mananatili silang matalik na magkaibigan.

Kapitbahay, kalaro at kaklase ni Apple si Gene kaya naman hindi malayong maging malapit sila sa isa't-isa. Sa paglipas ng panahon ay naging higit pa sa isang kaibigan ang pagtingin ni Apple sa binata. Lihim niya itong minahal at nararamdaman niya ring may pagtingin sa kanya ang kaibigang matalik. Batid niyang isang araw ay magtatapat ito ng pagmamahal sa kanya.

Ngunit, nag-iba ang lahat nang dumating si Rose sa kanilang baryo. Ang atensyon ng binata ay nabaling na sa pinsan niya. Nagustuhan ito ni Gene at niligawan at 'di lumaon ay naging magkasintahan sila.

Lubos na nasaktan si Apple dahil do'n. Sa pagyakap ng dilim sa kapaligiran, ay kusang pumapatak ang kanyang luha hanggang ito'y kanyang makatulugan. Sa pagmulat ng kanyang mata kinaumagahan ay ang pag-usbong ng sakit na kanyang nararamdaman.

Dahil sa sukdulan ang kirot na dala ng maling pag-ibig ay minabuti na lamang niyang lisanin ang kanilang baryo at manirahan sa Maynila kasama ang kanyang ama. Umalis siyang sugatan ang puso at puno ng pagkamuhi sa dalawa.

Hindi namalayan ni Apple na nakalapit na pala siya sa puno ng mangga. Una niyang nakita ang punong-katawan ng manggang nasa kanang bahagi niya, nakaukit pa rin do'n ang pangalan nila ni Gene. Muli siyang nakaramdam ng kirot nang maisipang natapon sa wala maging ang pagkakaibigan nila ng binata. Mula kasi nang siya'y nasaktan nito ng 'di sinasadya ay nawalan na sila ng komunikasyong dalawa.

"Apple?" tila naestatwa sa kinatatayuan ang dalaga nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Mula sa itaas ng punong mangga ay lumundag pababa ang lalaking inibig niya kasabay no'n ang paglundag din ng kanyang puso. Walang salitang namutawi sa kanilang labi sa unang paglapat ng kanilang mata sa isa't-isa. Hanggang sa tuluyan siyang niyakap ni Gene na ginantihan naman niya.

"Na-miss kita, best friend," aniya ng binata.

"I miss you too," nakangiti niyang saad dito. Sa salitang binigkas ni Gene sa dalaga ay naglaho lahat ng kirot at poot sa puso ni Apple.

Naglakad silang dalawa sa bukurin patungo sa bangin kung sa'n tanaw ang kagandahan ng tanawin. Hindi alintana sa kanila ang mainit ng sikat ng araw. Nagtanong si Gene sa tungkol buhay ng dalaga at nagkwento naman ang huli. Hanggang sa si Apple naman ang nagtanong sa binata.

Nawala ang ngiti nito sa labi at kinakikitaan ng kalungkutan ang mga mata nito. "Naging masalimuot ang buhay para sa akin. Nang araw na umalis ka, naglaho rin si Rose."

Imbes na makisimpatya sa kaibigan ay tila ikinatuwa pa iyon ni Apple. Ngunit panandalian lamang iyon nang muling magsalita si Gene, " Mahigit tatlong taon na ang nakakaraan, pero hanggang ngayon, siya pa rin ang laman ng puso ko. Pangalan niya pa rin ang isinisigaw nitong puso ko. Ang maamo niya pa ring mukha ang palaging nasa isip ko. Mahal ko pa rin si Rose, Apple, mahal na mahal. At ang tanging hiling ko lamang ay ang makasama siyang muli."

Muli na namang napuno ng poot ang dibdib ni Apple, ngunit hindi niya iyon pinahalata sa kaibigan. Hindi siya nagsalita, pinanood niya lamang ang paghikbi nito at pagkatapos ay niyakap.

"I'll grant your wish," aniya.

Kunot-noong napatingin sa kanya si Gene at akmang magtatanong ngunit naitulak na siya ni Apple sa bangin at tanging ang sigaw na lamang nito ang siyang naririnig sa malawak na paligid.

One-Shot Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon