Abbey Dawn

701 8 0
                                    

Abbey Dawn

-DS34 @2014-

“Tiya, aalis po ako,” paalam ni Pol sa kanyang tiyahin na kasalukuyang naglalaba sa likod bahay. Sinabi niya ritong nais niyang magpunta sa bundok ng Santa Victoria at manguha ng mga larawan ng nasabing tanawin. Isa kasi sa kinahiligan ni Pol ang pagkuha ng larawan, isang hilig na namana niya sa yumaong ama na dating potograper sa kanilang lugar.

“Kadarating mo lang mula sa kamaynilaan, aalis kana kaagad? Magpahinga ka muna.” Itigil ng kanyang tiyahin ang pagkukusot ng damit at hinarap siya, “Tsaka..,” hindi nito maituloy ang nais sabihin, tumingin lamang ito kay Pol na may bahid pag aalala sa mukha. Nakuha naman kaagad ni Pol ang nais nitong sabihin.

“Ayos na po ako tiya, matagal na pong nangyari yaon at nakalimutan ko na. Wala na ang sakit dito,” aniyang nakaturo ang daliri sa ibabang bahagi ng kanyang kaliwang dibdib.

Banayad na ngumiti ang may edad na babae sa kanya, “Bumalik ka bago lumubog ang araw, delikado sa gubat.”

~~~

'So leave yourself intact, 'cause I will be coming back...'

Napahinto si Pol sa pagtingin sa mga nakuhang larawan sa kanyang kamera pagkarinig sa malamyos na tinig ng isang babae. Nag angat siya ng paningin at tumingin sa buong kapaligiran para hanapin kung saan nanggagaling ang tinig. Matapos ilagay ang kamera sa bag nito ay sinundan niya ang pinanggagalingan ng tinig habang sinasabayan niya rin ang pagkanta dito.

Pamilyar sa kanya ang kanta. Maliban sa isa itong kanta ng paborito niyang banda'y, naririnig niya rin itong kinakanta noon ng unang babaeng minahal niya, si Abbey.

Nakaramdam siya ng konting kirot pagkaala-ala sa babae. Dalawang taon na rin ang nakakaraan mula ng huli niya itong makita. Magkasama noon silang bumyahe patungong Santa Victoria. Nais kasing makita ni Abbey ang kanyang lugar na kinalakhan at malibot ang sinasabi niya ritong magandang tanawin sa bulubundukin sa kanilang baryo Tulad niya, mahilig din si Abbey manguha ng mga larawan ng iba't ibang tanawin at kalikasan.

Nakilala niya si Abbey sa isang photo exhibition sa kanilang unibersidad. Nagkapalagayan sila ng loob at nagpalitan ng numero. Nagsimula ang lahat sa pagiging magtextmate hanggang sa humantong sa pag iibigan. Napakadali ng pangyayari. Ni hindi pa nila masyadong kilala ang isa't-isa ngunit dahil sa gusto nila ang isa't isa'y pumasok na silang pareho sa isang relasyon at naging magkasintahan.

Limang araw ang usapan nilang pamamalagi sa baryo ng Santa Victoria, sapat na para malibot nila ang buong kabundukan maging ang mga kweba't talon na nasa loobang bahagi nito. Ngunit, sa ikatlong araw ng kanilang pamamasyal sa kabundukan ay bigla na lamang nawala si Abbey. Kakagaling lamang noon nila sa masukal na gubat, dala ng pagod ay nakatulog siya kaagad at nang pagkagising niya'y wala na si Abbey, maging ang mga gamit nito. Ang tanging naiwan lamang sa gamit nito ay ang kwintas na iniregalo niya rito. Umalis si Abbey na hindi nagpaalam sa kanya at sa hindi niya malamang dahilan. Hindi na rin ito nagparamdam sa kanya mula noon at magpakahanggang ngayon ay wala na siyang nabalitaan patungkol sa dating nobya.

Muling namumbalik sa kasalukuyan ang diwa ni Pol nang mas lumakas sa kanyang pandinig ang boses. Nakarating siya sa isang sapa at mula sa kabilang bahagi nito ay nakita niya ang isang babaeng may mahaba at alon-alon na ginintuang buhok na mas pinatingkad ng sinag ng araw na tumatama rito. Nakadamit ito ng puting bestida at walang suot na pang paa. Inilubog nito ang paa sa tubig na dumadaloy sa sapa at nakipaglaro sa mumunting alon. Tila itong batang tuwang-tuwa na naglalaro sa tubigan.

Hindi maiwasan ni Pol ang hindi mapangiti habang pinagmamasdan ang babae, napakasimple lamang ng kasiyahan nito. Muling inilabas ni Pol ang kamera niya mula sa bag, nais niyang kuhanan ng litrato ang babae. Nagkubli siya sa likod ng mga halamang gubat at isinaayos na ang pagkakahawak ng kanyang makabagong kagamitang pangkuha ng larawan. Akma na niyang pindutin ito nang biglang maramdaman ng babae ang kanyang presensiya. Napatingin ito sa pinagkukublian niya't huli na para makapagtago pa siya. Dali-dali namang umalis ang babae at bago pa niya naituloy ang balak na pagkuha ng larawan dito'y tumalikod na ito't tumakbo palayo sa kanya.

One-Shot Stories (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon