2 KENJY: The Hopeless Dreamer

209 35 136
                                    

The Hopeless Dreamer

"Mr. Kenjy Robles."

Napapitlag si Kenjy nang marinig niya ang tawag ng HR staff member na nag-interview at nagpa-exam sa kaniya sa maliit na food company na iyon. Kasalukuyang nasa waiting area siya kasama ang iba pang applicants. At dahil sa tagal ng paghihintay, naglayag na naman ang isip niya patungo sa mundo ng nilikha niyang characters mula sa work-in-progress novel niya.

"Yes, ma'am?" nakangiti niyang sagot sabay tango. Alisto rin siyang tumayo nang lumapit iyon sa kaniya.

"Tatawagan ka na lang namin kung tanggap ka."

Unti-unting naglaho ang magandang ngiti ni Kenjy. "Ah." Tumango-tango pa siya. "Okay, ma'am. Thank you."

Bumaling na ang kausap sa iba pang applicants at narinig niyang gano'n din ang sinabi nito sa mga natawag din ang pangalan.

Ang totoo, hindi na umaasa pa si Kenjy na tatawagan pa siya ng kompanyang iyon. Maraming beses na niyang narinig ang ganoong linya. Hindi na niya mabilang sa kaniyang daliri sa dami. Iyon ang modest way to say "you're not hired." Sa dami niyang pinag-applyan, alam na alam na niya. And for the nth time, he felt neither frustration nor depression. Immune na siya sa pagkabigo.

Nang magsilabasan na ang ibang applicants na nasabihan ay sumunod na rin siya. Habang pinagmamasdan niya ang mga kasamahan, kita niya ang pagkadismaya sa mga reaksyon ng mga iyon. Laglag ang mga balikat at halos hindi maipinta ang mga mukha. Napakahirap na talagang humanap ng trabaho sa panahon ngayon, naisip niya.

"Mahirap para sa iyo dahil hindi mo siniseryoso."

Nangiti si Kenjy nang maalala niya ang madalas sabihin sa kaniya ng nanay niya kapag ganitong hindi siya natatanggap sa trabaho o 'di kaya ay kapag nag-quit siya sa pinapasukan. Mahirap. Iyon kasi ang palusot niya: Mahirap ang interview, mahirap ang exam, mahirap ang ginagawa sa office.

Totoo nga, hindi lang kasi siya seryoso. Hindi kasi siya masaya sa mga iyon kaya hindi niya maibigay ang best niya. Para kasi sa kaniya, ang paghahanapbuhay ay hindi lamang para kumita ng pera. 'Pag sinuong mo ang isang trabaho, dapat ay gusto mo iyon. 'Pag gusto mo ang ginagawa mo, magiging masaya ka roon at dahil doon, magagampanan mo nang mahusay ang tungkulin mo. Masaya ka na, kumikita ka pa, nagiging mas kapaki-pakinabang ka pa sa pinaglilingkuran mo.

Ngunit maraming hindi nakauunawa sa pamantayan niyang ito. Hindi naman niya masisisi ang mga iyon. Tunay, sa hirap ng buhay, dapat ay praktikal ka na. Sa panahong ito na walang pinagkaiba ang graduate sa undergraduate kung sa bilang ng unemployment ang pag-uusapan, wala nang sinusunod na prinsipyo, pamantayan, o anomang katulad nito. Kung gusto mong mabuhay, dapat mong subukan ang lahat.

Ginawa naman iyon ni Kenjy. Nariyang mag-audition siya bilang radio announcer, sumama sa sobrang habang pila para makasali sa isang TV game show, at mag-apply sa napakaraming kompanya na nakita niya sa classified ads.

Iisa lang ang end point... bigo!

Sa loob ng may ilang taon wala siyang naging permanenteng trabaho. Tatlong buwan lang yata ang pinakamatagal niyang napasukan. Kung bakit ba kasi HRM ang kinuha niya sa college? Wala e, nakisabay lang siya sa takbo ng panahon. Iyon kasi ang sikat na kurso noong mag-kolehiyo siya, tapos medyo nalilinya naman sa trabaho ng mga magulang niya. 'Yun na 'yon.

Pero ngayon, alam na niya kung ano ang gusto niya. Dapat lang, doblehin niya ang pagsisikap dahil mahirap talagang pasukin ang mundo ng mga manunulat at marami pa siyang dapat pag-aralan at sanayin.

Nagpatuloy na siyang lumakad sa sidewalk patungong hintayan ng jeep nang may humawak sa braso niya mula sa kaniyang likuran.

"Excuse me, pogi," sabi ng pa-sweet na tinig ng lalaki.

Paglingon ni Kenjy ay bahagya siyang napaatras nang makita ang may kaliitang lalaki na akala mo ay nasubsob ang mukha sa masahan ng tinapay dahil sa kapal ng foundation. Nakakaloko ang ngiti nito habang hinahagod siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

___________________________

Ano kaya ang balak ng lalaking iyon kay Kenjy? Abangan...

Up Next, ang simula!

Chelsea's Ghostwriter (Published by Bookware) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon