3 Life Goes On

202 26 133
                                    

www.KenjyRobles.OnlineKasentihan.ph

Sa mundo, dalawa lang ang katayuan ng buhay: isang mahirap at isang mayaman. Dalawang hangganan ng isang mahabang linya. Mahirap magpang-abot. Mahirap pagsaluhin. Parang langit at lupa na hindi masukat ang layo. Tunay na magkaiba ang inog ng mundo nila. Magkaiba rin ng direksyon ang agos ng kani-kanilang buhay. Ngunit magkatulad ang alon -- minsan mataas at minsan ay mababa.

Tunay, mayaman ka man o mahirap, may mga problema pa ring pagdaraanan. Ngunit sa paglunas, magkaiba ang mga iyon. May mga nag-aakala na kapag mayaman ka, mas madaling malulunasan ang mga suliranin. Hindi tulad ng mahirap, pati solusyon sa problema, problema pa rin!

Haaay... mahirap talagang maging mahirap! Sa isang banda, ang mayaman at mahirap ay nagiging magkapantay. Nagiging magkatulad. Dahil mahirap ka man o mayaman, ang bawat isa ay nangangarap, may pangarap, at malayang mangarap. -KeRob

"Kenjy, take mo na!" saktong tawag sa kaniya ng production assistant matapos niyang pindutin ang "post" sa kaniyang blog na wala namang nagbabasa kundi siya lang.

"Okay," sabi niya at agad tumayo sabay ibinulsa ang kaniyang mobile phone.

"P're, good luck," sabi ng isa sa mga kasama niyang nakatambay sa isang tabi na kanina pa rin nag-aabang ng scene nila.

"Thank you, brod," nag-thumbs up pa siya saka sumunod sa P.A. na tumawag sa kaniya.

"Direk Manny, heto na ang nahanap kong ka-double ni Patrick," sabi ng P.A.

"Ah, ikaw pala. O, nasabihan ka na kung ano'ng gagawin mo..." sabi ng direktor ng movie kay Kenjy, sabay baling sa P.A. "Marcel, na-briefing mo na siya?"

"Yes, Direk," halos sabay pa nilang sagot ni Marcel.

"Good, dahil ayokong nasasayang ang oras sa paulit-ulit na pag-instruct. Doon na tayo sa bridge... sandali, nasaan si Jellaine?"

"Direk, nasa bridge na, pati crew nandoon na -- kayo na lang ang hinihintay," sagot ni Marcel habang pumipilantik pa ang mga daliri.

"Oh, s'ya tayo na 'ron."

Sumunod na rin si Kenjy sa dalawa.

Nadatnan nilang nag-re-rehearse pa si Jellaine ng linya nito habang hawak ng lalaking parang K-Pop ang script.

"Oy, Jellaine! Ready ka na?"

"Yes, Direk Manny. I'm ready."

"O, ikaw, halika rito," tukoy ni Direk Manny kay Kenjy. Hinila siya nito sa braso patabi sana kay Jellaine pero dahil nabigla siya sa paghila ng direktor ay nabangga niya si Jellaine.

"Ouch!" nasabi ni Jellaine na na-out of balance. Mabuti na lang maagap si K-Pop look-alike at naalalayan ito.

"Oh, gosh!" Napasapo sa sariling dibdib si Jellaine. "Thanks, Junki," halos pabulong nitong sabi kay K-Pop look-alike.

"My goodness! Kalalaki mong tao 'di ka nag-iingat," sita ni Direk kay Kenjy. "Hindi mo ba kilala iyan? Superstar iyan, si Jellaine Mendoza, 'di mo na iginalang."

"Sorry po, Direk. Hinila n'yo kasi ako e. Sorry, Miss Jellaine."

"Ay, kasalanan ko pala! Ako talaga ang sisihin? Marcel! Ano ba itong nakuha mong double? Palitan ang bastos na ito."

"Direk naman..." angal ni Marcel. "Mahirap nang humanap na naman ng poging double--este, bagong ka-likod-alike ni Patrick."

"Ah, gano'n ba? Eh kung ikaw na lang kaya ang palitan kong bakla ka? Kanina ka pa umaarte, makaasta ka 'kala mo ka-level mo ang beauty ko? Lumayas ka nga rito!"

"'Wag namang ganyan, Direk Manny..." Sabay kapit sa mala-tree trunk na braso ng direktor. "Direk Manny, maawa ka sa beauty ko! Maraming fafang estudyante ang umaasa sa akin."

"Tantanan mo nga ako! Baklang 'to. S'ya, s'ya, take na tayo! Ikaw, ka-double ni Patrick--"

"Kenjy po, Direk," pakilala niya.

"Care ko sa name mo? Basta ikaw, tatayo ka sa ledge ng bridge na iyan. Tapos, madudulas ka palikod, pahulog sa net na nakahanda sa ibaba. After that, second take 'yong naka-hang ka. Nakakapit ka sa bridge, pilit kang inaabot ni Jellaine habang sinasabi niya ang lines niya."

"Yes, Direk," sagot niya.

"Direk Manny," sabad ni Marcel. "Mauuna 'yong take na naka-hang siya bago ang nahulog para hindi mahirap 'yong pag set-up."

"Sino'ng may sabi? Siya na lang kaya mag-direktor dito."

"Eh, Direk, 'di ba ikaw rin nagsabi no'n sa amin kanina?"

"Ako ba?"

"Yes, Direk," chorus pang sagot ng staff at crew na naroon.

"Oh, 'yun naman pala e. Alam n'yo na pala ang sinabi ko, bakit pinapaulit n'yo pa? Okay, isabit na si Patrick number two."

Sinuotan na ng harness si Kenjy at ibinaba na siya sa gilid ng bridge. Kumapit siya sa paanang bahagi ng tulay gaya ng instruction.

"Lights, camera, action!" cue ni Direk Manny.

"Dean!" mahabang tili ni Jellaine saka sumilip sa gilid ng tulay. "Dean, 'wag kang bibitiw. Abutin mo ang kamay ko." Sabay umarteng pilit inaabot ang kamay ni Kenjy na noon ay kunwaring hirap na hirap na nakakapit sa tulay.

Dalawang cameramen ang kumukuha ng shot sa scene na iyon. Ang isa ay naka-focus kay Jellaine, at ang isa naman ay sa ibaba ng tulay para sa shot ng papel ni Dean, na ngayon ay ginagampanan ni Kenjy sa scene na iyon.

"Come on, Dean. You can do it--take my hand!"

Itinaas ni Kenjy ang kaliwang kamay at kunwang pilit inaabot ang kamay ni Jellaine. Sa pagtingala niya ay nagtama ang kanilang paningin. Napansin niya ang nagbabantang mga luha sa mga mata ni Jellaine. Sa kabila ng takot na mababanaag doon, pilit itong ngumingiti sa kaniya. Sa mga oras na iyon pakiramdam ni Kenjy hindi lang ito eksena sa pelikula. Tagos sa kaniya ang damdaming gustong iparating ng ka-eksena. Pilit nitong pinapalakas ang kaniyang loob. Totoo palang magaling itong artista, ang naisip niya. Muli niyang inangat ang kamay niya. Sa pagkakataong iyon, naramdaman niya ang pagkapit ng makinis nitong palad sa kaniyang kamay.

"Cut!" sigaw ni Direk Manny.

Siya namang mabilis na bitiw sa kaniya ni Jellaine, at sabay hila rin sa kaniya paangat sa tulay ng mga crew.

"Excellent, Jellaine."

"Thank you, Direk."

"Oh, re-touch muna, girl," sabi ni K-Pop look-alike na tinawag na Junki kanina.

Pinagmasdan ni Kenjy si Junki habang nire-re-touch nito si Jellaine. Parang lalaking-lalaki naman pero make-up artist? pagtataka niya. Kanina nga nang mabangga niya si Jellaine akala niya boyfriend niyon si Junki dahil parang Edward Cullen ang speed nito -- nakaalalay agad kay Bella Swan.

"Okay, next take na!" pumapalakpak pang agaw-atensyon ni Direk Manny sa kanilang lahat.

Heto na ang crucial part ni Kenjy... ang magpatihulog sa tulay nang patalikod. Sana lang matibay ang harness.

"Oh, Lord, give me strength," bulong niya sa sarili.


Chelsea's Ghostwriter (Published by Bookware) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon