Kung alam lang nila

5.4K 128 3
                                    


Pagkabalik na pagkabalik namin ng Pilipinas, agad akong humingi ng dalawang araw na bakasyon upang makauwi ng Quezon. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil nayakap at nakasama ko sina Nanay at ang mga kapatid ko. Parang ayaw ko pa sanang bumalik ng Maynila pero tawag na nang tawag si Dominique, kesyo may mga darating daw na ninong at ninang namin, mangungumusta. Kailangang harapin.

"Babalik ka na agad?" tanong ni Nanay nang maibaba ko na ang hawak kong cellphone, narinig pala niya ako. Nakangiti siya pero may bahid ng lungkot ang mga mata niya. Madalang na nga lang kung makauwi ako sa amin, tapos aalis din agad.

"Iba rin kasi itong bagong boss ko Nay, eh. May darating daw mamaya na mga bisita kaya kailangang nandoon ako upang mag-assist," it was a half lie.

"Mabuti pa doon sa dati mong trabaho, nakakapagtagal ka dito ng hanggang tatlong araw. Bakit ka ba kasi umalis doon?"

"Si Celeste po ang nagrekomenda sa akin. Nangangailangan daw kasi ang business partner ng Daddy niya at qualified ako, kaya ipinasok niya ako," hindi rin naman ito kasinungalingan talaga.

"Ate, basta 'yong sapatos na gusto ko sa pagbalik mo ha?" lapit ng kapatid kong si Bobby. Isa siyang cute na nineteen years old. Isang taon na lang, ga-graduate na siya.

"Hmm... Bakit gustung-gusto mong pumorma? May girlfriend ka na 'no?" tudyo ko.

"Wala po," namumulang napaatras ito habang tumatawa.

"Reminder lang, one year na lang graduate ka na. 'Wag mo kaming biguin ni Nanay," nilapitan ko siya at ginulo ang mala-Daniel Padilla niyang buhok.

"Promise Ate. Idol kita eh. Kaya hangga't wala kang boyfriend Ate, hindi rin ako mag-gi-girlfriend. Hanggang crush lang ako," nagtaas pa ito ng kanang kamay.

Nais kong mamula sa sinabi niya. Kung alam lang nila...

"Promise mo 'yan ha?" paniniyak naman ni Nanay.

"Ako Ate gusto ko ng relong may calculator! Para hindi na ako mahirapan sa math," singit naman ng kinse anyos na si Bernard.

"Ikaw, talaga. Mag-aral ka ng mabuti. Tutukan mo 'yang math," wika kong ginulo rin ang buhok niya.

"Eh Ate, kasali ako sa basketball team ng school. Gusto kong maging MVP. Gusto kong sumikat," aniyang umatras at kunwari ay nag-dribble at nag-shoot ng imaginary ball.

Natawa na lang ako. Saka ko napansin si Belle sa tabi ni Nanay. Mahiyain talaga 'tong batang ito. Twelve years old na siya ngayon, mahaba-haba pa ang lalakbayin niya bago makatapos.

"Ikaw Belle, ano ang gusto mo pagbalik ko?" bahagya akong yumukod upang magkapantay ang mga mukha namin, nakangiting hinawakan ko siya sa balikat.

"Yon lang pong bag na may gulong para hindi ko na bubuhatin ang bag ko. Bigat po kasi ng mga books ko," nahihiya pang sabi niya na lalo pang sumiksik sa tabi ni Nanay.

"Basta mag-aral ka nang mabuti ha?" Natutuwa talaga ako sa bunso naming ito. Ewan ko kung bakit pati sa akin, nahihiya pa siya.

Tumango lang siya.

"Top two siya sa klase nila. Kaya malamang aakyat na naman ako ng stage nito," proud na kwento ni Nanay.

"Aba! Manang-mana ka pala talaga sa akin ah!" tuwang-tuwa naman na pinisil ko ang magkabilang pisngi ng maganda at matalino kong kapatid.

"Anong mana sa 'yo? Sa akin kamo nagmana. Hindi ba't ikaw, sa akin din nagmana?" taas ang isang kilay na sabi ni Nanay.

Nagtawanan kami ni Belle.

"Basta, mag-aral ka nang mabuti ha?" masuyong sabi ko sa aming bunso.

"Opo," nakangiting sagot naman.

Stand-in BrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon