Dahan-dahang bumabagsak ang mga piraso ng cherry blossoms sa lupa, tinatangay ang mga ito ng malamig na hangin kasabay ng brown at mahaba kong buhok. Nakatayo ako sa harap ng isa sa mga puno ng cherry blossoms na tila ba may hinihintay, nakasuot ng pulang scarf at puting long-sleeved dress na ang haba ay aabot hanggang sa ibabaw ng tuhod ko, sapatos na puti at itim na medyas na bumabalot magmula paa hanggang sa hita ko. Napakalamig pero nakakaginhawa ng pakiramdam.
Maya-maya ay may nakita akong paparating, lumapit sa akin ang lalaking naka-sweater na blue at puting scarf, hinawakan ang kanang kamay ko at hinalikan ito. Bumilis ang tibok ng puso ko at napangiti, kakaibang saya ang nararamdaman ko habang hinahawakan niya ang mga kamay ko, nilagay niya ang mga ito sa palibot ng bewang niya at niyakap ako.
"I love you, Cassie." bulong niya sa akin. "I want to stay like this, forever." Napaluha ako at napalitan ng lungkot ang sayang nararamdaman ko sa hindi ko malamang dahilan.
"I love you, too." sagot ko sa kanya at niyakap ko siya ng mas mahigpit.
Bigla siyang bumigat at lumuwag ang yakap sa akin nang may putok ng baril na umalingawngaw sa paligid. Hinawakan ko ito sa likod at naramdaman ang malapot na likidong kumakalat sa damit nito...dugo. Nang tiningnan ko ang mukha niya ay nakapikit na ito at wala nang malay.
"Hindi!" ang tanging nasabi ko habang dahan-dahan siyang inilalapag sa lupa at isinandal sa puno. Tumayo ako at gumala ng tingin sa paligid, hinahanap kung saan nanggaling ang tunog.
"Mmmh...Cassie...tumakbo...ka na." bigla siyang nagsalita at sobrang nanghihina.
"Hindi kita pwedeng iwan dito. Hihingi ako ng tulong, 'wag kang bibitiw, dadalhin kita sa hospital, mabubuhay ka, 'di ba?" nanginginig ang boses ko habang nagsasalita sa kanya, pinipigilan ang pagluha. Tinanggal ko ang scarf ko at itinapal sa nagdurugong likuran niya. "Hintayin mo ko dito." hinalikan ko siya sa noo.
Tumayo kaagad ako at lumakad ng matulin habang gumagala ang tingin para maghanap at humingi ng tulong. Nang may matanaw akong mga bahay ay tumakbo ako, ngunit nang hindi pa ako nakakalayo ay may narinig akong pagkasa ng baril sa bandang likod. Napahinto ako at nanigas sa kinatatayuan ko.
"San ka pupunta?" tanong ng malamig na boses ng lalaki.
Hinarap ko ito at nang makita ko ito ay nabalutan ako ng takot, itim ang lahat ng kasuotan nito at malabo ang mukha kaya't mahirap tukuyin.
"Wag..." nagmamakaawa akong nakiusap sa kanya habang lumuluha.
Nagsimula itong maglakad papunta sa direksyon ko at agad akong tumakbo papasok sa mga puno, narinig kong tumatakbo na din ito. Tumakbo lang ako nang tumakbo at tila manhid sa mga sugat na natatamo ko gawa ng pagka-gasgas sa mga puno.
Pag-iyak. Takot. At pangamba lang ang tanging nararamdaman ko sa mga sandaling ito hanggang sa...
"Aaaaaahhh!!!"
'Di ko namalayan ay nahulog na pala ako sa bangin at bumagsak sa tubig. Mahusay akong lumangoy pero ninais ko na lang malagutan ng hininga sa mga sandaling 'yon kaya hindi ako gumalaw. Unti-unti akong lumulubog sa tubig at ang liwanag ay unti-unti ring nawawala. Ngunit nang maisip ko ang taong naiwan ko ay natauhan ako.
'Hinihintay niya 'ko.' sabi ko sa isip 'ko.
Lumangoy ako paahon sa tubig at nang natatanaw ko na ulit ang liwanag ay may humawak sa paa ko at hinila ito.
Malalim. Palalim ng palalim hanggang mabalot ng kadiliman ang tubig, maging ang sarili kong mga paa at kamay ay hindi ko na makita. Nauubusan na ako ng hininga. Pumasag-pasag ako ngunit walang laban hanggang sa naramdaman ko ang paghina ng katawan at kusang pagpikit ng mga mata ko.
BINABASA MO ANG
Chasing Cassie (Filipino Version)
Mystery / ThrillerNaranasan mo na bang mabuhay sa bangungot ng nakaraan? Na kahit anong gawin mong pagtakas ay pilit kang hinahabol nito? At pati ang mga pagkakataon sa buhay at ang mga tao sa paligid mo ay tila ba hinihila ka sa masamang nakaraang iyon? Maaaring mab...