1

223 4 0
                                    

Ayoko na sanang magkwento tungkol sa pag-ibig. Minsan nakaka-umay na din. Dahil gaya ng lumang mantika na ilang beses na pinagprituhan, maanta na sa panlasa. Sarap magmumog ng atsara. Lahat kasi sa modernong liko ng pakikipagkapwa tao, yun ang sanhi ng kasiyahan o puno't dulo ng problema. Pero ano pa nga bang pwede kong ibahagi? Ang kagilagilalas na pagtutupi ko ng aking brief at panyo kaninang tanghali? Kung paano ko buong tapang na kinuskos ang kalawang sa patungan ng naghihingalo naming kalan? Bakit kanang kamay ang ginagamit kong panguha ng ulam sa hapag-kainan imbes na kaliwa o di naman kaya ay kutsara? Wala namang matutuwa dun. Mukhang walang palag. Sige. Pag-ibig na nga lang ulit.

Sabagay, hindi naman ito kwentong ordinaryo.

Sabi nila, isa sa mga advantage ng kababaihan sa mga lalaki ay ang woman's intuition. Ang matinding kapangyarihan na ibinibigay lamang sa mga may vagina. Kaya siguro karamihan sa mga manghuhula sa Quiapo ay mga babae. At kalimitan, kapag kapwa babae ang nagpapahula ng tungkol sa kanilang buhay-pag-ibig ay dalawa lang ang posibleng resulta: (a) 'magkakatuluyan kayo, ikakasal at tatanda ng magkasama' at (b) 'may kabit ang kupal na yan'.

Pero teka. Para lang ba sa mga lihim na ka-draguhan ng mga lalaki gumagana ang alamat ng woman's intuition gaya ng spider sense ni Batman? Mali ata yung pagkukumpara. Hindi ba ito applicable sa mga positibong pangyayari gaya ng isang lalaking palihim na may gusto sa isang dalaga na sadyang walang sapat na lakas ng loob at dami ng 'moves' para umamin o magparamdam man lang. Kailan ba nagsisimulang magkaroon ng woman's intuition ang isang babae? May age limit ba at tipong kailangan isang full fledged woman na talaga? Nasa bra size ba? Kapag tinubuan na ng buhok sa kili-kili? Kapag inahit na ang unang bugso ng buhok sa kili-kili? Kusa lang ba itong dumadating at automatic na sasapi sa katawan nila? O may isang underground training facility na magsasanay sa mga kababaihan para lumakas ang kanilang pang-amoy at pangdama sa bumubulang third-party?

Hindi ko kasi alam kung meron siya nun. At kung meron man, sapat kaya ang wavelength ng antenna nito para kahit pahapyaw na singhot man lang ay nalaman niyang halos kainin ko ang table of contents ng english textbook na madalas naming sabay na basahin tuwing may reading exercise. Hindi na siguro kailangan ng mahabang paliwanag at masalitang deskripsiyon ng mga pangyayari. Torpe ako. Panaginip siya. Hindi ko nasabi. Naubos ang oras. Cliche ng lahat ng mga cliche.

Naaalala ko na lang yung huling beses na nakita ko siya. Mga huling araw na estudyante kami sa iisang paaralan. Kumaway na lang ako habang papaalis na siya. Ewan. Wala man akong sexist gift of sight, parang may kung anong nagsasabi sa akin nun na yun na ang huling beses na magkikita kami.

Bakit ako masyadong apektado ng presensya o kawalan niya? Hindi ko din alam. Sa totoo nga medyo irita din ako sa kanya noon. Para kasi siyang perlas sa loob ng isang endangered na kabibe kung ituring ng mga teacher namin dati. HIndi man ako naaalibadbaran sa talino niya, nakaka-urat lang talaga dahil wala namang espesyal pero parang lahat aligagang bilhin ang atensyon niyang binudburan ng kinayod na niyog sa ibabaw.

Pero sa bandang ending, wala eh, nahulog din ako. Una mukha, salubsob at hindi na makabangon. Huli na ng malaman kong patapos na ang oras samantalang nagpapagpag pa rin ako at pilit na sinisilip ang mga galos. HIndi ko na siya nakita ulit. Kung namumuhay ba siyang mapayapa at buong kasiyahan o nagsisilbing pataba sa lupa at source of nourishment ng mga bulate ay hindi ko alam. Sino bang may alam? Wala na akong natanggap na balita.

Hindi naman big deal. Hindi naman ako namatay o nalublob sa matinding depression. Kaso gaya ng kati sa likod na kapag puro pahapyaw lang ang kamot, maya-maya, paminsan-minsan, bumabalik ang alaala niya. Makulit. Walang balak manahimik. Nagkaroon na din ako ng girlfriend. Iniwan na din ako ng girlfriend. Nagkaroon ulit. Tapos nawala din pagkatapos niyang malaman na kami na pala.

Sabi kasi nila, pagdating ng panahon kung saan nasa bandang takip-silim ka na ng buhay, mas pagsisisihan mo daw ang mga bagay na hindi mo nagawa kaysa sa mga bagay na ginawa mo. Wala man akong malinaw na paliwanag o matibay na eksplenasyon kung bakit, pero sa tingin ko, hanggang huli, iisip isipin ko pa rin kung ano kayang nangyari kung sakaling niyaya ko siyang lumabas para manood ng sine o kung sinabayan ko siyang pumunta ng library. Ako rin. Hindi ko maintindihan.

Hindi kaya dahil sa gitna ng punyemas na kahulugan ng salitang destiny o fate eh may nagtatagong hibla ng katotohanan at posibilidad. Na baka kaya kahit anong hinay lang ng naging koneksyon namin ay hindi ko siya maipagpag. Hindi kaya nabuhay na kami noon. At patuloy na nagku-krus ang aming landas sa bawat pahina ng reincarnation evaporated milk theory. HIndi kaya mag-sing irog kami sa panahon ng mga kastila kung saan isa akong katipunero samantalang treasurer naman siya o taga lista ng not in proper seat sa tuwing may lihim na pagpupulong ang Katipunan? O di kaya ay isa siya sa mga teller ng bangko na aking hinoldap noong panahon ng great depression? Pwede ring ako ang pinakaunang tao na gumamit ng bato bilang kasangkapan sa pangangaso samantalang siya naman ang unang gumamit ng balat ng hayop bilang underwear.

Baka kahit anong lipat, bago at lipas ng tagpo, anyo at panahon, pilit kaming pinagkikiskis ng pagkakataon. Parang nang-aasar lang. Nanunuya. Naghahanap ng mabu-bwiset. Tipong saktong dikit lang, makadama lang ng konting init ng kislap, iiiwas na din kami at saka na ulit. Sa susunod na yugto ng walang katapusang kwento.

Nagising ako kanina. Tumayo para kunin ang isusuot. Laking gulat ko ng makita ang mga lumang poster na nakadikit pa rin sa walang pinturang dingding ng aking kwarto. Ilang taon na mula nang pinilas ko ang mga iyon. Napaglipasan na kasi ng panahon ang mga basketbolistang tampok. Kailangan na ding ayusin at pinturahan ang parte na pinagdidikitan nila para hindi mabulok sa tuwing malakas ang ulan. Nakakapagtaka. Paano sila nakabalik?

Mas lalong naging praning ang eksena nang makita ang uniform ko na nakahanger sa hawakan ng aking lumang cabinet. May kung anong retro-party bang nangyayari sa bahay namin? Bigla bang naging sentimental ang nanay ko at palihim na binabalik ang mga bagay na matagal nang nabago?

Bumaba ako. Amoy hotdog na pinirito. Bakit daw hindi pa ako bihis sabi ni nanay. Male-late na daw ako sa klase.

ANONG LATE? ANONG KLASE? SAAN? NAKA-ECSTASY BA LAHAT NGAYON? WORLD ECSTASY DAY?

Pumasok ako ng banyo. Naghilamos. Baka kasi kapag sinampal ko ang sarili ko ng tubig, magigising din ako habang nasa kama kung saan napapaligiran ako ng madaming bote ng beer at ilang bukas na supot ng lecheng chicharon na vegetarian daw pero mas maalat pa sa karagatang pasipiko.

BAKA LASING LANG AKO.

Kaso wala. Walang warp o flash ang dumating para umayos ang mundo. Naririnig ko lang ang paulit ulit na pagmamadali sa akin ni nanay habang buong sindak ko namang tinititigan ang de bateryang toothbrush na niregalo sa akin noon ng ninang ko mula sa ibang bansa. Bakit buhay pa 'to? Tandang tanda ko pa noong magretiro ito at gamitin ko na lamang bilang panglinis ng sapatos. Ano bang nangyayari?

Saklaw pa rin ng takot, kaba at pagkalito. Pero pinilit kong umayos. Ayokong magcommute papuntang mental hospital. Nagbihis na din ako at pumasok. Lahat ng lugar, bahay at kalsadang madaan ko ay tila umatras ng ilang taon. Malala na 'to.

Pumikit ako saglit, ilang hakbang bago pumasok sa classroom. Baka kasi sa pagkakataong ito, umayos na. Pero isang tuktok ang dumating sa katauhan ng chalk box ni Ma'am Chemistry. Ano daw ang tinatayo tayo ko dun gayong madumi pa ang blackboard. Naalala ko, madalas nga pala akong mautusan na maglinis ng pisara at singhutin ng buong giliw ang mga puting alikabok sabay pagpag na din sa mga napunta sa pantalon ko.

Umupo ako sabay lumingon sa kabilang row. Andun siya. Nakatingin sa harap. Walang kibo. Gaya ng dati. Gusto ko siyang sigawan o sutsutan. Kahit ano. Matawag lang ang kanyang atensyon. Pero paano kung panaginip lang ito? At paano kung hindi?


A Red Paper Bag (akoposijayson)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon