3

124 1 0
                                    

Tumunog yung alarm clock. Bumangon agad ako. Sabi ko na nga ba. Bumalik na kasi ang lahat sa dati. Ang ayos ng kwarto. Ang pwesto ng sapatos sa ilalim ng kama. Ang maliit na lamesa at ang mga librong di ko pa natatapos basahin sa ibabaw nito. Nakakapanghinayang. Di ko rin alam kung bakit. Malaking parte naman ng utak ko ang nagsasabing panaginip lang ang lahat. Umupo ulit ako sa gilid ng kama. Nakatulala sa wala. Sabay buntong hininga moment. Wrong move. Di pa nga pala akong nagsisipilyo. Nang maka-recover na ako sa hilo, tuluyan na akong naligo, syempre nag-toothbrush, nagbihis at umalis ng bahay.

Habang naglalakad papunta sa sakayan, hindi pa rin ako mapakali. Pilit kong inaalala yung mga detalye. Kaso parang habang hinihila ko sila pabalik, lalo namang lumalayo. Ito siguro yung proverbial na buhangin sa iyong palad. O bigas sa iyong chopstick. Hindi ko alam. Basta ang ibig kong sabihin, kahit anong pilit ko, kusang nawawala.

Ilang jeep na ang dumaan, hindi man lang ako nag-abalang lumingon o tignan ang sign sa harap nito. Ewan. Siguro baka sa loob-loob ko, gusto kong bilangin ang mga nakalampas na sasakyan, bilang improvised na tupa, hanggang sa makatulog. Baka sakaling masundan ang panaginip kanina. Baka masingitan ng mga romantikong tagpo na mababasa mo lang sa mga pocketbooks o barubal na tabloid. Baka sa isang eksena, biglang uulan at pareho kaming mai-stranded sa waiting shed tapos magkukwentuhan kami ng tungkol sa kung anu-anong bagay hanggang sa tumila ang mga patak ng ulap. O baka sa gitna ng isang klase, magiging magka-partner kami sa isang experiment, report o project. Kahit ano. Kahit pa ako ang maging guinea pig o crash test dummy. Baka sa sobrang tamis at matinding pagnanais, maging permanente na ang pansamantalang atras ng oras. At baka sa pagkakataong yun, maka-tsamba ako.

Pagtingin ko sa relo, medyo alanganin na pala. Agad kong itinaas ang kanina pa nakayukong ulo mula sa pagkakatitig sa semento, pinara ang pinakaunang jeep na dumaan, naupo, nagbayad at tumingin sa labas ng bintana. Ayoko nang magisip. Baka hindi kayanin ng marupok kong utak at tuluyan itong bumigay. Inaliw ko na lang akng aking sarili sa pamamagitan ng pagaayos ng aking sling bag. Sabit sa kaliwanag balikat. Lipat sa kanang balikat. Pulupot sa leeg. Lahat ng posibleng paraan ng pagsabit nito sa aking katawan ay ginawa ko na. Madistract lang. Kaso mukhang nagdistract din yung ale sa tapat ko. Kapansin-pansin ang pag-aalala/nerbiyos sa kanyang mukha habang binibigyan ako ng mabibilis na lingon. Lalo na ang biglaan niyang paglipat ng kinauupuan mga ilang metro ang layo sa akin. Dahil dun, mas pinili ko nang manahimik. Baka pababain pa kasi ako. O mas malala, buhatin ng mga kapwa ko pasahero at itapon palabas ng jeep habang matulin ang andar nito sa pagaakalang may sapak ako sa utak o may masamang balak.

Hindi ko ma-gets kung bakit medyo matindi pa rin ang impact niya sa akin hanggang ngayon. Matagal na rin naman yun di ba? At isa pa, nabuhay nga ako ng ganito katagal nang wala siya, ngayon pa ba naman ako mag-iinarte at sasabihing siya ang mundo ko, na sa kanya umiikot ang mundo ko o na ang mundo ko at ang axis na iniikutan nito ay parehong siya. Malaking ka-draguhan naman yun. At baka ma-misinterpret niya pa na ang ibig kong sabihin ay mukha siyang globo. Mahirap na. Wala na rin naman kaming komunikasyon. Kaya malabo na ang posibilidad na tawagan ko siya bigla, sa isang maulan na madaling araw, habang nasa impluwensiya ng alkohol at hindi mapigilan ang pagsilip sa nakaraan. Isa pa, sa dinami-dami ng taong nakakasalubong ko sa MRT, mall, palengke o pampublikong kubeta, ay bakit kahit minsan, kahit sandali lang, hindi siya isa sa mga yun. Mali pala yung huling halibawa dahil hiwalay ang CR ng babae at lalaki. Hindi ko alam kung kailangan ko ba itong isangguni sa law of probability o sumuko na lang at sabihing baka hindi lang talaga nakatadhana na muling magtagpo ang landas namin. Mas madali yung pangalawa. Hindi kailangan ng math.

Baka sadyang may mga bagay lang na mahirap kalimutan. Mga bagay na nagkaroon ng pambihirang kalabit sa puso o isip natin. Hindi madaling iwan habang umuusad sa kasalukuyan. Halos imposibleng ipagpag. Daig pa ang balakubak. Malaglag man sa ulo mo, kakapit naman sa balikat o dibdib. Sana nga lang ang mga alaalang ganito ay may katapat na dandruff shampoo o lighter fluid. Na kapag ayaw mo na, pwedeng isabon para mawala o kung gusto mo ng may thrill, ay sindihan hanggang maabo. Kaso wala eh. Ganun talaga yata. Gaya ng amoy ng paborito mong ulam na madalas lutuin ng ermats mo, tunog ng laruang eroplano na natanggap mo bilang pinakaunang regalo o kahihiyan na mula sa tawanang iyong natamo nang minsan kang nalasing at sumuka, may mga memoryang matindi pa sa madikit na pulang asukal ng bananacue. At bawal ito sa mga tulad kong kasing tibay lang ng mumurahing pustiso ang puso.

A Red Paper Bag (akoposijayson)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon