2

118 1 0
                                    

Hindi ko na namalayan kung gaano ako katagal nakatingin. Sampu, labinglima o tatlumpong minuto. Sinong may alam? Wala naman sigurong nakapansin ng nakapanlulumo kong kahibangan dala ng mga pangyayari. Gusto ko lang siyang tignan. Baka kasi sa susunod na pagpikit ng mata ko, wala na siya. Sulit. Todo. Parang wala nang bukas. Sabagay. Paano ba magkakaroon ng bukas sa kahapon? Anong susunod kung umaapak ka patungo sa likod ng pila? Anong aabangan mo sa hinaharap kung nakalatag na ang nakaraan at doon ka mismo nakahiga? At totoo bang hindi umaalis sa pwesto ang jeep na may biyaheng balic-balic? O napatagal lang ang babad ko sa youtube kakapanood ng Wow Mali highlights?

Biglang humirit si ma'am. Tinawag ang pangalan ko. Ano daw ang atomic weight ng zirconium. Muntik na akong masuka sa kaba. Kung bumalik man nga ako sa nakaraan, punyemas, bakit lumanding sa chemistry class. Hindi naman sa bobits ako. Kaso pagdating sa subject na ito, kahit pa siguro ma-trap ako sa isang infinite loop ng school year kung saan puro chemistry ang itinuturo ay hindi ako gagaling. Bakit hindi na lang sa values education kung saan puso ang ginagamit upang masagot ang mga nakapanlilinlang na mga tanong gaya ng :

Kung sakaling niregaluhan ka ng isang kaibigan sa iyong kaarawan, ano ang iyong dapat sabihin?

a. Sa wakas, after 60 years, nagregalo ka din. May naimbento na pa lang gamot sa kakuriputan.

b. Bakit ang liit? Ano 'to? Cotton buds?

c. Maraming salamat. Ipinapangako ko na habang buhay tayong magiging magkaibigan.

d. Ibig ba sabihin nito, kailangan din kitang regaluhan?

Tumayo ako. Tumingin ang mga kaklase ko. May iba pang natatawa dahil ni hibla ng karunungan ay hindi matatagpuan sa hilatsa ng pagmumukha ko. Atomic weight? Atomic weight? Trick question ba yun kung saan ang sagot ay 'Hahaha, walang ganun ma'am, kala mo maloloko niyo ako ah'. Mukhang hindi eh. Dahil kung meron mang hindi nag e-exist sa mundong ito, iyon ay ang sense of humor ng chemistry teacher ko.

Atomic weight? So timbang? Pumikit na lang ako sabay lunok ng 'bahala na'. Sabi ko, 1.23 grams. Halos sumabog ang classroom sa pagtawa. Napangiti din si ma'am pero agad din nasundan ng ngiwi ng disappointment. Sabi niya umupo na lang ako. Atomic weight daw ang tinatanong niya at hindi bigat ng utak ko. Nakuha ko pa daw magpasobra sa hula ko. Natawa na din ako. Pero bumawi naman siya at sinabing dahil sa pa-tsamba kong sagot na 1.23 grams, malamang may future ako sa pagtitinda ng ipinagbabawal na gamot via sachet.

Pagkalipas ng euphoria na dala ng aking ka-engotan, lumingon ako sa kanya. Ewan ko kung tumawa din ba siya. Tahimik lang na nagbabasa ng periodic table of elements at panaka nakang lumilingon sa harap. Ulit. Kalmado. Sana ganun lang din ako. Sana parang wala lang.

Dumating ang recess. Mag-isa akong bumaba sa hagdan. Ilang hakbang lang ang lamang niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit, marahil pakiramdam ko, pangalawang pagkakataon na ito para gumawa ng hakbang kaya nilapitan ko siya. Dumating din kasi sa puntong naging malapit kami noon bago tuluyang nagpaalam, kaya akala ko, kahit papaano, may kung anong pisi na nagdudugtong sa amin. Kaso sa puntong ito, hindi pa pala iyon parte ng katotohanan. Kaso huli na ang lahat.

Lumapit ako, sa bandang likuran niya. Sabay tanong ng 'anong kakainin mo?'. Lumingon siya sa akin. Sabay balik ng tingin na parang nalilito. Tapos lumingon ulit siya na parang naghahanap ng posibleng kausap ko. Nang walang makita, tumuro siya sa kanyang dibdib sabay tanong ng 'ako ba kausap mo?'.

Muntik na akong matunaw sa hiya at unti-unting gumapang pababa sa hagdan. Kahit pa may posibilidad na panaginip lang lahat ng ito, nakakapanghina pa rin ang sinabi niya. Pinilit kong ngumiti. Ngiti na madalas lamang ilabas sa tuwing may handaan tapos hindi mo gusto yung pagkain kaso nakatingin yung nagluto. Masyado atang matagal ang sagot ko kaya tumalikod agad siya at naglakad palayo. Pero dahil niyayanig pa rin ako ng kaba, parang timang akong sumunod sa kanya at pilit inihabol ang sagot na 'ikaw nga'.

Hindi siya lumingon. Pumila siya sa canteen. Sumunod naman ako. Nang nalaman niyang ako pa rin ang nasa likuran niya, agad niya akong binigyan ng isang 'kilala-kita-pero-hindi-tayo-close-kaya-please-lang-lumayo-ka-sa-akin-ng-ilang-metro' look.

Lumabas na lang ako. Umupo sa bakanteng silya at nag-isip. Hindi ko naman siya masisisi. Ito yung mga panahon na hindi man lang kami nagkaroon ng pagkakataong mag-usap. Technically, bukod sa pagiging magkaklase, wala kaming koneksyon. As in wala.

Hindi ko naman pwedeng abangan siya sa isang bakanteng corridor, hawakan sa mga braso at sabihing galing ako sa hinaharap at milagrong nagbalik sa nakaraan at maaaring mabago ko ang mga pangyayari sa pamamagitan ng pagtatapat ng kung ano mang mala-dragon katol na tama ko pagdating sa kanya? Hindi maaari. Dahil kapag nagkataon, tatlong lugar lang ang pwede kong bagsakan. Guidance office. Kulungan. At mental institution. Hindi ko inaasahang bibilog ang kanyang mga mata sa gulat sabay sabing 'hindi nga?'. Dahil kahit ako, hindi ko alam kung nasaan nga ako.

Dumating ang uwian. Ako ang muling nautusan na magbura ng blackboard. Palabas na ako ng inihabol sa akin ng isa sa mga cleaners ang isang notebook. Sabi ko hindi sa akin yun. Pakitanong ko na lang daw sa mga maabutan ko pang mga classmate namin. Habang naglalakad, binuksan ko. Walang pangalan. Walang address. At walang strand ng buhok para maipa-DNA test upang malaman kung sino ang may-ari. Wala din naman masyadong nakasulat sa loob. Bukod sa mga lettering at drawing gamit ang iba't ibang kulay ng stabilo boss. Highlighter ata yung tawag dun.

May kung anong excitement ang pumuno sa loob ko. Nagmadali akong bumaba. Halos patakbo hanggang makarating ng school ground. Pilit hinanap ang isang pamilyar na mukha sa gitna ng mga naguumpukang estudyante.

Sa isa pang medyo awkward na pagkakataon, nilapitan ko siya. Sabay abot ng notebook. Muli, tinignan niya ako ng alanganing nagdududa at alaganing gustong tumawag ng pulis. Paano ko daw nalaman na sa kanya yun. Sabi ko naman, siya lang ang kilala kong adik na adik sa stabilo boss. Binatuhan niya ako ng isa pang tanong. Paano ko naman daw nalaman na mahilig siyang gumamit ng highlighter. Hindi ako nakasagot. Dahil muli, imposibleng paniwalaan niya ang posibleng isagot ko.

Ngumiti lang ako. Ngumiti na lang din siya. Kinuha ang notebook, nagpasalamat at saka umalis. Kung maaari lang, marami pa akong gustong sabihin. Hindi lang ang tungkol sa stabilo boss.

Alam ko din na mahilig kang magbasa. Na kapag isinusulat mo ang salitang 'buko' ay letter c ang ginagamit mo imbes na letter k. Hindi mo masabi ang salitang 'arnibal' nang hindi ginagamitan ng isang tila maarteng french accent. Magaling ka sa english. Sablay naman ako sa chemistry. At higit sa lahat, darating ang panahon na magiging malapit tayo. May ibig sabihin man yun o wala. Pero matatapos din. Mawawala. At hindi muling magkakaroon. Kung may isa man sa ating kusang lumayo o umiwas ay hindi ko alam.

Gusto ko lang sanang mabago. O mas tama bang sabihing, gusto kong sumubok ulit.


A Red Paper Bag (akoposijayson)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon