5

86 1 0
                                    

Sakto lang ang dating ko. Yata. Hindi maaga. Hindi late. Ilang beses ko ding inimagine ang mga susunod na tagpo habang buong ingat na wag masyadong sumandal sa sinasakyang jeep para hindi magusot ang medyo kagalang-galang na polo. Wala akong hilig sa kwelyo. Pakiramdam ko hindi siya bagay sa Pilipinas. Mainit eh. Dapat magkaroon tayo ng bagong pamantayan ng pagiging kagalang-galang pagdating sa pananamit nang hindi isinasakripisyo ang matinding pagpapawis at panganib ng heat stroke. Tipong sando bilang business casual. Pero may hiwalay na sleeve na tatakip lamang sa region ng ating mahiwagang kili-kili, para sa kapakanan ng madla. Ewan. Kabado lang siguro ako kaya ganito mag-isip.

Sinubukan ko ding planuhin ang magiging takbo ng pag-uusap namin. Konting kwento tungkol sa mga makalumang moment naming dalawa. Kasabay ang matinding iwas sa mga nakakahiyang pangyayari noon. Gaya nung tinulungan ko siyang mag-ayos ng mga test papers at i-arrange ang mga iyon ayon sa score. Pero hinto na sa parte kung saan maaaring pumasok ang alaalang nasa bandang ilalim ang papel ko dahil sa napakaraming pulang ekis. Pasok din ang istorya ng field trip kung saan nakaupo ako sa likod ng kinauupuan niya at habang nasa biyahe panay ang palitan namin ng baon. Pero kailangang iwasan din na maisingit ang parte kung saan nagbukas ako ng cheese-flavored chips at napagbintangang nagpakawala ng bio-gas.

Syempre hindi naman pwedeng magbababad sa mga bagay na tapos na. Yun ang pinaka-mission. Ang makilala ang bagong siya. Malaman ang mga bagong balita tungkol sa kanya. At sa parehong proseso, malaman niya din yung sa akin. Kung ano ang mga pinagkakaabalahan. Mga nabasang libro. Mga paboritong pelikula. Bandang napanood ng live o asian boyband na sinasabayan ang hindi ma-decipher na lyrics. At higit sa lahat, kahit pa balewala na ang ibang sahog, ang kanyang estado pagdating sa buhay-pagibig. Kung pwede lang dumerecho dun nang walang pasakalye, malamang, tinumbok ko na. Available ka ba? Gusto kita eh. May pag-asa ba ako? Brutal na approach. Ewan ko kung may gumawa na nun. Pero sigurado ako, kung sakaling mang maisipan ko talagang humirit ng ganun, aking sisiguraduhin na hindi kami kumakain ng sizzling ostrich o humihigop ng mainit na kape ng mga sandaling iyon. Mahirap na. Baka banlian niya ako na parang dahon ng bayabas para ipanglanggas.

Kalmado pa rin naman ako kahit papaano. Binaybay ang daan papunta sa pagkikitaan naming restaurant habang binibilang ang mga parisukat na tiles sa sahig at iniiwasang matapakan ang linya. Pagdating ko, kumaway agad siya mula sa isang lamesa na nakapuwesto sa labas. Hindi ko alam kung bakit ang daming gustong maupo dun. Ang daming dumadaan na tao na tila pinagmamasdan ka habang kumakain. Medyo pigil tuloy ang bilis ng pagsubo at mahinahon ang dami ng pagkain sa bawat biyahe ng kutsara papunta sa iyong bibig. Pakiramdam ko, kapag um-average ako ng mahigit sa tatlong lunok kada minuto ay may lalapit sa akin at sasabihing 'mawalang galang na po, pero ang takaw mo'. Hindi lang siguro ako sanay. Kasi kung ako ang papipiliin, baka magbaon ako ng tent para hindi mapansin ng ibang customer kung gaano ako kabagsik pagdating sa kainan. Pero matakaw man ako, mahiyain naman. Ewan ko kung may koneksyon.

Dahan-dahan akong lumapit. Tumayo siya sa kanyang kinauupuan at tila inaakay ako papunta doon ng kanyang nakakahumaling na ngiti. Bagong oral prophylaxis siguro. Ngumiti din ako. Pero alalay lang. Dinuguan ang ulam ko kanina at baka hindi ito nagapi ng simpleng pagsisipilyo. Lumapit pa ako ng ilang hakbang. Sapat na yun para mapagmasdan ko ang suot niya. Simple lang. Itim na blouse. Ewan ko kung yun ba ang tawag dun. Lalaki kasi ako. Sando at t-shirt lang ang alam kong term. Nakapantalon. Tapos tsinelas. May kulay pink na bag naman na nakapatong sa lamesa. Sa kanya siguro yun. Mukhang gawa sa balat ng dinosaur. Hindi yata siya advocate ng PETA. Medyo malaki ang sukat. Tipong alanganing naglayas ng bahay, alanganing marami lang talagang dala. Keen power of observation. Pero hindi ko alam kung anong kulay ng undies niya. Hindi ako umabot dun. Hindi ako pervert. Hindi ko din alam kung bakit naisip ko yun. Muli, isa na namang bagay na hindi dapat isingit sa usapan.

Pakiramdam ko, sobrang bagal ng lakad ko. Baka dahil masyado ko lang nilalasap ang naturang eksena. O di kaya parang timang akong naghihintay ng romantikong theme song sa background. Na masusundan ng unti-unting pagbilis ng mga hakbang hanggang sa maging takbo, ganun din siya, magtatagpo kami sa gitna ng mataong daanan at tatalon siya upang saluhin ko. Iikot-ikot kami, hihinto, ngingiti at dahan-dahang magtatagpo ang aming mga sabik na labi dahil sa matagal na pagkakawalay habang mahigpit ang yakap. Tapos, maha-'haching' ako. Ayos.

Pagdating ko sa mismong lamesa, nagbigay ako ng isang maligamgam na 'Hi'. Na sinuklian naman niya ng matamis na 'Hello'. Na may side dish ng maka-diarrhea na 'nga pala, boyfriend ko', sabay turo sa lalaking nakaupo. Hindi ko lang napansin. Hindi pa naguumpisa ang boxing, lupaypay na ako. Binabawi ko na. Wala akong keen power of observation.

Nagkataon daw diyan lang sa malapit nagta-trabaho ang kanyang lason este boyfriend kaya naisipan na din nitong mag-break ng maaga para sumabay kumain. Babalik din daw pagkatapos. Hindi ko na masyado pinakinggan ang mga sumunod na detalye. Tumangu-tango lang ako na may mangilan-ngilang ngiti na tila nakakain ng nakalalasong singkamas pero hindi naman pwedeng magpakita ng kahinaan. Nandoon lang ako. Nginunguya ang sitwasyon. At inaantay na mamanhid ang panga, mawalan ng malay at tumigil ang tibok ng puso.

Mas instant pa sa lucky me ang pagiging broken-hearted ko. Binuhusan lang ng mainit na tubig sa katauhan ng lalaking naka-skinny jeans sa tabi niya. Tapos tinakpan ng madilim na katotohan ng ilang minuto, at voila, luto na ang noodles, papaitan flavor. May konting positibo naman. Libre daw nila. Kahit papano, may bawi. At doon ko napatunayan na hindi lahat ng bigo sa pag-ibig ay walang ganang kumain. Pucha. Bakante na ngang uuwi ang puso ko, pati ba naman sikmura? Hindi maaari yun. Ayun. Napagod nga ata yung isang babaeng crew kakabalik-balik sa mesa namin para maghatid ng kanin. Malas nila. Nakiuso sila sa unlimited rice promo. Nagkataon namang sawi ako.

Pagkatapos kong lunurin ang sarili sa kabusugan, hindi pa rin ako namatay. Malas. Akala ko kasi posible ang scenario na yun. Kaya naman nasaksihan ko pa ng live ang pagpapaalam nila dahil kinailangan nang umalis ng boyfriend niya. With matching kiss. Ang tamis. Para silang leche flan. At ako naman ang walang lasang llanera na naging biglaang spectator ng kanilang pagmamahalan. Kinamayan ako nung lalaki at nagpaalam. Nung mga sandaling yun, parang mas gusto ko pang isuksok ang aking daliri sa isang live na electrical outlet. Baka kasi hindi ganun kasakit. Kumpara dito.

Purnada ang plano. Nagulo ang proseso. Lahat ng mga bagay na gusto ko sanang sabihin ay tila naging mga langgam na nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon pagkatapos ihian ng isang pilyong bata. Napatulala na lang ako lamesa at mga walang laman na plato. Tinawag niya ako gamit ang mahinahong tinig. Tumingala ako para tignan siya. Bumungad siya ng 'naalala mo nung filed trip natin dati?'. Tumango lang ulit ako at ngumiti. Yun din kasi ang balak kong pag-usapan. Ngayon, gusto ko na lang itanong sa kanya kung bakit.

Bakit niya ako hinila sa patibong na ito? Bakit niya ako itinulak sa isang ambush? Bakit hindi niya na lang sinabi agad? Bakit hindi niya naramdaman na gusto ko siya noon? Bakit tila hindi niya pa rin nararamdaman na gusto ko pa rin siya ngayon? Bakit siya lumalabas sa panaginip ko? Bakit sa dinami-dami ng jeep, doon pa siya sumakay sa parehong jeep na sasakyan ko?

At higit sa lahat, bakit hindi niya ako hinintay?

Hindi ko alam kung mabagal lang ba talaga ako o sadyang nagmadali siya. Pero sana inantay niya man lang ako kahit isang araw pa. Nanood muna siya sana ng pampadami lang na channel sa cable gaya ng arirang, nag-aral ng ibang lenggwahe, nag-cross stitch, nag Robin Padilla movie marathon, umukit ng kahoy base sa katauhan ni Machete, nagpalambot ng karne ng kalabaw gamit ang sindi ng katol o nagtanim ng monggo sa basang bulak at inantay itong maging togue. Kahit ano. Palipas inip lang. Darating naman ako. Puro galos man o gusot ang damit. Darating ako.

Sabagay, hindi ko naman pwedeng ibaling ang sisi sa kanya. Wala kaming kasunduan o napag-usapan tungkol sa kung ano man ang namagitan o pwedeng kahinatnan naming dalawa. Ako lang naman yung timang na umasang balang araw magkikita kami ulit at magkakaroon ito ng matamis na tuldok. Kaso wala na. Ilang taon din yun. Kung sakaling nagkaroon man siya ng, sorry for the term, 'something' para sa akin, malamang napanis na din ito sa paglipas ng mga araw at nauwi sa basurahan.

Sabi nila, kung gusto, maraming paraan, kapag ayaw, madaming dahilan. Hindi naman laging tama yun. Minsan siguro, sa buhay, may invisible force field na humaharang para makuha ang mga bagay na gusto natin. Kahit anong tindi, diin o tapang ng kagustuhan mo, minsan talaga ayaw, sablay at hindi pwede. Wala ka nang magagawa dun. Maliban sa umasa na sana, pagdating ng araw na pwede na, ay pwede pa.


A Red Paper Bag (akoposijayson)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon