Natapos ang araw. Hindi ko na napansin. Naubos kasi ang oras kaka-maneuver ng iwas moves para hindi makasalubong si boss sa hallway. Muntik ko na ngang gawin ang trabaho ko sa loob ng CR. Late kasi ako. Nakasabay ko kasi siya. Bittersweet. Nalagay sa alanganin ang aking estado dito sa trabaho at nanganib na maging taong grasa sanhi ng kawalan ng sahod. Pero bawi naman dahil nakita ko siya. Alam ko mukhang hindi magkasing bigat ang dalawang pahayag na yun. Handa ba akong isugal ang aking career para lang magkaroon ako ng tsansang makita siya? Syempre hindi. Espesyal siya sa akin. Pero walang pakialam ang sikmura ko sa kanya. Sa kabilang banda, ano ba naman yung makaltasan ka ng hindi tataas sa singkwenta pesos na sahod kapalit ang imahe na magsisilbing inspirasyon ko mula ngayon, hanggang sa maging employee of the year, na mauuwi sa pagiging presidente ko ng kumpanya. Nalipasan yata ako ng gutom.
Pag-uwi, panay ang silip ko sa tuwing hihinto ang sinasakyang jeep. Malay mo naman, muli akong himasin ng swerte sa pisngi at kurot-kurutin. Kaso wala. Hindi siya ang mga sumunod kong naging kapwa pasahero. Mukhang hindi nga tumatama ang kidlat sa iisang lugar nang dalawang beses. Kung magkaganun man, sobrang bihira. Maya-maya pa, may sumakay na babae. Ang taas ng takong. Pakiramdam ko may nakatagong de lata sa loob nito. Ayaw niya sigurong mamigay. Madamot. Pag-upo niya, humirit siya ng 'ang sikip naman', sabay simangot sa buong ka-jeep-an. Napatingin ako sa labas ng bintana sabay tanong sa hangin. Kapag kaya siya ang tinamaan ng kidlat, sakto na ba ang isang hagupit para umayos ang kilos niya o kailangan ko pang maghintay ng pangalawang matinding bagsak ng kuryente?
Hindi ko na siya pinansin. Buong biyahe ay nakatitig lang ako sa aking cellphone habang nanalangin na sana lumabas ang pangalan niya sa screen. Mapa-text, tawag, missed call o wrong sent. Kahit ano dun. Okay. Huwag naman yung wrong sent na naglalaman ng mga mensahe ng pag-ibig niya para sa iba. Masaklap naman yun.
Alam ko na masyado akong arogante para maghintay ng kung anong kislap ng komunikasyon mula sa kanya samantalang wala din naman akong ipinadala. Pakiramdam ko, mas maarte pa ako dun sa babaeng naka-takong dahil sa loob-loob ko, gusto kong siya ang mauna. Hindi ba parang may rule kung saan kapag binigyan ka ng phone number ay may X number of hours o days bago mo siya talaga tawagan para hindi magmukhang desperado at uhaw para sa ilang patak ng kanyang atensyon? Alam ko, tunog pang-pelikula at hindi naman ako nagtataglay ng pang-bidang charisma. Siguro hindi applicable sa akin yun at dapat ko na siyang padalhan ng mensahe. Isa pa, ayoko man, pero talagang cactus ako para sa kanya. Puno ng tinik ng mga alaala ng kahapon. Natutong mag-exist nang tuyo ang lalamunan. Pero sa bandang huli, hindi aayaw sa konting ulan sa katauhan niya.
Pero hindi mo din naman maaalis ang pangamba. Lahat naman siguro takot sa rejection. Tipong mas okay pang malaman mo na agad na wala kang pag-asa bago ka pa magsimula. Hindi totoong walang mawawala kung susubukan mo. Marami.
Pero bago pa man tuluyang magtalo ang imaginary optimistic at negatibong version ng sarili ko sa loob ng aking utak, kumilos bigla ang mga daliri. Tuloy-tuloy ang pindot ng keypad. Hindi ko na namalayan, nag-send na pala. Kinabahan ako bigla. Nanlamig. 'Hi' ang nakasulat sa pinakarecent na listahan ng sent messages. Peste. Wala nang atrasan.
Gusto kong magbungkal ng lupa, ihagis ang cellphone sa butas na iyon at buhusan ng semento. Para kung sakaling malamya man ang kanyang reply, hindi ko na mababasa. Hindi ako malulungkot. Hindi ako mahihiya sa sarili ko at sa kanya. Kaso sayang naman yung cellphone ko kung ililibing ko siya. At isa pa, hindi ako marunong gumamit ng pala.
Itinago ko na lang sa bag at pinagiisipan kung dapat ko bang silipin pag-uwi o huwag na lang pansinin hanggang sa ma-lowbat. Peste. Text lang 'to. Pero aligagang-aligaga ako. Paano pa kaya sa tunay na buhay. May posibilidad kayang magkombulsyon ako sa harap niya kung sakaling higit pa sa magka-ibigang matagal na hindi nagkita ang mga hirit na ilalatag ko sa lamesa? Huwag sana niyang itaob. Ilang taon pa namang walang basehan na pangungulila sa kanya ang ipinusta ko.

BINABASA MO ANG
A Red Paper Bag (akoposijayson)
HumorI DO NOT OWN THIS STORY This is written by Jayson Benedicto (FB: akoposijayson) Hindi ako si Jayson. Yung nagsulat nito si Jayson, siya si akoposijayson. siyasijayson. Hindi ako. Hirap ipaliwanag.