6

158 2 3
                                    

Ngiti. Tango. Tango. Ngiti. Halos lumungad na ako ng mga gestures ng pagsang-ayon na hindi ginagamitan ng salita. Barado ang lalamunan. Dumikit ang dila sa ngala-ngala. Wala akong masabing maganda kaya minabuti ko na lang na maging bida sa isang tila classic na silent film. Kaso sa eksenang ito, wala akong cute na bigote tulad ni Chaplin at hindi nakakatawa ang mga sumunod na pangyayari.

Natabig ang takbo ng dapat ay mga makalumang istorya namin papunta sa matamis kwento ng pagmamahalan nilang dalawa. Kung paano sila nagkakilala. Kung paano siya niligawan. Kung paano siya patuloy na nililigawan nito sa araw-araw. Kung paano sila nakalagpas sa mga pagsubok ala telenovela. Nakaupo ako sa tapat niya habang abot kisame ang ngiti niya sa tuwa habang naglilitanya. Abot kisame. Partida, nasa ground floor kami. Wala naman akong magawa. Medyo awkward naman kung bigla akong magsisisigaw sa gitna ng pampublikong lugar na iyon sabay itaob ang mesa kung saan kami nakapuwesto na tila isang sugarol na lubog sa utang at gumawa na lang ng paraan para muling mabalasa ang malas na baraha.

Kaso, sa bawat tipid na ngiti na iniaabot ko sa bawat sentence niya, pakiramdam ko, akala niya na sincere ang mga iyon kaya hala, sige, panay pa rin ang buhos ng kwento ng kanyang buhay pag-ibig kung saan kahit extra ay hindi ako kasali. Gusto ko nang umubo ng pasadya. Para naman makahalata. Kaso baka sa sarap ng kwento niya ay hindi niya pa rin mapansin ang pagputok ng bawat ugat ko sa mata na tanda ng matinding hinagpis at saka abutan ako ng cough syrup.

Puno ako ng saya at pag-asa nung umalis ng bahay. Pagdating ko dito, nadurog lahat. Muli, hindi ko naman siya sinisisi. Wala akong karapatan para magalit o kahit ga-hiblang tampo man lang. Pero parang sobra naman ang ikot ng tadhana. Nasagasaan ako ng aking hilaw na pagmamahal para sa kanya. Ang masaklap dun, hindi siya huminto para tignan man lang kung napano ako. Kung buhay pa ba o kasalukuyan nang nginunguya ang sarili kong siko dahil sa lakas ng impact. Paano ba naman, hindi niya alam eh. At bilang cherry sa ibabaw ng patong-patong na kamalasang ito, ako na nga ang biktima ng hit-and-run ng pag-ibig, ako pa ang nag-iisang witness sa mga testimonya ng kanyang walang umay na pagmamahal para sa ibang lalaki. Ang sarap. Walang katulad. Ngayon alam ko na kung bakit maraming ayaw gumamit ng helmet. Para kung sakaling hindi mapigilan ng sangkaterbang katok sa kahoy ang aksidente, at least, hindi mo na mararamdaman ang sakit.

Pag-uwi sa bahay, dumerecho lang ako ng kwarto. Hindi ko na inalam kung anong ulam, kung anong palabas sa tv, kung bakit maraming jerbaks ng aso sa kalsada at kung ilan sa kanila ang natapakan ko. Hindi na ako nagpalit ng damit. Masyado akong malungkot para isipin pa ang personal hygiene. At isa pa, para bawas labada. Pinatay ko ang ilaw. Nilakasan pa ang bentilador. Pinagsusuntok ko ang unan bago tuluyang higaan para eksakto ang hugis. Para na din mailabas ang sama ng loob. Hindi ko na binuksan ang umiilaw kong superman action figure bilang night light. Mas mabuti na ang madilim. Para mas madaling lunurin ng antok at makatulog agad. Oo, aminado naman ako. Takot ako sa dilim. Pero ngayon... ganun pa rin. Kaya binuksan ko na din ang nasabing source ng malamyang ilaw. Ayoko ng total absence ng liwanag. Pakiramdam ko kasi, bigla na lang may bubulong sa tenga ko at sasabihing magkakaroon ako ng diarrhea for seven days gaya ng isang sikat na horror flick. Pero ngayon, dahil sa lungkot, matutuwa pa siguro ako kung may ilang tinig mula sa kadiliman ang magsasabi sa aking 'kung mag-asawa nga naghihiwalay, sila pa kaya' o 'patience is a virtue, maghihiwalay din sila'. Alam mo yun. Tamang pep talk lang. Sige na nga. Tamang maitim at mala-villain na pep talk lang.

Kinabukasan, para sa almusal, nagsagwan ako ng ilang itlog para maging scrambled eggs. Pero bago ko tuluyang basagin yung yolk, parang naawa ako. Dahil sa hindi malamang dahilan, tila gustong kumunekta ng nasabing pula ng itlog sa puso ko. Parang kapag tinuluyan ko itong batihin, makikita ko ang visual representation ng pagkadurog ng puso ko. Hindi ko din alam. Baka praning na ako. Ayaw ko siyang kanawin ng tinidor. Hindi. Hindi maaari. Dahil alam ko kung paano masaktan. Kung paano magdusa. Kung paano ialay sa kamay ng iba ang iyong natatanging pag-ibig para lamang basagin sa ngalan ng kaligayahan ng iba. Hindi. Hindi maaari. Kailangan kong sagipin lahat ng egg yolk sa mundo mula sa pagkadurog. Kahit ito pa ang pinakahuling bagay na gagawin ko sa aking boring na buhay.

A Red Paper Bag (akoposijayson)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon