16-Larawan sa Pahina

1K 36 0
                                    

"BABAY, Kuya!" masiglang wika ni David sa kanya matapos nitong makita ang mga kaklaseng nakapila na sa grounds para sa flag ceremony. Buti nga't sakto lang ang dating nila.

"Sige, David, 'Wag kang malikot ha? Wala si Mama ngayon. Behave."

"Opo,kuya," sagot ni David sa kanya. Ginulo niya nang bahagya ang buhok nito saka inutusang magmadali nang pumunta sa pila dahil magsisimula nang umawit ang mga bata. Inihatid na lang niya ito ng titig saka nagpasya na rin siyang lumabas ng gate.

Sa paglalakad niya ay binigla siya ng isang pamilyar na tinig na tumatawag sa kanya mula sa likuran. Paglingon niya ay nasilayan niya si Katrina habang iniaangat nito ang suot na sunglasses. Kapansin-pansin ang pag-indayog ng balakang nito habang naglalakad papalapit sa kanya. "O, Joseph, It's nice to see you here!"

"Anong ginagawa mo rito?" naiilang niyang usal rito habang napahinto siya dahil sa presensya nito. Sa halip na sagutin nito ang kanyang katanunga'y isang matipid na halakhak muna ang ibinalik nito.

"Ikaw talaga, Joseph. Of course, I'll be passing by here kasi malapit lang dito ang dormitory ko. Hindi mo man lang alam na I'm living in a dorm now," panguso pa nitong sagot na tila nagtatampo. "So what brought you here?"

"A, inihatid ko lang si David," malamig niyang tugon rito. "Sige, Katrina, mauna na ako." Tumalikod na siya at nagsimula nang humakbang ngunit nagsalita na naman ito.

"Hindi mo yata kasama ang pinsan mo ngayon?" sinadyang bigyang diin ni Katrina ang salitang 'pinsan' ngunit 'di naman iyon pinansin ni Joseph.

"A, si Ella ba? Hindi siya papasok ngayon, masama ang pakiramdam niya."

"Talaga? Masama ang pakiramdam niya? Baka naman nasasapian ng demonyo?" sarkastikong tanong ng dalaga.

"Anong ibig mong sabihin?" kunot-noong tanong ni Joseph sa dalaga. Namagitan ang saglit na katahimikan sa pagitan nilang dalawa at tinitigan siya nito sa dalawang mata. Maya-maya'y humagalpak na lang ng tawa si Katrina. "Wala 'yon...wala. I mean is...yeah, get well soon for her," palusot nito habang tatawa-tawa at nag-iiwas pa ng tingin. Nagtataka man siya sa 'kahina-hinalang' ikinikilos ng dalaga ay ipinagsawalang bahala na lamang niya iyon.

"Sige--"

"Joseph, wait!" pagpigil sa kanya ni Katrina. Nakuha pa nitong lumingkis sa braso niya para mapigilan siya nitong umalis. Daig pa nga nila ang magkasintahan sa pagkakakapit nito sa kanya. "Joseph, please...Huwag mo naman muna akong iwan. Please, stay..."

Dahil naaasiwa na si Joseph sa ginagawang paghaplos ni Katrina sa kanya ay siya na mismo ang kumalas rito. "Look, Katrina. May klase pa ako. May klase ka pa. Isa pa, wala naman na talaga tayong dapat pag-usapan pa. Malinaw na ang lahat sa pagitan natin noon, 'di ba? Sorry, kailangan ko nang umalis."

"Joseph, please...Joseph!" Walang nagawa si Katrina kundi panoorin na lang siya nitong umaalis. "May kailangan kang malaman tungkol kay Ella!" pagsisigaw nito sa kanya sa pagbabakasakaling mapapabalik siya nito. Nagtataka man siya kung ano ang sasabihin nito tungkol kay Ella, hindi na lang niya pinansin. Baka taktika lamang ito ng dalaga para pabalikin siya. Nagpanggap na lang siyang walang naririnig hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa presensya ni Katrina.

"Gagawin ko ang lahat para mapasaakin ka ulit, Joseph. At walang puwedeng makasira sa plano ko. Kahit pa ang demonyong 'yon!"

DIRE-DIRETSO lamang sa paglalakad si Joseph habang nakikipag-usap sa mga kaklase papasok sa library kaya't hindi niya napansin ang kasalubong na estudyante dahilan para magkabungguan sila. Dahil sa nangyari'y nabitawan nito ang mga dalang aklat at bumagsak sa sahig.

"Sorry...sorry," paghingi niya nang tawad sa nabangga habang tinutulungan niya itong pulutin ang mga nahulog na mga libro. Nagulat rin ito sa nangyari kaya't tuliro rin nitong hinagilap ang mga gamit. Buti nga't tumulong na rin ang mga kasama ni Joseph.

Natawag ang pansin ni Joseph dahil sa huling aklat na nadampot niya. Manipis lamang ito ngunit may kabigatan kaya't nagtaka siya. Nasentro ang buo niyang paningin sa pabalat nito. Kulay itim ito at prominente ang isang malaking bituin sa gitna niyon. Ipinagtaka niya kung paano nagkaroon ng ganoong aklat sa library. Sa kuryosidad niyang malaman kung ano ang nilalaman niyon, tinangka niya iyong buklatin. Ngunit hindi na niya nagawa dahil nahablot na iyon sa kanya.

Sa pagtayo nila at sa pagtunghay ng kanilang mga ulo, saka lamang nila lubos na nakilala ang isa't isa. "Marco? Marco De Leon?" bulalas niya matapos itong makilala. Pagkakita niya rito'y gulat din ito sa 'di nila inaasahang engkuwentro.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya rito. Mababanaag ang pagkalito nito at dali-daling isinilid ang mga libro sa bag. Hindi na ito sumagot pa at mabilis na naglaho sa paningin nila. Parang may tinatakasan itong kung ano.

"Tara na," yakag na lang ni Joseph sa mga kasama, lalo na't para pa silang kailangang gawin at ipasang paperworks sa araw na iyon. Ngunit sa paghakbang niya'y may natisod siyang isang kapirasong papel. Wala iyon doon kanina kaya't naisip niyang kay Marco ang papel na iyon. Maaaring nakasingit iyon sa libro nito't hindi nito napansin na aksidente pala iyong nahulog. Pinasyang damputin iyon ni Joseph para maisauli niya kung sakaling magkita muli sila. Pero laking gulat niya nang mapagtanto kung ano 'yon. Pati ang mga kaibigan niya'y nakiusyoso na rin.

"Sino 'yan?" Hindi siya nakasagot, bagkus ay napako ang atensyon niya rito. 'Di pala iyon ordinaryong papel kundi isang litrato sa pahina ng libro. Napatitig siya sa larawan. Kitang-kita niya roon ang isang babaeng may napakahabang buhok na halos sakupin na ang buong mukha.Nanlilisik ang mata nito sa galit. Mas lalo siyang nabigla nang mapansing may sungay ito. Larawan iyon ng isang diyablo. Ngunit habang tumatagal ang pagkakatitig niya sa litrato, lalong naging malinaw ang imahe ng babae. Pamilyar sa kanya ang mukha nito; sigurado siyang nakita na niya ito. Pinagmasdan niya nang maigi ang bawat detalye ng mukha nito at rumehistro sa isipan niya ang kabuuan nito. Hanggang sa may kidlat na gumuhit sa kanyang alaala. Pakiramdam niya'y tumigil saglit na tumigil ang kanyang sistema matapos mahinuha kung sino ang kamukha ng babaeng diyablo sa larawan.

"Ella?"

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon