"INTINDIHIN mo siya anak," wika ni Aling Milagros kay Joseph habang inaayos ang mga alaga niyang halaman sa bakuran. Malaya na ang matanda mula sa kanyang wheel chair gayunman ay bakas pa rin sa katawan nito ang 'nangyari'. Nakabalik na nga ito sa pagtuturo sa St. John University Elementary. Pinagbawalan pa nga siya ni Joseph na gawin 'yon ngunit 'di talaga nagpatinag si Aling Milagros. "Kailan ba naging madali maging prinsesa ng mga diyablo, lalo na't di mo naman gustong maging prinsesa? Lalo na at mismong impyerno ang kalaban mo?"
"Mama, naiintindihan ko siya. Pero ilang araw na siyang ganito. Sinusubukan ko siyang kausapin tungkol sa bagay na 'yon pero umiiwas siya. Nasasaktan akong makita siyang nasasaktan. Habang ako, wala man lang akong magawa para alisin ang sakit na 'yon." Nawala na nga ang atensyon ni Joseph sa kinukumpuning motorsiklo, gayong kailangan na niya talaga 'yong tapusin kundi lagot na talaga siya sa may-ari. Kasalukuyang nasa loob ng bahay si Ella at David kaya't tanging ang asong si Brownie ang saksi sa pag-uusap nilang mag-ina.
"Tama pa ba ang ginagawa ko? May nagagawa ba talaga ako para sa kanya, Mama?"
Itinigil ni Aling Milagros ang paggupit sa halaman at tumitig sa kanya. "Joseph, kailangan ka ni Ella, lalo na sa mga pagkakataong ganito. Ikaw na lang ang nagbibigay ng lakas ng loob sa kanya. Kaya kailangan mong maging matapang...para sa kanya."
Napabuntong-hininga si Joseph. Mula sa leeg ng kanyang suot na t-shirt ay may dinukot siya. Ang botelya na ibinigay ni Marco sa kanya na ginawa na niyang kuwintas. Hindi pa rin naman nagbabago ang kulay ng laman niyon.
"Paano kung dumating na nga ang Asul na Araw...ngayon? Handa ba ako? Alam ko na nga ba ang dapat kong gawin? Paano kung hindi ko pala siya mailigtas sa kamay ni Lucifero?" Nagsimulang manginig ang boses ni Joseph. Nilapitan siya ni Aling Milagros at niyakap.
"Kaya nga dapat maging matapang ka," bulong nito sa kanya. Kumalas ito sa kanya. Ngumiti at bahagyang ginulo ang kanyang buhok. Bata pa rin talaga ang tingin sa kanya ng ina. Nagulat pa nga siya nang bigla siya nitong kurutin sa tagiliran kaya napaiwas siya. "Pero ngayon, paghandaan mo muna ang ipapalusot mo kay Mang Rudy! Bilisan mo na d'yan! Ilang araw na 'yan."
"O-opo, Mama."
"Siya nga pala...kailan 'yong freshmen ball n'yo?" bigla nitong naitanong. Kung ganoon ay nakita pala ng ina ang dalawang ticket na binigay ni Katrina. Kung sa bagay, hindi rin naman siya makakapaglihim dahil faculty din naman ito sa St. John.
"Miyerkules po, next week," matipid na tugon ni Joseph. "Hindi naman po kami a-attend. Okey lang."
"Ano?" gulat na reaksyon ni Aling Milagros. Tinaasan siya nito ng boses. "Bakit hindi naman kayo a-attend?"
"Nag-iingat lang po ako para kay Ella. Hindi natin alam kung kailan darating ang Asul na Araw na 'yan. Saka, isa si Katrina sa committee ng event. Baka kung ano pa ang gawin niya. Ayaw ko ring maging tampulan ng tukso si Ella dahil nasasaktan siya sa mga kung ano-anong tsismis tungkol sa amin."
Napabuntong-hininga si Aling Milagros nang marinig ang pangalan ni Katrina. Si Katrina na naman! Kailan ba ito magsasawang maging tinik sa buhay nila? Hindi niya ipinaalam kay Joseph ang ginawang pagbabanta sa kanya ni Katrina. Ayaw niyang dagdagan pa ang iniisip ni Joseph.
May punto naman talaga ang anak. Ngunit hindi naman siya makakapayag na magpatuloy si Katrina sa pagsira sa buhay nila. Hindi dapat na maging hadlang ang babaeng 'yon para ihinto nila ang sariling mga buhay.
"Anak, um-attend ka. Minsan lang mangyayari ang mga ganitong bagay sa buhay mo. Gawin mo rin to para kay Ella. Kahit sandali, bigyan mo siya ng panahong makalimot sa mga problema niya. Bigyan mo siya ng pagkakataong mabuhay nang normal gaya ng gusto niya. Anak, pagbigyan n'yo naman ang sarili n'yong maging masaya."
"Pero, Mama-
Wala nang nagawa pa si Joseph nang biglang pumasok ang ina sa loob ng bahay. Nang maabutan niya ito ay kausap na si Ella, katabi ang kapatid na si David na nagtaka din sa biglaang pagpasok ng ina dahil naglalaro ito at si Ella. Hindi na rin nakaimik pa si Joseph at nagkatinginan na lang sila ng dalaga.
"Ella...magbihis ka," utos ni Aling Milagros. "Pupunta tayo sa bayan. Bibili tayo ng damit mo para sa freshmen ball."
BINABASA MO ANG
Inferno's Heiress
FantasySa pagpipilit niyang takasan ang kanyang nakatakdang kapalaran, nagdesisyon ang tagapagmana ng impyerno na si Devila, na pumunta sa mundo ng mga mortal. Akala niya, magkakaroon na siya ng normal na buhay nang makilala niya ang binatang si Joseph. A...