DUMALOY ang malalamig at bulto-bultong pawis ni Ella habang habol niya nang mabilis ang kanyang paghinga. Sa kalagitnaan ng gabing iyon ay napabalikwas siya dahil sa isang bangungot. Kitang-kita niya ang sariling nagliliyab sa apoy habang walang awa niyang sinusunog at pinapatay ang pamilya ni Joseph. Dinig niya ang pagmamakaawa ng mga ito ngunit 'di niya mapigilan ang sariling kapangyarihan sa pagkontrol sa kanya at nilamon na nito ang kanyang sarili.
Dahil doo'y nangibabaw na naman sa kanya ang matinding takot at pangamba. Hindi puwedeng masira ang plano niya, lalo pa ngayong unti-unti na niyang nahahangad ang magkaroon ng isang buhay na gaya ng isang mortal. Isang buhay na simple at masaya kasama ang mga itinuturing na niyang pamilya. Isang buhay na malayong-malayo sa nakagisnan niyang puno ng kasamaan, kasakiman, at paghihinagpis.
Ngunit ang imahe ng impyernong pilit niyang iwinawaksi ay lalong nagsusumiksik sa sistema niya. Nagbalik sa alaala niya ang naganap sa pagitan nila ni Katrina. Rumehistro muli sa kanyang gunita ang mukha nito habang halos lamunin na ng matinding takot nang makita nito ang tunay niyang anyo. Ang nangingilabot nitong reaksyon matapos magisnan ang kanyang itinatagong katauhan.
Lalo tuloy siyang inalihan ng matinding takot sa kanyang sarili. Dahil sa nangyaring iyon sa pagitan nilang dalawa ni Katrina ay tiyak na hindi na siya ligtas. Lalo na't hindi niya alam kung hanggang saan ang kaya nitong gawin dahil sa matindi nitong galit sa kanya. Kilala niya si Katrina, at tiyak na nanganganib na ang lihim niya sa aksidenteng pagkakatuklas nito sa kanyang kapangyarihan. Tiyak na manganganib ang buhay niya kung maraming makakaalam ng pagkatao niya.
At paano kung matuklasan ng kanyang ama kung nasaan siya dahil sa nangyari? Tiyak na hindi ito titigil hangga't hindi siya nito naibabalik sa impyerno. Tiyak na malalagay rin sa panganib ang buhay ng mga tao sa paligid niya. "Hindi! Hindi ako papayag na masaktan sila nang dahil lang sa akin. Hindi ko na hahayaang mabuhay pang muli si Devila!" usal niya sa sarili.
Isa pa rin sa ipinagtataka niya ay kung bakit bigla na lang lumabas ang kapangyarihan niya. Ang buong akala niya'y isa na siyang ganap na tao at naging kapalit na nga niyo'y ang maganda niyang mukha. Ngunit bakit sa biglaang pagbugso ng kanyang emosyon ay nagbalik na rin siya sa dati niyang katauhan? Paano nangyari iyon?
Minabuti na lang ni Ella na magtungo sa kusina upang uminom ng tubig para kahit papaano'y mapakalma niya ang kanyang sarili. Maingat ang mga galaw niya sapagkat kung makakagawa siya ng ingay ay tiyak na magigising pa niya ang mga natutulog. Pinindot niya ang switch ng ilaw at tumambad sa kanya ang kabahayan. Tahimik ang paligid at tanging ang pagbuntong-hininga lang niya ang naririnig at ang pagsipol ng malamig na hanging pilit na sumisiwang sa bintana.
Pero iba pa rin ang pakiramdam niya ng mga sandaling 'yon. Pakiramdam niya'y may mga matang nakamasid at sumusunod sa kanya sa kailaliman ng gabi, kaya't isang lingon isang hakbang din ang ginagawa niya. Nang magawa na nga niyang marating ang kusina ay napasandal siya sa dingding at naipikit ang mata para makahinga at kumalma. Daig pa nga niya ang isang tumatakas na preso mula sa mga humahabol na pulis.
Nanginginig ang mga kamay niyang kumuha ng baso at tumigis ng tubig mula sa pitsel. Nilagok niyang lahat ang laman ng baso sa pag-asang mapapagaan nito ang kanyang pakiramdam. Ngunit sa paggawi muli ng kanyang paningin sa baso, ay isang kahindik-hindik na repleksyon ang tumambad sa kanya. Ang mukha ni Lucifero habang nakasilay ang demonyo nitong ngiti at nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya!
Dahil sa matinding takot at gulat, nabitawan niya ang baso at umalingawngaw ang pagkabasag nito at kumalat ang mga bubog sa sahig. Nanlaki ang mga mata ni Ella sa nasaksihan, at halos sumabog na naman ang dibdib niya sa marahas na pagbuntong-hininga. Napaatras siya, at nanghina ang mga tuhod niya kaya't napasalampak siya sa sahig. 'Di na nga niya naiwasan pang madaganan ang mga nagkalat na bubog kaya't nasugatan pa ang kanyang palad. Kumalat ang kanyang dugo pero hindi niya iyon ininda.
Umalingawngaw sa buong sistema niya ang malalakas at nakakabinging paghalakhak ng kanyang amang si Lucifero. Kahit tinakpan na niya ang dalawang tainga ay parang lalo lang lumalakas ang tinig nito. Kahit ipikit rin niya ang mga mata'y lalo lang lumilinaw sa kanya ang halimaw na ama. Para na nga siyang nababaliw ng mga oras na iyon dahil para itong lasong tumutupok sa kanyang katinuan.
"Takot, Devila! Takot at galit ang magbabalik sa'yo, sa'kin! Hinding-hindi mo ako mapipigilan! Hinding-hindi mo matatakasan ang iyong kapalaran!" paulit-ulit na umalingawngaw 'yon sa buong pagkatao niya hanggang sa hindi na niya kinaya pang tagalan at labanan.
"Tama na! Tigilan mo na ako! Tama na!" hindi na niya alam kung naisigaw niya ba iyon nang malakas o hanggang sa isipan lang. Naramdaman na lang niyang may mga bisig nang yumayakap sa kanya. Nang mahimasmasan siya'y nabanaag niya ang maluha-luha at nanghihilakbot na si Aling Milagros.
"Diyos ko, Ella. Diyos ko!" paulit-ulit nitong bigkas habang hindi pa rin siya nito binibitawan sa pagyakap. Hinaplos-haplos nito ang kanyang likod at buhok para kahit papaano'y makalma siya. Hindi niya magawang makasagot sa matanda dahil mistulang nabikig ng takot ang kanyang lalamunan. Ang tanging nagawa niya'y ang piping paghagulhol sa balikat nito. Sa mga sandaling 'yon, kahit papaano'y alam niyang ligtas na siya.
DAHAN-DAHANG ipinihit ni Aling Milagros ang doorknob upang bahagya niyang maiangat ang pinto ng kwarto ni Ella, para di siya makagawa pa ng anumang ingay. Pagsilip niya'y nakita niya ang dalagang mahimbing na natutulog, kahit medyo mataas na ang araw. Hahayaan na lang muna niya itong hindi pumasok sa araw na iyon para makapagpahinga. Lalo pa't hindi pa rin niya lubos na maunawaan kung ano ba ang nangyari rito nang nagdaang gabi kaya't 'di pa rin niya mapigilan ang sariling mag-alala para sa dalaga.
Napapitlag si Aling Milagros nang biglaang may malamig na kamay ang dumapo sa kanyang balikat. Nagdulot iyon ng kakaibang sensasyon sa kanya dahilan para siya'y kabahan at manindig ang balahibo. Paglingon niya'y tumambad sa kanya ang anak na si Joseph.
"Lintis kang bata ka!" napahawak na lang sa dibdib si Aling Milagros dahil sa gulat at inis. Buti nga't nakaiwas si Joseph kundi ay nahampas na niya ito.
"Sori ho, Mama," napapangisi-ngisi pang tugon ni Joseph habang todo-iwas pa rin sa ina. Natalsikan tuloy si Aling Milagros ng mga patak-patak ng tubig na galing sa buhok nito dahil kaliligo pa lang ni Joseph. Tanging pantalon pa lamang nito ang nasusuot kaya't nakalantad pa ang hubog ng katawan nito.
"Magbihis ka na nga! Hindi ka na puwedeng magpahubad-hubad dito sa bahay. May kasama ka nang dalaga dito! Mahiya ka nga!"
"Opo, opo, magbibihis na nga po!" napakamot na lang sa ulo si Joseph at wala itong nagawa kundi isuot na ang puting T-shirt na nakasampay sa balikat nito. "Kamusta na po siya?"
"Sa tingin ko, maayos na siya ngayon. Hayaan na lang muna natin siya ngayon. Kayo na lang muna ni David ang pumasok. Ikaw na ang maghatid sa kanya."
"Kayo ho?"
"Ako na lang muna ang magbabantay kay Ella. Nagpaaalam na ako sa Faculty," paliwanag niya sa anak. Tumango na lang si Joseph bilang pagsang-ayon. Namagitan ang katahimikan sa kanila hanggang sa muling magtanong si Joseph.
"Sa tingin nyo po ba, may naaalala na siya?" mababanaag ang kaseryosohan sa mukha ng binata. Hindi nito maikukubli sa kanya ang pag-aalala sa pinagdaraanan ni Ella.
"Hindi ko alam. Pero base sa nangyari kagabi, puwedeng may naaalala na siya. Pero hindi pa rin tayo nakakasigurado hanggang 'di pa natin siya makakausap ng maayos." Napahawak na lang si Aling Milagros kay Joseph at nagtama ang kanilang paningin. Biglang nabalot ng seryosong hangin ang awra ng kanilang usapan. "Habang yakap ko siya, ramdam ko 'yong matinding takot na nararamdaman niya. Kahit 'di na niya sabihin, mukhang may madilim na bumabalot sa kanyang nakaraan. Hindi natin alam, baka nanganganib na ang buhay niya."
Pinisil ni Joseph ang kanyang kamay para palakasin ang kanyang loob. "Kung gano'n, mas lalong kailangan natin siyang protektahan. Huwag po kayong mag-alala, hindi ko siya hahayaang mapahamak. Hindi ko siya hahayaang masaktan."
BINABASA MO ANG
Inferno's Heiress
FantasySa pagpipilit niyang takasan ang kanyang nakatakdang kapalaran, nagdesisyon ang tagapagmana ng impyerno na si Devila, na pumunta sa mundo ng mga mortal. Akala niya, magkakaroon na siya ng normal na buhay nang makilala niya ang binatang si Joseph. A...