24-Rebelasyon

925 34 3
                                    

PAGKARATING nina Ella at Joseph sa tapat ng bahay ay tumambad sa kanila ang wasak na pintuan, nagkalat at nagkabasag-basag na mga gamit, nagtumbahang mga halaman, at ang aso nilang si Brownie na paulit-ulit ang pagtahol at pag-alulong. Nanlaki ang kanilang mga mata, at matinding takot ang namayani sa kanilang dalawa. Lalo nang nagimbal si Joseph nang marinig ang pagpalahaw ng kanyang kapatid na si David habang naririnig ang nanginginig na boses ni Aling Milagros habang pinapatahan ang bata.

Nagimbal rin si Ella at hindi niya alam ang gagawin. Nilukuban siya ng pinakamatinding takot na sa tagpong iyon lamang niya naranasan. Isa lang. Isa lamang ang alam niyang may kakayahang gumawa ng ganoong kalagim na bagay. Isa lang ang alam niyang magtatangkang manakit sa kanyang pamilya. Hindi niya akalaing ganoon siya kabilis habulin ng kanyang kapalaran. At sa pagkakataong iyon, hindi niya alam kung makakatakas pa siya.

"Mama! David!" mabilis pa sa kidlat na pumasok si Joseph sa loob ng bahay upang iligtas ang kanyang pamilya sa kapahamakan. Pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang katawan dahil sa takot. Bumalik na naman sa kanyang alaala ang malagim na pangyayaring naganap sa kanila, ang malagim na pangyayaring kumitil sa buhay ng kanyang ama at nakababatang kapatid. Ngunit sinikap niyang iwaksi ang takot dahil mas inaalala niya ang kanyang ina at si David.

Sa pagpasok ni Joseph sa kabahayan ay lalo siyang nagimbal sa mga nasaksihan. Mas magulo pa nga ang loob ng bahay kumpara sa labas. Nakasalampak ang kanyang ina sa sahig habang yakap ang walang tigil sa pag-iyak na si David. Kapwa nanginginig ang katawan ng mga ito. At nakita niyang may mga sugat at galos si Aling Milagros.

Ngunit lalong nagimbal si Joseph nang masilayan kung sino ang may gawa ng lahat ng mga iyon. Kulang na nga lamang ay lumuwa na ang kanyang mata dahil sa mga nakita. Kulang na nga lamang ay lumuwa ang kanyang mga mata dahil sa nakita. Halos manghina ang kanyang tuhod at napaatras siya mula sa kinatatayuan. Kitang-kita niya mula roon ang isang matipunong lalaking nagliliyab ang buong katawan, nanlilisik ang malalaking mga mata ngunit may mapanuyang ngiti. Taglay ang dalawang sungay at isang mahabang buntot-wangis ng isang demonyo!

"Ilabas n'yo ang aking anak! Hindi ako mag-aatubiling paslangin kayong lahat!" Umalingawngaw ang tinig na iyon ni Lucifero. Malalim, nakakabingi, at talagang nanggagaling sa kailaliman ng impyerno. Lalong nagdulot iyon ng masukdol na takot kina Aling Milagros, David, at Joseph.

"Tama na! Tumigil ka na! Huwag mo silang sasaktan dahil ako ang makakalaban mo! Ako ang kailangan mo! Ako ang harapin mo!" Dumagundong ang tinig na iyon sa buong kabahayan. Lalong ikinagulat ni Joseph ang mga nangyayari at hindi na niya matukoy kung totoo pa ba ang mga nasisilayan niya. Nasemento na siya sa kinapupuwestuhan at hindi na nagawa pang makagalaw man lamang. Tuluyan nang pinanawan ng ulirat si Aling Milagros matapos ring matunghayan ang 'eksenang' 'yon. Samantalang si Joseph, hinahagilap ang sarili habang matamang nakatitig sa pinanggalingan ng boses na iyon.

"Ella!" Ngunit hindi na alam ni Joseph kung naibulalas pa ba niya iyon o tanging sa isipan na lang niya iyon nabigkas. Kitang-kita niya ang biglaang pagliliyab ng peklat sa mukha ni Ella. Nagbabaga. Naabo na nga sa isang iglap ang balabal na tumatakip roon. Kitang-kita niya ang nanlilisik at nag-aapoy nitong mga mata. Hanggang sa tuluyan nang lamunin si Ella ng apoy. At mula sa apoy na iyon ay tumambad ang isang dalagang walang saplot kundi nagliliyab ang buong katawan. Ang mahabang buhok na tumatakip sa dibdib at ang dalawang matutulis na sungay, at isang mahabang buntot. Kamukhang-kamukha ng imaheng hawak niya! Tuluyan nang lumabas ang tunay na anyo ni Ella, at natuluyan na nga ring maghuramentado ang utak ni Joseph. 'Si-si Ella...si Ella ay isang demonyo!'

Umalingawngaw lamang ang isang malakas na halakhak mula kay Lucifero pagkatapos ay saka gumuhit ang napakalapad nitong 'ngiti'. Ngiti ng pangungutya. "Sa tingin mo ba ay mapipigilan mo ako, Devila? Gagawin ko ang lahat kahit paslangin pa ang mga pinakamamahal mong tao ! Para mawalan ka na ng dahilan para manatili pa rito! Hindi mo maaaring takasan ang kapalaran mo! Hinding-hindi mo na ako matatakasan pa!"

"Hinding-hindi ako sasama sa'yo!" sigaw ni Ella. Binato niya si Lucifero ng isang bolang apoy ngunit bago pa man ito tumama sa ama ay nalusaw na ito dahil mas malakas ang taglay nitong kapangyarihan.

"Kung ganoon, katapusan na ng taong ito!" Itinutok ni Lucifero ang kanyang palad sa walang kalaban-labang si Joseph habang gumagawa ng apoy. At sa isang iglap nga'y ibinato iyon ni Lucifero patungo sa binata.

"J-joseph!" dumagundong ang pagpalahaw ni Devila. Sa bilis ng mga pangyayari ay napapikit na lamang si Joseph. Wala nang anumang bagay ang tumatakbo sa isip niya ng mga oras na iyon dahil kanina pa tuluyang sumabog ang kanyang kaisipan dahil sa bagsik ng hagupit ng mga rebelasyon. Nilamon na nga siya ng matinding takot. Isang masaklap na katotohanan na nga lamang ang rumehistro sa kanya-'Katapusan ko na!'

Ngunit maya-maya ay isang malakas na pagdaing ang kanyang narinig. Sa pagmulat ng kanyang mga mata, nagisnan niya si Devila sa kanyang harap. Sinalo nito ang bolang apoy na dapat ay sa kanya kaya ito ang napuruhan.

"Ella!"

Sa mga nasaksihan ay biglaang sumiklab ang kanyang dugo.Hindi alam ni Joseph ngunit ang takot na kanina niya nararamdaman ay biglang napalitan ng 'tapang'. Ang mga pangamba ay nasapawan ng galit at paghihiganti. Ang mga pag-aalinlangan ay napalitan ng lakas ng loob. Wala nang pakialam si Joseph kung wala siyang laban sa kapangyarihan ng hari ng mga diyablo. Kinuyom ni Joseph ang kanyang kamao. Humugot ng isang napakalakas na sigaw at walang anu-ano'y sumugod sa kinaroonan ni Lucifero. 'Walang sinuman ang may karapatang saktan si Ella!'

"Aaahhh!"

Ngunit bago pa man magawang makalapit ni Joseph at mailapat ang kanyang suntok, biglang lumabas ang isang malakas na enerhiya at tinamaan nito ang hari ng mga diyablo. Bagama't tuliro na ang kanyang isip ay narinig niya ang isang gumagaralgal na tinig mula sa 'di kalayuan. Hindi niya na maintindihan pa ang mga salitang iyon ngunit narinig niya ang mga pagdaing ni Lucifero. Kitang-kita niya na naaapektuhan ito. Hanggang sa tuluyan na ngang mawala sa paningin niya si Lucifero sa isang iglap lamang. Hindi niya alam kung ano nang nagyari. Mula roon ay nagisnan niya sa labas ang isang lalaking nakaluhod dahil sa pagod, pawis na pawis, habang hawak ang isang malaking aklat.

Si Marco.

Hindi na siya nag-atubili pa at gegewang-gewang na naglakad patungo sa kinaroroonan ni Marco. Nang makarating nga siya sa labas ay tuluyan nang bumigay ang kanyang tuhod at napaluhod na lamang siya sa harapan ng binata. Gumagaralgal pa nga ang kanyang papaubos na tinig. "K-k-kailangan n-natin silang...iligtas."

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon