Bakit karamihan sa inyo ay manloloko?
Kami'y laging pinapaasa at binibilog ang ulo,
Sasambit ng mga matatamis na pangako,
Pagkatapos pakiligin ay susugatan ang puso,
Iiwanang mag-isa habang luha ay tumutulo.
Basta aalis ng walang paalam,
Isip at damdami'y mapupuno ng agam-agam,
Tanong sa'king sarili'y, "ano ba ang naging pagkukulang?''
Ngunit lahat ng tanong, mananatiling walang kasagutan,
Sapagkat ang aking inibig ay puno ng kaduwagan.
Agad-agad na ipagpapalit sa iba,
Dahil ito na raw ang bagong nagpapaligaya,
Walang pakialam sa sakit na aking madarama,
Hindi naalala na minsan ko siyang napasaya,
Kaya ang isinukli ay matinding pagluha.
Oh' Adonis kuntento ka ba sa iyong ginawa?
Nang napa-iyak mo ang isang dalaga,
Tila dinuraan mo na rin ang iyong ina,
Noong pag-ibig niya sa'yo ay binalewala;
At ang pagmamahal ay naglahong parang bula.
Iyan ba ang tinatawag na maginoo?
Puro kayabangan ang pagiging matipuno,
Hoy, lalaki pakatandaan mo,
Ang bawat babae na iyong pinaasa at niloko,
Tiyak na may karampatang parusa ang babalik sa'yo.