Sa tapat ng isang sikat na clothing brand ako ay tumambay.
Doon ay nakita ko ang karatula ng 'sale' sa kaliwang hanay.
Salitang apat lamang ang letra ngunit sa akin ay kirot ang ibinigay.
Naalalang muli yaring tinatamasang lumbay.Bumuntong hininga. Isip ay tinanong--
Bakit ang mga bagay kapag naluma, kung hindi binabalewala ay itinapon?
Gayong simula umpisa'y sa parehong proseso sila gumulong.
At ang presyo nila ay pantay-pantay na isinulong.Ganoon din minsan ang pakikitungo ng mga tao,
Kapag wala kang ganda, sa sulok ka itatago.
Kung hindi ka matalino,
Ihahanay ka sa row four. Doon sa dulo!Maghirap ka'y agad na kukutyain.
Iiwan ka kapag hindi ka magaling.
Pagiging mahina ay aabusuhin.
Tapang man ay pairalin, ikaw pa ang mamasamain.Sana dumating 'yong araw na ang iniisip ko'y iisipin din ng iba.
Nawa pati ang nararamdaman ko ay aalagaan nila.
Sana manatili sila may pera man ako o wala.
Nawa hawakan pa rin nila ang kamay ko maging malakas man ito o mahina.Hiling ko na sumapat sa kanila lahat ng kung ano lang ang meron ako.
Hindi 'yong tatalikod sila kapag lumulubog at naluluma na ang mga yaman ko.
Panalangin ko'y maging kaibigan sila mapunit man ako't magkapira-piraso.
Halaga ko'y hindi nila ibababa madalas man akong patapon at 'di buo.