"Ibigin Mo Ang Iyong Paligid"

14 1 0
                                    

Dati ang mundo ay napakaganda,

Payapa, tahimik, lahat ay masaya.

Malinis ang hangin, tubig at lupa,

Ang mga hayop at halaman, tunay na nakahahalina.

Lahat ng tao ay marunong rumespeto,

Isa't isa'y binibigyan ng puwang dito sa mundo,

Walang sino man ang dumaranas ng matinding siphayo,

Pagmamahal ang tangan sa bawat puso.

Sadyang nakahahanga ang pagbabayanihan,

Hindi ka makaririnig ng away at sumbatan,

Ano mang sulirani'y agad na nasusolusyunan,

Pagtitiwala ng kapwa'y lubos na iniingatan.

Labis ang pananampalataya sa Poong Maykapal,

Mabibigat na suliranin, idinadaan sa pagdarasal.

Sa ama't ina'y sumusunod ng mabuting asal,

Laging isinasa-isip ang mga gintong pangaral.

Subalit ang ningning ng daigdig ay tila napagod sa pag-andap,

Kasakiman ay nilamon ang makukulay na pangarap,

Talang gumagabay sa atin ay lumamlam ang kislap;

At ang malasakit sa kapaligira'y kayhirap nang maapuhap.

Kalikasang kinagisnan ko ay unti-unting naglalaho,

Kaliwa't kanan ang pamumutol sa kawawang mga puno,

Ang mumunting hayop, dahan-dahang naaabo;

Kaya kumakalat na ang lason sa pagkai't inumin ko.

Inggit ay tila isang matalim na punyal,

Madiin na ibinabaon habang tayo'y sinasakal,

Pag-galang sa kapwa'y dagling nabubuwal,

Maskarang isinuot ay lalong kumakapal.

Galit sa dibdib ay patuloy na lumalalim,

Mabilis na kumakalat ang tetano nitong patalim,

Liwanag ng mundo ay mabilis na nagdidilim;

Mga krimen sa paligid, tunay na nakaririmarim!

Laging nais na ang kapwa ay maisahan,

Heto nga at laganap na ang mga nakawan,

Parang natural na lang ang pagpapatayan,

Malagim na panggagahasa, droga ang dahilan.

Ngunit ang pagbabago ay hindi pa huli,

May oras pa upang itama ang ating pagkakamali,

Maging bukas lamang sa puso ang ating pagsisisi,

Ituwid ang mga baluktot na salita at gawi.

Unahing ayusin itong paraiso na sa'tin ay ipinahiram,

Halamang kinitil ay marapat na palitan,

Maliliit na nilalang ay huwag nang pagkakitaan,

Gamitin sa tama ang ating mga likas na yaman.

Ibalik ang masiglang ritmo ng ating pagkakaisa,

Patugtuging muli ang nota ng pag-asa't pagkalinga,

Sa saliw ng pulso ko'y maki-sayaw ka na,

Halina't umindak para sa matiwasay na melodiya.

Sa mga bata'y ituro ulit natin ang po at opo,

Lakipan na rin natin ng halik at pagmamano,

Hindi dapat pinandidirihan sina lola at lolo,

Upang ang respeto'y mabatid din ng mga susunod na apo.

Patuloy na alalayan ang mga nanghihinang matatanda,

Sa maysakit nating kababayan, lawakan sana ang pang-unawa,

Tulungang tumawid ang mga bulag at pilay ang paa,

Kapatid, sasabihin ko sa'yo, ika'y mapupuspos ng biyaya.

Iwaksi na sa isipan ang pagiging talangka,

Palad ay buksan na lamang para sa mga pulubing bata,

Lingapin natin ang sumapit ng masalimuot na trahedya,

Tara't patuluyin yaong sa pamilya ay nangungulila.

Pagkakamali ng iba ay iwasang pagtawanan,

Ang iyong kapitbahay ay huwag mong sisiraan,

Nakasimangot mong kaibigan ay palagiang ngitian,

Pag-angat ng kalaban ay hindi dapat pinipigilan.

Marubdob na pag-ibig ay ihandog mo sa'yong kapwa,

Sa mga argumento ay matutuo kang magparaya,

Kung sakaling nakasakit, 'di kawalan ang magpakumbaba,

Sapagkat ang tunay na ugnayan ang siyang pinakamahalaga.

Alagaan mo ang kapaligiran nang hindi ka niya pabayaan,

Kapwa mo'y bigyan nang 'di ka pagdamutan,

Ibigin mo ang kalikasan upang ika'y kanyang protektahan,

Mahalin mo ang iyong kababayan para sa maganda n'yong samahan.


Random PoemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon