"Kabaro''

7 1 1
                                    

Ginahasa sila ng pang-aalipin,

Puri ay nilapastangan hanggang maging karimarimarim.

Nagbunga ng karahasan, digmaan ang naging supling.

Inaruga ng bala't pinalaki sa dilim.

Yaring bayang inutang tila nasanay sa takip-silim.

Subalit sa kaguluhan, si Marcela'y hindi nagpatinag.

Sa gitna ng sigalot, kagitingan ni Gabriela'y namukadkad.

Kahit hinarangan ng gulok, si Melchora ay 'di nagpasindak.

Dangal man ay nayurakan, mga Maria Clara'y nanatiling matatag.

Ako ay kanilang kabaro na sa inyo'y taas noong humaharap.

Kung may natatanging bagay akong gustong ipamalas,

Iyon ay ang katapangan bilang isang Eba ng Pilipinas.

Nais kong ang buong mundo sa atin ay rumespeto't maging patas,

Kaya sisimulan ko ito ngayon at itutuloy sa mga susunod na bukas,

Upang ang sinag ng bukang liwayway sa bayan natin ay maglandas.

Random PoemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon