"Marangal na Botante"

26 1 1
                                    

Ang matalinong botante ay nagmamatyag muna,

Hindi nagpapadala sa mga sabi-sabi't haka-haka.

Iniiwasang maki-gulo sa away-pulitika,

Sa pagbabatuhan ng putik, siya'y 'di nagpapadikta.

Bagkus ay pinag-iisipan kung sino nga ba ang tama?

Kinikilalang mabuti ang bawat kandidato,

Pinakikinggang maigi ang plataporma ng mga ito.

Hindi nagpapaloko sa mga awitin sa t.v at radyo,

Lalo't 'di naaakit sa pagsayaw at pag-awit nito sa entablado,

Kahit pa ang paborito niyang artista'y ito ang ini-indorsiyo.

Karapatan niya'y labis na pahahalagahan.

Balota niya ay lubos na pag-iingatan.

Kalayaan niya'y palagiang poprotektahan.

Bansa ay buong pusong ipaglalaban,

Doon niya sisimulan ito sa malinis na halalan.

Siya'y maninindigan at 'di pasisilaw sa limang daan.

Ulo ay 'di ipa-bibilog para sa mga uhaw sa kapangyarihan.

Takot ay iwawaksi alang-alang sa kinabukasan ng bayan,

Pangalan niya'y hindi ipagagamit sa kanilang kasakiman.

Dignidad ay iingatan at hindi kailan man dudungisan.

Minsan lang ang daliri niya'y malalagyan ng tinta;

Ngunit katumbas nito'y anim na taon ng bagong pag-asa,

At ang prebilehiyong ito'y habang buhay na magmamarka;

Kung kaya sa pagpili ng pinuno ay magiging mahusay siya,

Upang sa pag-unlad natin ay wala nang makapipigil pa.


Random PoemsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon