D. Jose Station
Sa unang tapak ko palang sa pulang guhit sa sahig ng istasyon, lumingon na agad ako sa kaliwa’t kanan para hanapin si Realiza. Wala pa siya. Wala pa ang malalakas na pagpalo ng takong ng sapatos. Wala pa ang nakaririnding boses. Wala pa ang nakakairitang tawa. Mga ingay na naging musika na sa aking tenga.
Nilibang ko muna ang aking sarili. Naglaro muna ako ng text twist sa aking cellphone. Nakinig sa limang version ng Careless Whisper para malimutan ang baklang kasakay ko kanina sa tren.
Dumidilim na wala pa rin siya. Tinapunan ko muna ng atensyon ang dalawang batang badjao sa dulo ng ng hagdanan ng LRT station. Masigla silang tumututog ng tambol at kumakanta na parang tumatawag ng mga alien sa iba’t ibang planeta. Hinagisan ko ng ng tig-piso para sa effort nila subalit yung batang babae lang ang pumulot. Siguro siya ang treasurer ng kinikita nila. Pagkatapos pulutin ay mas lalo pang nagperform ang dalawang bata. Walang gustong magpadaig. This time gumigiling pa at may dumating pang back-up dancer. Naaliw naman ako sa pinaggagawa nila. Naalala ko tuloy nung nasa Batangas pa ako. May mga batang pier kasi na nakalulob sa dagat na naghihintay ng maghahagis ng barya mula sa mga pasaherong bumababa at sumasakay ng barko. Sisirin nila ang barya kahit magkano pa ito. Hindi nila inalinta ang matinding init ng araw at alat ng dagat. Naging libangan ko noon ang paghagis ng barya sa tuwing naghihintay ako ng pag-usad ng mga pasahero katulad ngayon naging libangan ko ang paghagis ng barya sa mga bata habang hinihintay ang isang pasahero, si Realiza.
Mahigit isang oras na akong nakamasid sa mga bata subalit wala pa rin si Realiza. Wala man lang akong natatanggap na text mula sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam ang dahilan para matagalan siya ng ganun. Kinabahan ako na baka nagkasalisili kami. Parang may dalawang daga ang nagsisee-saw sa loob ng dibdib ko sa kaba. Baka nagalit siya kasi hindi ako nagreply sa text niya kanina. Para na akong paranoid sa dami ng iniisip.
"Huy!" Isang pamilyar na matinis na boses ang bumasag sa aking muni-muni. Si Realiza.
Humarap agad ako ng may ngiti sa labi. Bumungad din sa aking harap ang isang lalaki. Bakit kasama niya si Realiza? Kaya ba ako pinapunta dito ay para lang ipakilala sa akin ang mokong na lalaking ito. Boyfriend kaya n’ya? Kinabahan muli ako, this time ang mga dagang nagsisee-saw sa aking dibdib ngayon ay nasa anchor’s away na para lamunin ang aking pagkatao sa sobrang kaba. Handa ba akong marinig na may mahal na si Realiza? Handa ba ang tindahan sa tapat ng bahay namin sa dami ng alak na kaya kong inumin kung siya nga ang bf ni Realiza.
"Si Paul nga pala," pakilala ni Realiza. Patuloy sa pagsasalita si Realiza pero hindi ako nakikinig. Kinamayan ako ni Paul. Tinapunan ko naman siya ng plastik na ngiti. Anumang oras na tumalikod siya ay tatagain ko na siya para mawala sa landas ko. "Inihatid na n’ya ako dito kasi gabi na natapos yung planning namin sa org namin," patuloy pa ni Realiza.
Tumango na lang ako. Nagpasalamat at ngumiti muli para makita n’yang may dimples din ako. Matapos nun ay umalis na ang mokong.
Sino si Paul? Bakit kailangan ihatid niya si Realiza ko. Kaibigan lang ba siya? Dapat ko ba siyang ituring na kaaway, karibal o kaibigan na pwedeng gawin tulay patungo sa puso ni Realiza. Alam kong nagseselos ako ng wala sa lugar. Alam kong masamang angkinin ang kailanman ay hindi naging sa akin. Gusto ko siyang tanungin para malinawan ang aking isip pero hindi ako handa kung sakaling tama ang mga hinuha ko.
"Bakit tahimik ka?" Hinagilap ni Realiza ang aking kamay papasok sa LRT. "S-sorry ha natagalan ako dami kasi changes sa plans sa school."
Bumuntong hininga muna ako bago nagsalita. Hindi dapat niya mahalata na nabigla ako sa nakita ko. Hindi dapat magpaapekto. "Ah eh, kailangan talaga tahimik ako, remember kasama yun sa qualification para maging type mo ako," biro ko.
"Seryoso ka talaga ha!" Humalakhak siya na parang kami lang ang tao sa tren. "Sure ka? Para kasing may gumugulo sa isip mo," usisa n’ya pa.
"Ah wala to. May naisip lang ako bigla nung hinihintay kita. Weird nga e"
"Ano naman yun?" Tumitig siya sa akin. Hindi ko kayang itanong.
"Wala. Naisip ko lang kung kailangan ng lisensiya bago makapagdrive ng LRT." Natawa muli siya. Kinurot pa ako sa tagiliran na parang nakagat ako talangka sa sobrang hapdi. "Kala ko ba may sasabihin ka sa akin?"
"Ay oo nga pala! Bukas kasi need ko umaatend ng debut kailangan ko ng kasama para payagan ako ni tita. Please samahan mo ako!" pagmamakaaawa n’ya gamit ang ngiting hindi ko kayang tanggihan.
Sasama ba ako? Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa kasi kasama ko siya o ginagamit n’ya lang ako. "Ah e, baka maOP lang ako dun." Nagpakipot muna ako para pilitin ako lalo.
"Hindi noh. Aside sa family niya wala na akong kakilala. Kaya isasama kita para may kausap ako at may kasabay din pauwi. Sama ka na!" inalog n’ya ang ulo ko para tumango.
Lumiwanag ang kaninang madilim kong mundo. Excited na ako para bukas. "Sige! kaw pa eh malakas ka sa akin!"
Nagningning ang kanyang mata matapos akong pumayag. Sumandal siya sa aking balikat habang hawak ang aking braso. Pumikit muna siya. Ilang saglit lang nakaidlip na siya.
"Mahal kita Realiza," bulong ko sa kanyang buhok.
Minasdan ko ang tanawin sa labas ng tren. Makulay. Pero mas makulay ang nadarama ko sa mga sandaling ito.