LAST CHANCE

24 0 0
                                    

"Si Paul. Ano? Sinaktan ka niya?" usisa ko agad.

"Hindi. Kanina. Bago ka dumating…" Natigilan muna na siya. Pinahid ang luha. "Niyaya n’ya ako magpakasal. Papayag na sana ako kanina kaso may bumato ng kotse niya kaya hindi ko agad nasabi. Louie hindi ko alam na darating ka pa si Paul na ang pinili ko. Hndi ko nga alam kung ano meron tayo."

"Akalain mo nga naman. Napakaswerte ng bato na yun. Hanapin ko mamaya para pambato ko ulit sa mga sunod na araw," bulong ko sa sarili ko. Kung hindi ko pala binato ang auto niya sigurado kasalan na. Hindi ko na lang inusisa ang tungkol sa kotse dahil baka madulas pa ako. Mahirap na.

"Napakaswerte naman ni Paul," wika ko. "Naging duwag ako Realiza. Hindi kita naging priority pero nagbalik ako ngayon para humingi ulit ng pagkakataon. Kaso parang nahuli na yata ako dahil mahal mo na siya."

"Napaka-unfair kay Paul dahil siya ang naging kasama ko noong mga panahon wala ka. Noong umiyak ako dahil sa pag-alis mo. Noong mga panahon umasa ako sa babalik ka agad. Ako ang swerte sa kanya dahil lagi siyang nandyan para sa akin."

"Realiza, makinig ka. Hindi mo hiniling sa kanya na gawin yun. Kagustuhan niya ‘yon. Pag-aralan mo ang lahat. Malaki ang pagkakaiba ng awa at pag-ibig. Mahirap sumama sa taong hindi mo mahal."

"Nagkakamali ka. Hindi mo alam ang nararamdaman ko. Ikaw ang walang alam sa pagmamahal Louie. ? Hindi sapat ang ganda ng mabubulaklak na salita kung hindi ko naman kayang pangatawanan."

Narinig ko na naman ang mga salitang yun. Mga salitang isinampal din sa akin ni Nhovelle noong nasa Singapore. Wala ba talaga akong alam sa pagmamahal Hindi ko nga alam kung tama pang manggulo ako sa masayang pagsasama. Hindi na ako tumutol sa sinabi. Yakap na lang ang naging tugon. Niyakap ko siya ng mahigpit dahil walang akong alam na salita para ipadama ang aking pagmamahal. Niyakap din naman ako ni Realiza matapos niyang magdrama.

"Siguro nga wala akong alam sa pagmamahal. Pero sa puso, sa isip at sa bawat sandali na nasa Singapore ako nanatiling ikaw ang nasa alaala ko. Napapangiti na nga lang ako kapag naiisip ko ang kilos, amoy, ang nakakairita mong tawa at maging ang yabag mo. Kung hindi pagmamahal ang tawag dun e ano?" bulog ko sa tenga ni Realiza.

"Louie akala ko ba may ikukuwento ka kaya ka naparito." Kumalas siya sa pagkakayakap. Sana hindi na lang niya naalaala kasi nag-eenjoy pa ako.

"Ah. Alam mo naman siguro na five years contract ako sa Singapore. Sasabihin ko sana na kaya ako umuwi ay dahil sa’yo. Hindi na ako nag-isip ang alam ko lang kailangan kong umuwi." Tumitig ako sa mga mata ni Realiza. " Alam mo noong pauwi tayo galing Tagaytay, humiling ako sa buwan noon na mapunta ka sa taong lubos na magmamahal sa’yo. Natupad iyon kasi may nagmamahal sayo ng todo. Kung alam na darating sa ganito hiniling ko na lang sana na tayo ang magkatuluyan."

"Bigyan mo ako ng oras Louie. Kung ano ang maging desisyon ko sana ay igalang mo."

"Sige igagalang ko ang lahat." tugon ko habang naka-cross fingers ako. Layo kaya ng nilipad ko kung susuko ako.

Paminsan dumadalaw ako kay Tita Chit para kumuha ng information at kung anong oras dapat ako susulpot sa bahay ni Realiza. Madalas kong sirain ang lakad ni Realiza dahil ayaw kong sumagot na siya sa proposal ni Paul. Nagdadala ako ng mga bagay na mahalaga sa kanya siyempre galing kay Tita Chit ang tips. Favorite niya daw kasi ang mga bagay na kulay lavander. Pati nga yung sisiw sa perya ibinigay ko na. Inakala ko na lavander yun violet pala excited pa naman akong ibigay sa kanya. Hindi niya nagustuhan. Ewan ko nga lang kung dahil sa kulay o ayaw niya lang magkaroon ng manukan.

"Louie, salamat sa time. Napasaya mo naman ako e napatawa pala." bungisngis na sabi ni Realiza habang pinapakawalan ang sisiw galing perya. Ilang segundo lang sinakmal na ito ng pusa.

"My pleasure. So next week ulit?"

"May lakad kami ni Paul eh. May sasabihin daw. I’ll text you na lang."

"Sige. Kapag may sasabihin siya tungkol sa kasal takipan mo ang tenga mo ha."

"Bakit? Wala naman tutol sa kasal namin kung sakali ah."

"Meron. Ako!" matigas ang tutol ko.

"Kung ayaw ko magpapigil Mr. Jimena?"

"Itatanan kita."

"Ayaw ko. Habulin mo muna ako." malambing na wika niya.

"Ako ang habulin mo." sabay halik sa pisngi at tumakbo patungo sa LRT station.

As usual masaya ako tuwing uwian. Halos kilala na yata ako ng guard sa Carriedo dahil dalas kong matulala. Para akong teenager na kinikilig. Naiiihi tuloy ako. Papasok na sana ako ng Jollibee para magbawas kaso may kotseng bumusina sa aking harap. Matapos ay ibinaba ang salamin. Sinipat ko ang tao sa loob. Mas pogi ako. Si Paul.

"Tol sakay ka may sasabihan lang ako sa’yo." yaya ni Paul. Sana lang huwag akong ipasalvage nito. Ayaw ko naman ilibing sa loob ng drum o kaya lumutang na lang sa look ng Maynila.

"Hindi pwede dito?" Hindi naman ako takot sa kanya nagkataon lang na ihing-ihi na kasi ako.

"Doon na lang tayo tol sa malapit na cafeteria. Matao kasi masyado dito."

Napilitan akong sumakay kahit sasabog na ang pantog ko. Malapit lang daw naman e.

"Malas naman trapik pa!"bulalas ni Paul.

"Ano bang pag-uusapan natin? Importante ba?" tanong ko kay Paul. Sana lang sabihin na dito bago pa ako maihi.

"Tungkol kay Realiza dun na lang natin pag-usapan sa cafeteria." Nagpatuloy siya sa pagmamaneho. Ako naman ay patay malisya na lang. Pakiramdam ko tuloy gusgusin ako. Mas maganda pa yung tela ng cover ng upuan ng kotse kesa sa polo ko.

Habang nalulubak ang kotse ay lalo kong nararamdaman na sasabog na ang pantog ko. Limang minuto pa ay nakarating na kami sa sinasabi niyang cafeteria. Kinausap niya ng waiter matapos ay dumating ang aming kape. Kamusta naman yun. Gusto yata akong magkasakit sa bato nito. Hindi ko naman siya maiwan dahil kinakausap niya ako.

"Makikiusap sana ako sa’yo Loiue. Masaya na kami ni Realiza at balak ko na siyang pakasalan. Ayaw kong mabalewala lahat ng pagmamahal ko sa kanya sa muli mong pagbalik."

"Naiitindihan kita. Pero wala naman akong ginagawa para hindi matuloy ang balak mo."

"Yun nga eh. Wala ka pang ginagawa nasisiraan na ako ng loob kaya nga ikinatatakot ko kapag sinimulan mo ulit siyang ligawan. Alam ko na mahal ka niya dahil kahit kami ang magkasama laging pangalan niya ang aksidenteng nasasambit niya. Parang unti-unting lumalayo ang kanyang loob sa akin," maluha-luhang sambit ni Paul.

Awa ang nadama ko kay Paul. Alam kong mabuti siyang tao at walang masamang balak kay Realiza. Hanga ako sa tapang niya na kausapin ako at parang nagmamakaawa pa.

"Naiintindihan kita. Pero hindi ko maiipangako sa’yo Paul na iiwas ako dahil may pinagsamahan naman kami."

"Louie kahit isang buwan lang. Pagbigyan mo ako. Maawa ka. Kapag hindi ko siya napapayag yun na siguro ang panahon na tumigil ako. Sa akin na lang si Realiza kahit sa buwan lang na ito."

"Hindi ko kayang ibigay sa’yo si Realiza dahil kailanman ay hindi siya naging akin. Gawin mo ang lahat ng makakaya mo Paul. Uuwi na lang muna ako ng Batangas para may dahilan ako."

"Salamat. Maswerte ka Louie kahit wala kang ginagawa ikaw lagi ang hanap niya. Asahan mo hindi ko sasayangin ang pagpaparaya mo."

Natatawa ako. Ako nga itong naiingit sa kanya dahil sobrang dami niyang talent. Sabagay ang mga taong pinagpala sa kakayahan e madalas sawi sa ibang larangan.

"Sige Paul. Sa pagbalik ko ikaw naman ang dapat magparaya."

Umuwi ako ng Batangas tulad ng ipinangako ko kay Paul. Hindi man ako dumadalaw kay Realiza updated naman ako sa mga nangyayari dahil kay Tita Chit. Inamin sa akin ni Tita Chit na nag-attempt na ulit si Paul na magproposed ng kasal hindi pa nga lang naikwento ni Realiza ang details. Kinabahan ako. Parang gusto ko ng matapos ang isang buwan bago pa ako matimed-up.

[Repost]: Kwentong LRT (Love and Relation Transit)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon