Guhit-Tagpuan

51 2 0
                                    

Gusto sana kitang yayain,
Maglakbay sa kung saan man tayo dalhin nitong guni-guni,
Kung saan kaya nating ibigkis itong mga pusong tikom ang pag-iisip,
Na handa nating pangarapin ang mistulang pag-ibig na kinubli,
Para na rin sa mga nanunuyot na labing sabik sa takipsilim,
At mahanap ang saplot ng mga kaluluwang ininda ang init.

Sana pumayag ka,
Hahakbangin natin ang ilang milya,
Hahabulin natin ang araw hanggang sa mahingal,
Hanggang sa mapudpod ang saplot sa paa,
Hanggang sa huminto tayo sa puntong dilat ang mga mata.

Handa akong pasanin ka,
Dahil hindi ako napapagod na marating ang guhit-tagpuan,
Kahit gaano kabaluktot ang lahat,
Maglalakad ako ng paharap,
Kahit gaano ka man kabigat,
Magmamatuwid akong kargahin ang aking pinangarap.

Kung hindi ko man masalat ang ating kahahantungan,
Iwan mo na lamang ako sa gitna ng kahibangan,
Bumalik ka sa kung saan kita niyaya,
Sa kung saan tayo nagkita.
Dahil ako, hahanapin ko pa kung saan ako nahulog,
Kung saan ako nagkamali ng taong dapat tatawaging "irog".

PS: "Para sa mga taong walang ginawa kundi ang magmahal at nakalimutang mahalin ang pusong pagal."

@dhane_Daniel
ⓒ2:27 pm. 11/8/2015 ✔

Katiting Kathang-IsipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon