Hindi kinakatakot ng tao ang mawalan ng pera. Ang maging mahirap o maging pabigat sa pamilya. Hindi makatapos sa pag-aaral o mapawalang saysay ang edukasyong kanyang pinaghirapan. Ang mawalan ng pangarap sa buhay. Ang mahusgaan ng ibang tao. Ang mag-isa o maging malungkot. Nagkakaroon tayo ng takot kasi binuo natin ang mundong ito sa paraang gusto natin. Gusto kasi natin na maging perpekto. Minsan pinangarap na bukas makalawa may pangarap na agad tayo o kaya matinong trabaho. Gusto kasi natin mahalin tayo ng taong mahal natin. Gusto natin tayo ang basehan ng tama at mali. Gusto natin na hindi magkamali. Simula't sapul,pinangarap natin ang magkaroon ng magandang buhay yung kaya nating maging mataas,yung taas noo tayong titingalain ng lahat. Gusto natin tayo lang ang bida. Ang totoong takot sa tao ay nagsisimula lamang kapag naramdaman niya na walang saysay yung pinagpaguran niya. Para kanino ba siya nabubuhay? Para kanino ba yung mga kalyo, pawis, gutom na kanyang tinitiis buong araw? Bakit ba siya lumalaban? Doon lang nagiging nakakatakot kapag natutunan mong bilangin ang kalendaryo. Kapag binilang mo ang mga nagawa mong maganda. At kung paano mo hahagilapin kung saan ka nagsimula.
Simple lang naman daw ang buhay. Gigising ka sa umaga. Hihigop ng mainit na kape. Mamamaalam kay Inay at Itay. Tapos makikibaka ka na sa totoong buhay. Uuwi ka ng bahay. Pagod. Kakain ng hapunan. Tapos matutulog. Paulit-ulit na siklo ng pamumuhay. Minsan nakakasawa na yung simple lang. Yung matabang na timpla ng kape. Gusto mo yung branded o kaya wagas sa asukal. Nakakasawa yung Inay at Itay. Bakit di mo gawing Mommy at Daddy? Nakakasawa yung ikaw yung uutusan. Bakit hindi ikaw yung umutos ng lahat? Nakakasawa yung uuwi na agad ng bahay. Mas masaya kung may dala kang pasalubong man lang. Mas lalong nakakasawa ang maging pagod. Minsan hiniling mo na sa simpleng pag-idlip mo may magbabago o kaya naman kinabukasan, pinaglalamayan ka na para matapos na ang lahat. Dun din naman nauuwi yung lahat. Syempre, guni-guni mo lang yun. Maririnig mo ang talak ng inyong boss at babalik ang iyong isip sa katinuan. Pakiramdam mo na naman lahat ng bagay pasan mo na. Parang ang dami mong dapat tapusin pero kapos sa oras. Ganun naman talaga palagi. Mas bumabagal ang oras sa mga panahong hindi ka masaya at mas bumibilis naman kapag nakaramdam ka na ng ginhawa. Minsan sinasabi natin na boring ang mga pagkakataon. Hindi kailanman naging boring ang buhay. Tayo ang boring kasi hindi natin masabayan ang trip ng buhay. Tayo ang talo, tayo ang dehado. Tayo kasi yung naghihintay, minsan sa meron madalas sa wala.
Mahirap, nakakabagot, mabaho, madaya, karumal-dumal, paulit-ulit. Ganito mo siguro mailalarawan ang mundo noong bata ka pa at hanggang sa magkapamilya. Siguro ganoon talaga ang buhay. Mas madaling ilarawan ang bagay sa mga pangit nitong katangian. Mas madali kasing makakita ng mali. Mas madali kasing pumuna at maging malinis sa sarili. Makikita lang naman natin ang sigla ng buhay kapag binigyan tayo ng ilang palugit. Kapag bilang natin ang ating paghinga. Kapag umayon tayo sa alon ng buhay. Doon natin gustong gawin ang mga bagay na makabuluhan. Doon lang natin naiisipang mahalin ang isang bagay. Doon lang natin natututunang magpatawad. Siguro dahil hindi natin alam ang ating itatagal. Kung bukas makalawa ba ay makakahigop ka pa ng kape o kaya naman may rason ka pa para humimbing. Maikli lang naman talaga ang buhay ng tao. Nagsisimula lang naman ito sa araw na pinanganak siya at magtatapos sa araw ng kanyang burol. Hindi na mahalaga ang kung ano man ang kanyang pagdaanan. Masaya ba siya o may napasaya ba siyang tao. Hindi mahalaga kung may nabago ba siya sa mundong ito. Kasi lahat ng nasa gitna ng kapanganakan at kamatayan ay isang bahaghari lamang. Maaaring mapusyaw, makulimlim, makulay, malabo at naghahanap ng kaliwanagan.
Hindi kailanman natin matatalo ang buhay o ang mundong ito. Hindi natin alam ang nakatakda para sa atin. Maswerte na nga yung mga may taning ang buhay. Alam nila kung kailan sila tatawa at kung kailan magiging malungkot. Kaya pa nilang maghanda. Pwede pa ngang tumagal ng ilang araw. Malas yung mga naaksidente sa kalsada. Malas yung mga nadawit sa away yung mga nasaksak, nabaril, namassacre. Mas lalo naman yung mga pinatay sa loob pa lang ng sinapupunan. Kaya huwag na huwag mong sasabihing boring ang buhay o kaya "unfair". Hindi kailanman magiging boring kapag may takot kang pinangangambahan. Huwag mo rin isiping dapat patas ang lahat ng tao. Wala naman talagang patas kasi iba-iba tayo ng pinapangarap at iba ang ating pinagdadaanan. Walang saysay ang buhay kung iisipin mo kung bakit miserable ang buhay mo. Walang saysay ang buhay kung lagi mong pinag-aaralan ang buhay ng iba dahil hindi mo na nakilala ang iyong sarili. Nawawala ka na sa anggulo ng katotohanan. Minsan ka lang mabubuhay kaya panindigan mo ang kung ano ang mayroon ka. Sayang yung pagkakataon na mabuhay. Sayang yung espasyo na kaya mo pang sakupin. Mayroon ka pang mababago pwedeng sa sarili mo o kaya sa iba. Kaya mo pang mangarap at maging matagumpay. Kaya mo pang magmahal ng taong ibig mong makasama habang buhay. Ngayon mo isipin kung ano ang kayang gawin ng iyong buhay. Nasa saiyo yun kung magiging makabuluhan ang iyong buhay. Huwag mong hayaan na basta ka na lang mamamatay na walang naiiwang maganda. Hindi lang sa bawat tagumpay o pagkatalo nagtatapos ang lahat. Mararamdaman mong nagsisimula ka na kapag nakaramdam ka na ng takot. Tandaan na ang simula ang pinakanakakatakot sa lahat.
Kumain ng ice cream, cake, leche flan, crispy pata at chicharon? Magworld tour kasama ang kaibigan? Magpa-pedicure, magpa-massage, mag-movie marathon? Siguro mga mayayamang tao lang ang kayang gawin yan sa loob ng 3 buwan. Hindi mo naman kailangang gawin ang mga bagay na iyan para masabing sulit ang natitira mong buhay kasi wala niyan sa langit kung sa langit ka man mapupunta. Hindi ganun ang tamang pagwaldas sa mga natitirang araw natin sa buhay. Siguro ako kung may nalalabi na lang akong araw sa mundong ito, gagawin ko ang mga bagay na kinakatakutan ko. Takot akong mapansin ng iba kaya sa araw na yun ako dapat ang diva. Susuutin ko ang lahat ng gusto ko at magsasawa sila sa pagmumukha ko. Sasabihin ko na "Sh*t! I am damn beautiful!". Hindi ako matatakot na husgahan ng tao dahil simula't sapul, nahusgahan na ako ng mundong ito. Bakit ang itim ko raw nung pinanganak ako at bakit ako nabuhay sa kabila ng sapilitang pagpapalaglag sa akin ng aking mga magulang? Takot akong magpatawad. Hihingi ako ng kapatawaran sa lahat ng taong nasaktan ko, ako man ang may sala o sila. Lalo na yung stepfather ko na mahigit siyam na taon na kaming hindi nagkikibuan. Magiging matapang ako sa huling araw ng aking buhay. Kung hindi ka magiging matapang, unang mamamatay yung nasa kaloob-looban mo. Sa ngayon, hindi pa ako handang mamatay kasi wala pa ako sa puntong nakakatakot. Wala pa ako sa kalingkingan ng buhay. Lumalaban pa ako para sa pangarap ko. May dapat pa akong patunayan.
AN: Reflection paper for 100 (Award-winning short film starring Mylene Dizon and Eugene Domingo)

BINABASA MO ANG
Katiting Kathang-Isip
PoetryNabuo tayo sa mga pinagdugtong-dugtong na mga katha, ng mga isip, ng mga malilikot na guni-guni. Nagkaroon tayo ng kapirasong mundo gamit ang mga pangarap, ang kakayahang magmahal, ang masaktan, ang mangulila. Sa likod nating puno ng kwento. Sa gitn...