Ang Recipe ni Mercy
ni Mark Daniel G. Abaricio
Tagpuan: Sa isang hapag-kainan (One-act play)
Tauhan: Pamilya Maralit
Mercy- ang ina at pangunahing tauhan sa kwento
George- ang asawa ni Mercy na pinatay at nasangkot sa droga
Kristoffer o “Tope”- ang panganay na anak nina Mercy na kaniyang naging kanang kamay
Kristine o “Tin-tin”- ang pangalawang anak nina Mercy na huminto sa pag-aaral upang magtrabaho
Isabelle o “Isay”- ang pangatlong anak nina Mercy na nag-aaral sa kolehiyo
Mildred- ang pang-apat na anak nina Mercy na huminto sa pag-aaral sa kadahilanang nabuntis ng nobyo
Antoinette o “Tonet”- ang bunsong anak ng pamilya Maralit na mayroong kapansananNakakatakam ang amoy ng nilulutong ulam ni Mercy sa kusina. At para sa gabing iyon, may inihanda siyang bagong recipe na ipapatikim sa kaniyang buong pamilya. Lingid sa kaalaman ng lahat, iyon ang unang hapunan na hindi nila makakasama ang amang si George na di-umano’y sumama sa kalaguyo nitong menor de edad na kaniyang nakilala sa isang pabrika. Ngunit ang buong katotohanan, pinatay ang kanilang ama ng mga hinihinalang tauhan ng munisipyo hinggil sa pagtanggi nito sa alok na magpuslit ng droga. Habang abala si Mercy sa paghahanda sa kusina, ang kanyang mga anak naman ay nasa lamesa na naghihintay sa kaniyang niluluto.
Ang panganay na anak na si Tope naman ay tumutulong sa pag-aayos ng hapag-kainan kahalili nito ang kanyang pangalawang kapatid na si Tin-tin na inaayos ang mga kubyertos, plato at baso sa lamesa. Abala rin ang pangatlong anak na si Isay sa kaniyang cellphone at kausap ang kaniyang kaklase sa kabilang linya. Ang pang-apat na kapatid naman na si Mildred ay nililibang ang bunsong kapatid na si Tonet na ayaw tumahan sa pag-iyak. May cerebral palsy ang bunsong anak na si Tonet at wala siyang ibang bukambibig kundi ang pangalan ng kaniyang ama simula noong umalis ito ng kanilang bahay noong nakaraang araw.
Nang matapos sa kaniyang niluluto, agad na nagtungo sa lamesa si Mercy dala-dala ang kaniyang bagong recipe na nasa mangkok na kulay pula. Malapot ang sabaw ng kaniyang recipe na nilahukan ng kamatis, kangkong, miswa, repolyo at sigarilyas. Pasado alas-otso na ng gabi nang matapos siya sa kusina at doon pa lamang magsisimula ang hapunan ng buong pamilya.
Ang lahat ay nakaupo na sa kanilang mga upuan. Si Mercy at ang kanyang panganay na anak na si Tope ay nasa magkabilang dulo ng lamesa. Magkatabi naman sa kanan ang pangalawang anak na si Tin-tin at ang pangatlong anak na si Isay. At nasa kanan naman ang pang-apat na anak na si Mildred at ang bunsong anak na si Tonet. Bago magsimulang kumain, pinangunahan ni Tope ng isang panalangin ang buong hapag-kainan. Pagkatapos ng pagpapasalamat sa panginoong Diyos, napansin ng lahat ang paghikbi ng kanilang ina habang pinagmamasdan ang platong dapat ay sa asawang si George. Naglagay ng plato at baso si Mercy katabi ng kaniya sa pag-aasam nitong babalik pa ang asawa.
Tope: Iniwan na nga niya tayo diba? Mas pinili niya pa ‘yung kabet niyang menor de dad kesa sa’tin. (Tumayo sa kaniyang upuan habang inaabot ang kanin sa gitna ng lamesa)
Mercy: Hindi ko na alam ang gagawin ko mga anak eh. Hindi ko alam kung paano natin mapagkakasya ang kakakurampot na kita ng karenderya sa pang-araw-araw nating gastusin.
Tin-tin: Hayaan mo Ma, dodoblehin ko ang pagkayod. Bukas maghahanap ako ng raket. Ahmm… ‘yung kaklase ko nga pala naghahanap ng taga-bantay ng laundry shop nila baka pwede ako ‘dun.
Mercy: Hindi ka dapat nagtatrabaho eh. Nag-aaral ka dapat. Hindi naman ‘to mangyayari kung hindi nagkandaleche-leche ‘yung pamilya natin eh. Paano na ‘yung pangarap ko para sa’yo? Na maging nurse ka?
Tin-tin: Ma naman eh. Mas uunahin ko pa ba ‘yung pagna-nurse na ‘yan kesa sa kakainin natin araw-araw? Tsaka, mahirap. Hindi ko rin kaya ‘yung mga tinuturo sa kolehiyo. Gastos lang din.
BINABASA MO ANG
Katiting Kathang-Isip
PoetryNabuo tayo sa mga pinagdugtong-dugtong na mga katha, ng mga isip, ng mga malilikot na guni-guni. Nagkaroon tayo ng kapirasong mundo gamit ang mga pangarap, ang kakayahang magmahal, ang masaktan, ang mangulila. Sa likod nating puno ng kwento. Sa gitn...