MEMORY 1
[Nicole]
BIYERNES NG GABI. Namimili ng damit na isusuot ang ateng si Andrea nang pumasok si Nicole sa kuwarto nito.
"Matagal pa ba 'yan, Ate?" nakangiting tanong niya nang makalapit siya rito.
Nilingon siya nito at ginantihan ng pag-ngiti, "Eh, nahihirapan kasi akong pumili ng isusuot ko. Siyempre kahit birthday party lang ang pupuntahan natin, dapat presentable pa rin akong tingnan. Tignan mo, ikaw, nakasuot ka ng cocktail dress."
Nicole chuckled. "Ano ka ba Ate, kahit ano namang isuot mo babagay sa 'yo."
Ang totoo, sa likod ng pagtawang iyon ay isang nahihirapang kapatid. At kahit gustong-gusto na niyang umiyak sa harapan ng nakatatandaang kapatid, hindi niya iyon magawa. Dahil ayaw niyang magtanong ito ng dahilan. Dahil baka madulas ang dila niya. Dahil baka hindi nito matanggap ang katotohanan.
"Nicole, ayos ka lang ba? Nakatulala ka na riyan."
"H-ha?" natatauhang tugon niya. Bahagya niyang ipinilig ang ulo at binalingan ang kapatid. Dahilan, kailangan niya ng dahilan. "A-ah, n-naisip ko lang kasi, lumalaki na si Chris 'noh?" tugon niyang tinutukoy ang pinsang may birthday. "Malaki na siya para karga-kargahin." Lihim siyang nakahinga nang maluwang dahil agad siyang nakaapuhap ng sagot.
"Oo nga 'noh," sang-ayon nitong ibinalik ang tuon sa paghahanap ng damit na isusuot. "Pero sigurado ako, lalaking gwapo ang batang 'yon."
"I-ito, Ate, bagay sa 'yo 'to," iniba niya ang usapan sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng isang damit. Isa iyong black cocktail dress na may di-kalakihang ribbon sa center back. "Catchy ang black color kahit sa gabi, saka isa pa, maputi ka naman kaya okay lang kahit magsuot ka ng dark color." Kinuha niya ang naka-hanger na damit mula sa cabinet at iniabot iyon kay Andrea.
"Sure?" tanong nito nang maabot ang dress. Pagdaka'y itinapat nito sa katawan ang damit na parang tinatantiya kung babagay ba rito ang isusuot.
Ngumiti siya rito at tumango nang dalawang beses bilang sagot.
“O-kay. Sandali lang, magpapalit muna ako." Pagkawika'y tumungo na ito sa banyo upang magbihis. Saka pa lamang siya nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
"Sila Mama nga pala, bihis na ba?!" Mayamaya'y narinig niya ang pagtatanong nito mula sa banyo.
Napapikit siya ng mata, muling huminga nang malalim at nang imulat ang mata'y nilingon ang banyo na para bang kaharap lang ang ate. "N-nauna na sila, Ate! Ikaw kasi ang tagal mo raw kasing magbihis." She tried hard to sound like joking. She just hoped she did.
"Ang daya naman! Sila Mama talaga.”
"O-oo nga," pinilit niyang hindi magtubig ang mga mata niya pero...hindi pa rin ito nagpapigil. Agad niya iyong pinahid gamit ang likod ng palad sa takot na baka abutan siya ni Andrea sa ganoong ayos. Kailangan niyang maging masaya sa harap nito.
"Ah, A-Ate, hintayin na lang kita sa baba," aniya nang makahuma.
"Sige sige!"
BINABASA MO ANG
Sixty-Minute Memories of First Love
RomanceIt only takes sixty minutes to make a memory worth-remembering.