Cure #3: Sa Indayog ng Apoy

570 20 11
                                    

Sa Indayog ng Apoy

ELEMENTS:
Running in the middle of the woods & "Kahit nga ang buhay sa mundo, matapos 'di umano ang katapusan ng mundo, magsisimula muli ang tao sa bagong paraiso. Wala pa ring closure."

~

ANG lamig ng hangin ng Disyembre ay nanonoot sa iyong nanunuyong balat. Sa tingin mo'y hindi mo na kinakailangan pang ipagdiriwang ang Pasko, dahil ni minsa'y hindi mo naman naranasan ang pagmamahal Niya para sa iyo. Kahit nga ang buhay sa mundo, matapos 'di umano ang katapusan ng mundo, magsisimula muli ang tao sa bagong paraiso. Wala pa ring closure. Dahil magmula noon hanggang ngayo'y pinabayaan ka ng Maykapal. Ganoon siguro kung sa tingin mo'y matagal ka nang itinakwil ng langit.

Lutang ang iyong kaisipan nang ika'y tumigil sa iyong matulin na paglalakad. Napabuga ka ng malakas na hangin, samantalang awtomatiko kang napayapos sa iyong sariling braso. Nanginginig nang bahagya ang iyong mga daliri sa kamay. Napalunok ka ng laway habang tinitingnan nang malapitan ang lugar na minsan mo nang naging bangungot.

Umaalingawngaw ang katahimikan sa buong kapaligiran. Ang kaluskos ng mga tuyong dahon, na nagkakalat sa semento ay ang tangi mong nadidinig. Hindi mo maiwasang huwag tumingala sa abandonadong apartment na may apat na palapag. Namumuo ang takot sa iyong mga mata, lalong-lalo na't kusang pinagmamasdan ng mga ito ang bintana ng dati mong inuupahang kuwarto, limang taon na ang nakalilipas.

Yumayakap sa lumang gate ang mga halamang-ligaw. Kapansin-pansin din ang maliit na siwang nito, na mas nagbibigay sa iyo ng hinuhang hindi na ito pinaayos pagkatapos ng trahedyang iyon.

Dahan-dahan kang naglalakad papasok, na inakala mo noo'y huli na sana.

Kapit sa patalim ang lagay ng buhay mo..

Mahigpit mong hinahawakan ang maliit na supot sa iyong kaliwang kamay. Hindi ka na puwedeng umatras pa sa nasabing usapan. Dito na ang napili ninyong tagpuan. Kaya nama'y nagpatuloy ka sa paglalakad.

Nang makarating ka sa kadiliman ng pasilyo'y hindi mo na maipagkakaila ang iyong pagkabalisa. Palinga-linga ka na at kusang naglalaro ang iyong mga mata sa karimlan. Sa sobrang dilim ay kinakailangan mo nang gumamit ng flashlight.

Pakiramdam mo'y may sumusunod sa iyo ng tingin. Pakiramdam mo'y may naririnig kang mga yabag sa sahig. Ngunit, hindi mo lang mawari kung saan banda o sino 'yon...o mayro'n nga ba?

Mula sa pasilyo'y huminto ka sa gilid ng madilim na hagdanan. Sa ikalawang palapag ang naging usapan ninyo. Pinipigilan mong huwag kainin ng takot ang iyong sarili.

Dalawang oras magmula ngayo'y susulpot naman ang kabilang grupo na bibili ng drogang bitbit mo. Ito na ang iyong nakagisnang hanapbuhay pagkatapos mong maging isang kalapating mababa ang lipad. Isang uri ng hanapbuhay na kahit kailan ay hindi na puwede pang takasan.

Sa kahuli-hulihang baitang ng hagdanan ay biglang tumunog ang iyong cellphone. Kaagad mo iyong kinuha sa iyong bulsa.

"Boss, napatawag ka," wika mo.

Habang napunta ang konsentrasyon mo sa inyong usapan ay may kung anong anino ang nahagip sa liwanag ng iyong flashlight. Sa sobra mong pagkabigla ay taranta mong inilawan ang lahat ng anggulo ng buong lugar. Sa lubhang pagkagulat mo'y hindi ka na halos makahinga. Nakakaramdam ka ng pagtayo ng mga balahibo mo sa batok. Namumuo na rin ang mga butil ng pawis sa iyong malapad na noo.

"Nakikinig ka ba, Lean?!" sigaw ng boss mo sa kabilang linya.

"H-Ho?" garalgal mong sagot. "Ano 'yon, Boss?"

HAVOC OUTBREAK: The Final RoundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon