Delusion
ELEMENTS:
A party in a sorority house & Mannequin~
"Welcome to the club!" masiglang wika ni Alma, pinsan ko, pagkababa namin mula sa sasakyan. Hindi ko pinansin ang sinabi niya, nakatingin lamang ako sa lumang bahay na aming pinuntahan. Wala man lang akong ilaw na naaaninag mula sa loob nito. Tanging ang kumukurap-kurap na bumbilya sa isang lumang poste lamang ang nagsisilbing liwanag sa buong kapaligiran.
Nagpalinga-linga ako, tago ang lugar at puro matataas na puno ang makikita sa paligid. Sa unang tingin, aakalaing pinamamahayan na ito ng mga kakaibang nilalang, mula sa makahoy na paligid hanggang sasira-sirang estraktura ng abandonadong bahay. Sa laki nito, nagawa pa ring palibutan ng mga gagamba ang labas nito ng mga sapot, tila iyon nagsasabing gano'n na nga katagal na pinabayaan ang bahay na ito.
"Dito gaganapin ang sinasabi mong party ng sorority n'yo? May tao ba riyan?" namamangha kong tanong sa kasama ko. Hindi ako makapaniwala dahil isang ngisi at pagkindat lang ang ibinigay niya, para bang wala lang sa kanyang nakatayo kami sa harap ng nakakatakot na bahay na ito.
"Hindi lang kasi basta sorority ang sinalihan ko, at sasalihan mo." Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. "Promise, cousin! Hindi ka magsisisi na sumama ka sa akin dito. Sisiguraduhin kong mag-e-enjoy ka't makakalimutan mo ang iyong mga problema!" wika pa niya habang iwinawasiwas ang mga kamay sa hangin.
"A, sabi mo, e." Tatango-tango kong saad. Hinayaan ko na siya sa gusto niya at isinantabi ang likod ng isip ko, magtitiwala na lang ako sa kaniya, gaya ng palagi kong ginagawa. "Tara na kaya?" pag-aaya ko dahil ilang minuto na rin kaming nakatayo rito sa labas. Alas siete na ng gabi, kaya naman ramdam ko na ang lamig ng ihip ng hingin na nagawa pang bumulong sa akin.
"Saglit." Pagpigil sa akin ni Alma nang akmang lalakad na ako. Binigyan niya ako ng isang itim na balabal, at puting maskara. Kinunutan ko siya ng noo.
"Ano 'to? Ano'ng gagawin ko rito?" pagtatanong ko. Nginitian niya ako.
"Suotin mo 'yan.Kailangang nakagan'yan tayo para sa gagawing ritwal," aniya habang isinusuot ang sarili niyang balabal at maskara.
"Ano'ng ritwal?" pang-uusisa ko, pero tulad kanina, ngisi at kindat lamang ang isinagot niya sa akin. Kibit-balikat ko na lang na isinuot ang balabal at maskarang ibinigay niya.
"Tara," usal niya sabay hila sa akin.
Hindi ko alam kung bakit, pero bumalik ang kaninang takot ko, at ngayon, mas kinikilabutan pa ako. Pakiramdam ko, may nakatingin sa amin ni Alma. Para bang, may aninong nakasunod sa amin.
"Oh, shit!" bulalas ni Alma nang makarating na kami sa harap ng pintuan nitong bahay.
"Bakit?" Nilingon niya ako; hindi ko man kita ang mukha niya, alam kong nakangiwi siya.
"Nakalimutan ko ang phone ko sa kotse, saglit lang," aniya sabay talilis. Iniwanan niya ako nang wala man lang pasabi.
Bigla na namang umihip ang malamig na hangin; napahimas ako sa mga braso ko kahit nakasuot ako ng balabal.. Lumingon-lingon ako sa madilim na kapaligiran, hinihintay na bumalik na ang pinsan ko pero may kung ano'ng kilabot ang bumalot sa aking katawan.
"Nikki..." Napalingon ako sa aking likuran nang marinig kong may tumawag sa akin. Dahil sa sinag ng kukurap-kurap na ilaw sa poste, naaninag kong nakabukas na ang pintuan ng bahay. Lalo akong kinilabutan.
"Nikki..." Muli akong napalingon sa aking likuran dahil mayroon na namang tumawag sa aking pangalan. Nanlaki ang mga mata ko, at halos mapaupo ako sa gulat nang makita ko ang isang pigura ng taong nakabalabal at nakamaskara. Hindi man gano'n kaliwanag, alam kong nakatitig siya sa akin.
BINABASA MO ANG
HAVOC OUTBREAK: The Final Round
De TodoLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Havoc Outbreak: The Final Round