8

184 85 40
                                    

Story Title: 11:11

Eliya's POV

Sa aming mundo ay numero ang iniikotan ko, at ang pinakamabisang oras ay ang 11:11 dahil marami raw na humihiling dito na nagkakatotoo. Ngunit ito nga ba ay totoo?

Kahit hindi ako sigurado ay sinubukan ko, alam niyo ba kung ano ang hiniling ko? Na sana mapansin ako ng taong mahal ko, ang pangalan niya ay si Lieven.

Matagal ko nang hinihiling sa oras na 11:11 na mapansin niya ako ngunit kahit minsan ay hindi 'yon natupad. Kaya sumuko ako dahil alam kong malabong mangyari 'yon dahil hindi niya 'ko gusto.

Hanggang sa sinubukan ko sa huling pagkakataon. At kasabay non ay ipinangako ko sa sarili ko na, kapag hindi pa natupad ang hiling ko ay titigil na ako sa paghiling na sana mapansin ako ng taong mahal ko.

At naglaan ako ng panahon para sa paghihintay ng pagkakataon. Isang araw ay may kumatok sa aking pinto, siya si Laven ang kuya ni Lieven at binigyan ako nito ng imbitasyon para sa aming kasal. Kami ay nakatakdang ikasal na labag sa aming kalooban, nabigla ako rito at lubos na nalungkot. Pagkatapos ako ay umiyak ng buong gabi, kami ba ni Lieven ay hindi na magkakatuluyan? Muli akong humiling sa oras na 11:11, na sana mawakasan na ang sakit na aking nadarama.

Silang lahat ay nakatingin sa akin habang ako'y naglalakad sa pasilyo ng kaharian. Umiiyak habang naglalakad, labis akong nalulumbay na hindi siya ang makakasama ko sa altar.


Muli ko itong nasilayan sa harap ng altar, marahil ay parang masaya ito para sa'kin. Wala ba talaga siyang nararamdaman? Bakit wala man lang panghihinayang sa mukha nito na makita akong ikakasal na sa iba? Inilahad ng akin ama ang aking kamay at binigay ito kay....

Lieven? Paanong si Lieven eh si Laven ang ikakasal sa'kin?

"Ingatan mo ang aking anak Lieven, mahal na mahal ka niya." Sambit ng aking ama, ngumiti si Lieven dito at tumango. Marahil nahalata ng aking ama ang aking pagtataka kaya tinignan ako nito. "Eliya alam kong hindi ka masaya na kay Laven ka ikakasal si Lieven na ang bahala na magpaliwanag sa iyo anak. Kailanma'y hindi matitiis ng magulang ang isang anak, dahil ang hangad lang namin ay ang kasiyahan niyo." Napaluha naman ako sa sinabi ng aking ama at napayakap ako dito.

Natapos ang seremonya ng kasal at ako'y naguguluhan pa rin. Kaya 'di ko mapigilang tumingin kay Lieven na kanina pa hawak ang aking kamay.

"May gusto bang itanong ang aking asawa?" Tanong nito na ikinapula ng mukha ko, tumango ako dito. Siya naman ay tumayo at marahan akong inalalayang tumayo, ayaw na niyang bitawan ang kamay ko.

"Ama at ina, kakausapin ko lang ang aking asawa marahil siya ay naguguluhan, ako na ang bahalang ipaliwanag sa kan'ya ang lahat." Tumango naman ang aming mga magulang, nakatingin din ang lahat sa amin bago kami umalis.

Nasa hardin kami ng kaharian nina Lieven, napakaganda talaga dito, madalas akong gumala dito lalo na kapag gusto ko siyang masilayan.

"No'ng araw na nakita kita dito sa pasilyo ng aming kaharian ay nagustuhan na kita." Panimula nito na nakapagpangiti na naman sa'kin. Gano'n din kasi ang naramdaman ko no'ng una ko siyang masilayan. "Sabi ng aking ama ikaw daw ang nakatakda para sa'kin dahil 'pag ang pangalan natin ay pinaghalo ay magiging Eleven. Alam mo ang pinatupad na batas ng aking ama rito 'diba? Hindi pwedeng ikasal kapag walang mabubuong numero." Saad nito, "Nagkamali ang kuya ko sa pagbigay ng imbitasyon akala niya ikaw si Elena na ate mo." Sayang lang pala ang luhang iniyak ko kagabi? "Naniniwala ka ba sa 11:11? Ako kasi oo, lagi kong hinihiling na sana ikaw ang mapangasawa ko, at ngayon natupad na." Tumingin ito sa'kin na nakatulala lang sa kan'ya. "Eh ikaw ano ang hinihiling mo?"

"Na mapansin mo ako," agad na sagot ko rito at napaiwas ng tingin.

"Matagal na kitang napapansin." Sagot nito kaya napatingin ako sa kan'ya na nakatingin lang din pala sa'kin. "Kahit masilayan lang kita araw-araw dito sa hardin ay kuntento na ako. Hinihintay ko na lang araw na ikakasal tayong dalawa, para maging ganap na akin ka."

Kinilig ako sa sinabi nito at napangiti na naman, dahil gaya ng sinabi niya ay madalas ako dito sa hardin noon para masilayan siya.

"Labis ang kasiyahan ko sa araw na 'to Eliya dahil masasabi ko na rin sa'yo ang mga katagang...mahal kita." Nangungusap ang mga mata nito.

Hinawakan ko naman ang kanyang mga pisngi.

"Lieven, matagal ko ding hiniling ang pagkakataong ito, mahal din kita." sabi ko, inilapit naman niya ang kan'yang mukha sa'kin at hinalikan ako sa aking labi, pagkatapos no'n ay ipinagdikit niya ang aming mga noo at ngumiti kami sa isa't-isa.

Dahil sa'min ni Lieven, nabuo ang numerong Eleven sa aming mundo. Kalaunan ay nagpakasal ang aking ate Elena at Kuya Laven ni Lieven at nakabuo din ng numerong Eleven. Simula noon ay naging mabisa lalo ang 11:11 'di dahil sa pangalang pinaghalo kundi sa pagmamahal namin sa isa't-isa.

The End

Storm's Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon