Chapter Two

64.3K 992 18
                                    

The Intended Wife - Chapter Two

Maaga ako nagising para ipaghanda ng makakain ang asawa ko. Mahimbing pa ang tulog niya kaya naman nag ayos at nag linis na ako ng bahay.

Patapos na ako nang bumaba siya. Nagsusuot siya ng t-shirt habang pababa sa hagdan, "Good morning, Van. May nakahanda ng pagkain sa lamesa."

"Anong good sa morning kung mukha mo 'yong bumubungad sa akin?" nakasimangot niyang sabi at dumiretso na sa lamesa.

Itinabi ko muna 'yong walis at sumunod sa kanya. Umupo ako sa tapat at inabutan siya ng kanin.

"Ako na!" tinapik niya ang kamay ko. Hinayaan ko na lang na siya ang kumuha ng pagkain niya. Naglagay na ako ng sa akin upang masabayan siya. Pansin kong binibilisan niya matapos kaya naman hinawakan ko ang kamay niya.

"Dahan dahan naman," ani ko.

"'Wag mo 'ko hawakan. Ano bang pake mo?"

"Gusto mo pa ba? Ito oh, kumain ka pa," sabi ko at nilagyan pa ng kanin at ulam 'yong plato niya. Gulat akong napatingin nang bigla siyang tumayo at itapon sa akin 'yong pagkain.

"Kaya ko binilisan maubos 'yong pagkain dahil gusto ko na umakyat sa taas. Ayoko makasabay ka. Hindi mo ba naiintindihan 'yon?" sigaw niya sa akin.

"S-sorry. Sige, umakyat ka na. Ako na bahala mag linis dito," umiwas ako ng tingin at tumayo na. Ayoko ipakitang malapit na akong maiyak sa harapan niya.

Tumalikod na siya at umakyat sa taas. Niligpit ko 'yong pinagkainan namin at pinulot ang natapon. Pinunasan ko na rin 'yong lamesa.

Ganito na lang ba araw-araw?

"Cha! Tama na muna 'yan. Kumain na tayo," aya ni Van.

Hindi ko naman siya napansin dahil masyado akong nakatutok sa ginagawa ko. Kailangan ko kasi ipasa mamaya. Performance task 'to kaya hindi pwedeng hindi magpasa.

"Chastine Dela Rosa! May tatlong oras ka pa bago mag dismissal. Kumain na muna tayo," sabi ni Van at kinuha 'yong papel ko.

"Baka magahol ako. Hindi ko pa tapos sagutan 'yong mga tanong at saka may drawing pa na kailangan," sagot ko sa kanya.

"Ako bahala sa 'yo. Tutulungan kita. Sabayan mo na ako kumain. Mas masarap kapag magkasabay tayo."

Pero ngayon na gusto ko siyang kasabay, ayaw naman niya.

Naghuhugas ako ng plato nang bumaba siya. Nakabihis na siya at dala na ang susi ng kotse niya. Isinara ko muna ang gripo at nag punas ng kamay, pagkatapos ay lumapit ako sa kanya.

"Aalis ka na? Wala ka na bang nakalimutan sa mga gamit mo?" tanong ko.

"Wala. Dala ko na lahat," aniya at inayos ang kanyang kurbata.

Nauna ako lumabas para buksan 'yong gate. Sumunod naman siya at inilagay sa loob ng kotse ang mga gamit niya.

"Anong oras ka uuwi mamaya?"

"Hindi ko alam," sagot niya at pumasok na sa loob ng kotse. Tumabi ako upang makalabas siya.

Tumigil siya sandali at ibinaba ang bintana, "Baka pumunta si Mama rito mamaya, mag ayos ka. Alam mo na ang bilin ko."

Tumango naman ako at ngumiti, "Oo. Alam ko naman ang gagawin ko. Ingat ka, ha. I love you."

Hindi niya ako sinagot at isinara na ang bintana. Pinaandar na niya ang kotse at pinagmasdan ko lang ang pag alis niya.

I love you, Van. Mahal na mahal kita.

INIHAIN ko na sa lamesa 'yong niluto ko dahil ala siete na ng gabi at baka umuwi na si Van. Hindi naman natuloy ang pagdalaw ng Mama niya kaya si Samantha ang pumunta rito kanina. Dinala lang naman niya 'yong damit na susuotin ko sa anniversary ng magulang ko. Kailangan ko rin pala sabihin kay Van na sa linggo na 'yon at kailangan namin pumunta.

Umupo muna ako sa sofa at binuksan 'ang tv. Napatingin ako sa orasan, 7:43 pm. Baka naman na traffic lang siya.

Pumili na lang ako ng pelikula na maaaring panuorin. Lumipas ang dalawang oras at natapos ko na ngunit wala pa rin si Van. Lumamig na rin 'yong ulam. Saan na naman kaya nag punta 'yon?

Tumayo na ako at nagtungo sa kusina. Kumuha ako ng plato at naglagay ng kanin at ulam. Nauna na ako kumain dahil sa gutom. Anong oras na nga naman. Hindi ko na siya mahihintay.

Pagkatapos ko kumain ay inilagay ko na sa ref 'yong natirang ulam. Hinugasan ko na rin ang pinagkainan ko. Pagkatapos ay umakyat na ako sa kwarto namin para maligo at mag palit ng pantulog.

Kinuha ko sa cabinet ko 'yong notebook at umupo sa kama. Ito 'yong diary ko noong high school pa 'ko. Dito ko isinusulat 'yong mga masasayang pangyayari sa buhay ko.

March 10, XXXX

Nanuod kami ng sine ni Van. Ni-libre niya ako tapos kumain pa kami. Ang saya saya ko kasi kasama ko ulit siya. Tapos bumili pa siya ng t-shirt na magkapareho para sa amin. Ang swerte ko kasi may kaibigan akong katulad niya.

September 25, XXXX

Ewan ko ba, ang bilis ng tibok ng puso ko kanina. Noong tinitigan ko siya habang kumakanta. Aaminin kong kinilig ako dahil para sa akin daw iyong kanta niya. Halos lahat ng estudyante sa school, sa akin nakatingin. May mga nagtatanong na nga sa akin kung kami na. Syempre ang sagot ko, hindi. Bestfriends lang naman kasi kami. Ayun nga lang, feeling ko crush ko na siya.

December 24, XXXX

Magkasama kami ngayon ni Van. Nandoon siya at nakatanaw sa langit habang ako, nagsusulat dito. Sa totoo lang, mas lalong lumala 'yong nararamdaman ko para sa kanya. In love na ata ako sa bestfriend ko. Pero ang bata pa namin, magugustuhan niya kaya ako?

Napangiti ako sa mga sulat ko noong high school pa. Ang saya saya pa namin noon. Wala kami ibang pino-problema kundi mga exam, quiz, at project. Palagi kaming nagtutulungan ni Van kapag may mga activity. Nakakamiss din pala 'yong dati.

Binasa ko pa ang mga sulat hanggang sa makarating ako sa sulat ko noong mga nakaraang buwan.

October 21, 2015

Magkasama sana kaming pupunta ni Van sa birthday ng pinsan ko na kaibigan niya rin. Noong sinabi ko 'yon sa kanya ay pumayag siya. Masaya ako dahil sasamahan niya ako. Ngunit no'ng mismong araw na 'yon, hindi niya ako sinipot. Naghintay ako ng limang oras sa park dahil sabi niya, roon niya ako susunduin. Late na ako nakapunta sa birthday party tapos malalaman kong kasama lang pala niya si Yna buong araw.

November 27, 2015

Ito ang unang beses na pinagbuhatan niya ako ng kamay. Hindi ko naman kasi sinasadyang masagot 'yong cellphone niya. Ring kasi nang ring tapos nasa banyo siya. Baka importante kaya naman sinagot ko. Ayun pala, si Yna ang tumatawag. Sinigawan pa niya ako na 'wag ko raw pakialaman ang mga gamit niya dahil wala akong karapatan. Pero bakit noon, ako pa ang nagbabasa ng text messages niya? Bakit ngayon, ni hindi ko na mahawakan ang cellphone niya? At bakit dahil lang do'n, sasaktan na niya ako?

December 24, 2015

Mag isa ako ngayon. Mag isang kumakain. Naalala ko noon, palagi kong kasama si Van. Sabay kaming mag hihintay na mag 12:00 para mag bigayan ng regalo. Pero ngayon, mag isa na lang ako. Hindi ko na siya kasama. Gano'n ba siya kagalit sa akin? 'Yong tipong ayaw na ayaw niya akong nakikita? Sana dumating 'yong araw na magkaayos na kami. Gusto kong bumalik na kami sa dati.

Sinarado ko na 'yong notebook ko at itinago na ulit iyon. Humiga na ako sa kama at pinatay na ang ilaw.

Kailan kaya 'yong araw na maayos na kami? 'Yong mamahalin niya ulit ako kahit bilang kaibigan na lang? 'Yong hindi na niya ako sasaktan?

Sana magkaayos na kami. Sana bumalik na kami sa dati. Sana. Namimiss ko na kasi 'yong dating Van.

The Intended Wife (Completed) [Published on Dreame]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon