Halik ng Panaginip

182 7 0
                                    

Tawagin niyo na lamang ako sa pangalang Mei. 19 na taong gulang. Wala po akong relihiyon pero hiling ko po sana na respetuhin niyo po 'yon, gaya po ng pagrespeto ko sa inyong paniniwala. Magkaiba po ng relihiyon ang mga magulang ko, nagkaroon sila ng pag-aaway noon kung ano ang magiging relihiyon naming magkakapatid. Pero sa huli ay nagpasya sila na hayaan na lang na kami mismo ang pumili kung anuman ang magiging relihiyon namin na gusto naming sundin. Kapag kami ay nasa edad 10 na ay pipili na kami ng relihiyon namin. Anim kaming magkakapatid, ang dalawa ay sinunod ang relihiyon ng aking ama, habang ang tatlo ay pinili ang relihiyon ni mama. Ako lamang po ang walang pinili at nirespeto po nila 'yon kapalit ang kondisyon na wala akong karapatang husgahan ang paniniwala o pananampalataya ng ibang tao.

Naging mahirap ang paglaki ko. Bakit? Nagsimula ang lahat noong 14 na taong gulang ako no'n nang mapanaginipan ko ang aking kaklase na itago nating sa pangalang Jessy. Nakakausap ko paminsan-minsan si Jessy tungkol sa mga bagay-bagay. Noong gabing napanaginipan ko siya ay nag-uusap raw kami tungkol sa balak nilang magbakasyon sa probinsya ng kanyang lola. Pero biglang nag-iba ang panaginip ko, nagbago ng tagpuan. Nakatayo ako sa tabi ng kalsada at kaharap no'n ay isang tindahan, natanaw ko si Jessy na bumibili sa tindahan kaya tinawag ko siya ngunit di niya ako narinig. Pagkatapos niyang bumili ay tumawid siya ng kalsada hindi niya napansin na may Van na kulay puti ang papadaan kaya nabundol si Jessy, pero hindi huminto ang van bagkus ay binilisan pa nito ang takbo. Nagising ako na pawis na pawis. Kinabukasan nawala sa isipan ko ang tungkol sa aking panaginip, hindi ko namalayan na magkausap kami ni Jessy at nasabi niya sa akin na magbabakasyon sila sa kanilang lola. Tuwang-tuwa pa ako no'n dahil sa paglalarawan niya sa probinsya. Kinagabihan no'n pagkatapos kong gawin lahat ang kinakailangang gawin ay humiga ako sa aking kama at doon ko naalala lahat ng napanaginipan ko. Napabangon ako bigla, pinagpawisan na hindi ko matukoy kung ano ba talaga ang nararamdaman ko. Hanggang sa kinabukasan no'n ibinalita ng aming guro na wala na si Jessy, nabundol ito ng isang van noong araw mismo na nagkausap kami.

Marami pa akong ganitong karanasan. Alam kong iisipin ninyong gumagawa lamang ako ng kwento, hindi ko rin kayo masisisi dahil kung ako ang nasa inyong katayuan ay hindi rin naman agad ako maniniwala. Hindi ako nakakakita ng mga kaluluwa, pero ibang tagpo naman ang nakikita ko. Mahirap. Sobrang hirap para sa akin. Lalo na sa katayuan kong walang matakbuhang banal na pangalang sasambitin. Hindi ko ito nasabi sa aking mga magulang o kung kanino man, dahil hindi ko matatanggap na pagtatawanan nila ako o hindi naman ay matawag na baliw. Kailangan kong ilihim ang bagay na ito dahil minsan kapag alam ko kung kailan at papaano mamamatay ang isang tao ay di ko na lamang sinasabi. Dahil natatakot ako. Natatakot ako na baka ako pa ang mapagbintangan na pumatay sa kanila. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Minsan rin, may kapitbahay kaming ginahasa at pinatay. Napanaginipan ko ang tagpong iyon bago naganap ang lahat at alam ko kung sino ang gumawa no'n pero natatakot akong magsalita, natatakot akong magturo. Dahil wala akong ebidensya. Wala akong hawak na ebidensya na makikita ng kanilang mga mata. May panaginip rin na tungkol sa isang lalaki, pinatay siya ng kakilala niya. Nangyari nga iyon at hindi alam ng mga magulang niya kung nasaan ang bangkay niya. Pero ako alam ko. Alam ko kung nasaan dahil nakita ko sa panaginip ko kung saan inilibing ang katawan niya. Kaso, 'wag niyo po sana akong husgahan kung bakit tikom parin ang bibig ko dahil mahirap para sa akin ito. Sa sobrang hirap ay may pagkakataon na ilang gabi ako hindi matutulog para wala akong makitang kamatayan. May isang pagkakataon na may isang tao akong iniligtas sa kamatayan dahil sa panaginip ko, kinagabihan noon ay napanaginipan ko ang mga taong patay na. Galit sila sa akin, kung bakit ko raw hinayaan silang namatay, bakit hindi ko sila iniligtas? Halos mabaliw ako, dahil kahit gising na ako ay naririnig ko ang iyak nila. Simula noon ay wala na akong inililigtas. Iniisip ko na lamang na iyon ang kapalaran nila at ito ang kapalaran ko. Ngayong gabi, ay hindi ko alam kung kaninong kamatayan ang makikita ko sa pagpikit ng aking mga mata. Wala akong magagawa tatlong gabi na akong walang tulog.



Kababalaghan sa likod ng Libro (base sa SPOOKIFY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon