Chapter 1 Part 2

558 14 0
                                    

BUWISIIIT lang talaga! Pabalagbag ang pagbukas ni Steph sa pinto ng kuwarto niya. Pero bago pa niya mapisil ang switch ng ilaw ay may tumambad sa kanya. Umiilaw na mga mata. Kulay pula. May sumalubong din na tunog sa kanya.

Hihihihihiiiii... Tawang bruha.

"Whoa!" Napaatras siya sabay balikwas para magtatakbo sa pasilyo. May hang-over pa yata ang sistema niya sa kilabot na nadama niya kanina kaya hayun siya, natakot ulit.

Hindi siya nakatakbo. Paano ay may humarang sa daraanan niya. Nabangga pa nga niya ito at muntik sila parehong matumba.

"Ano'ng problema mo?" Si Chester. Inaanak ito ng daddy niya at kasalukuyang boarder nila. Last year pa nag-abroad ang mga magulang nito at habang nilalakad ang mga papeles ng lalaki para makasunod sa mga ito, at para maka-graduate na rin ito ng college, ay sa kanila muna ito pinatira.

Malugod itong tinanggap ng daddy ni Steph, palibhasa ay anak ito ng best friend ng ama niya. Idagdag pa na mabait at tahimik naman si Chester. Napakatalino pa.

Okay din lang naman kay Steph na may boarder sila dahil para rin namang wala. Kadalasan ay naglulungga lang naman si Chester sa kuwarto nito, kinukutingting ang kung ano-anong gadgets at devices na ito rin ang gumawa.

Mad scientist. Iyon ang peg ng lalaki. Mahilig ito sa computers at dahil saksakan ng talino, dalawang beses itong na-advance ng year level. Matanda lang ito kay Steph ng dalawang taon pero graduating student na ito sa college.

He has the IQ of a genius. Naalala niya ang binanggit na iyon ng dad niya. Bata pa raw ito ay sumasali na ito sa mga science contests. Noong high school nga ito ay ang grupo nito ang nanalo sa isang robotics contest na ginawa sa South Korea. Tinalo ng mga ito ang ibang kabataan na galing sa Japan, US at iba pang bansang matataas na ang antas ng kaalaman sa teknolohiya. Hindi na magugulat si Steph kung balang araw ay malaman niyang sa NASA nagtatrabaho si Chester, di kaya ay sa Pentagon. Ganoon ito kahusay.

Typical geek nga lang ang itsura nito, complete with nerdy-looking glasses. Iyong attire, ewan kung anong fashion trend ang sinusunod at ang itsura nito, parang ang daling pitikin sa ilong. In short, hindi superhero material. Hayun nga't muntik pa itong tumimbuwang nang mabangga niya.

Hihihihiiii... Naulit ang pagtawa. Napatingin si Chester sa pinagmulan ng tunog.

"Oh, sorry, did it scare you?" Tumingin ito sa kanya, parang takang-taka.

"H-hindi ah!" Siyempre itatanggi niya. Kampon ng kadiliman nga ang bansag sa kanya, di ba? Tapos aamin siya na natakot sa pigurang dinatnan niya? Pero teka, ba't ba kasi may ganoon sa kuwarto niya?

Binalingan niya iyon. Kahit sino naman siguro, kapag may nabungarang maitim na pigurang tumatawa na katulad ng isang bruha at may pulang matang umiilaw-ilaw pa ay mapapakaripas din ng takbo.

Nagliwanag ang silid. Si Chester na ang dumukwang sa switch na hindi nagawang pindutin kanina ni Steph. Ang tumambad sa kanya, isa ngang bruha. Nakatayo iyon sa tabi ng pinto, may hawak na walis at panay ang tawa. Ang mga mata nito, umiilaw nga talaga at hindi imahinasyon lang niya.

"You didn't like it?" Parang dismayado si Chester. "I thought you'd be delighted."

"S-saan ba kasi galing 'yan?" tanong niya.

"Gawa ko. I found myself with a little downtime. Nainip ako kaya hayan ang result."

Minasdan ni Steph ang pigura. Ngayong hindi na siya nahihintatakutan ay saka niya na-appreciate ang itsura niyon.

"Cool," nausal niya, which is the honest truth.

Mas maganda pa kesa sa props na ginagamit sa theme park ang bruha. Iyong tawa nito, ang ganda ng pagkaka-record. Realistic. Pati nga iyong paggalaw ng ulo nito, hindi mechanical. Smooth iyon, tutoong-tutoo ang dating. No wonder muntik tumalsik ang kaluluwa niya paalis sa katawang lupa niya pagkakita niya kanina sa pigura. At ano ang sabi ni Chester?

Love In A Game By: Kayla Caliente (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon