Chapter One
Sikat ng araw na pumapasok sa bintana ng kanyang kwarto na tumatama sa kanyang maamong mukha ang dahilan ng kanyang paggising ng araw na iyon.
"Hay.. Inaantok pa talaga ako. Anong oras na ba?"
Yamot at tila wala sa sariling wika ng dalagita sa kanyang sarili. Habang bumabangon ay patuloy ang kanyang paghikab at pag-iinat at pagkusot ng mata. Pagkabangon ay dumiretso siya sa banyo na naroroon din sa kanyang silid at naghilamos. Pagkalabas mula sa banyo ay muli siyang tumingin sa bintana.
"Hmmmmmm. Mukhang maganda ang panahon ngayon ah. Mukhang masarap maglakad-lakad at maglibot sa labas." usal niya sa sarili.
Mabilis na nagdesisyon ang dalagita at muli ay pumasok sa banyo para maligo. Suot ang isang maong short at isang kulay dilaw na blouse ay lumabas siya ng kwarto at bumaba na.
"Goodmorning Tita!"
Masayang pagbati niya sa kanyang tita na siyang busy sa paghahanda ng almusal.
"Oh gising ka na pala dear. Kamusta ang tulog mo? Nakatulog ka ba ng maayos?" tanong ng kanyang tita.
"Opo tita, nakatulog naman po ako ng maayos. Medyo naninibago lang ako kasi parang ang aga aga pa eh ang taas na ng sikat ng araw." sagot ng dalagita.
"Ganito talaga dito, kung anong agang sumikat ng araw eh siya namang huli nito sa paglubog. Hayaan mo at mamaya ay matutunghayan mo ang sinasabi ko." ani ng kanyang Tita.
"Mukhang maganda iyon ah. Hmmmm nga po pala, asan si Tito at si Kuya?" tanong niya habang ninilinga ang paligid.
"Ang tito mo nag-jojogging diyan lang sa palibot ng village. Yung magaling mong pinsan, malamang tulog pa. Mauna na tayong kumain ng almusal." sagot naman ng kanyang tita.
" Goodmorning 'Ma! Goodmorning pretty cous!"
Bati naman ng binatilyong nasa hagdan at mukhang kababangon lang talaga mula sa pagkakatulog.
"Ikaw talagang bata ka, di ka na nasanay na mag-ayos ng sarili mo bago ka lumabas ng kwarto." ani naman ng kanyang tita na tila naiinis sa ugali ng anak. "Halika na dito at sabayan mo na kami sa pagkain." muling sambit ng kanyang tita.
"Gwapo pa rin naman po si Kuya kahit kagigising lang ah!" sabad naman niya habang tumatawa.
"Sus! Binola pa ko ng maganda kong pinsan! Kahit di mo na sabihin 'yon ay alam kong gwapo ako. Hahaha." nakakalokong sagot naman ng kanyang pinsan habang ginisusot nito ang buhok ng mas nakakababatang pinsang babae.
"Nagbolahan pa itong dalawang 'to! Kumain na ga kayo. At ikaw, wala ka namang gagawin di ba? Ipasyal mo ang pinsan mo at ng hindi naman mabagot dito." sabi naman ng kanyang tita.
"Wow! Kuya! Gusto ko yan! Ipasyal mo ko sa magagandang tanawin dito ha?" may saya sa tinig na sambit ng dalagita.
Sa kabila ng bibihirang pagkakataon na magkasama silang magpinsan, hindi maikakaila na talagang malapit sila sa isa't-isa.
Kahit pa halos isa o dalawang buwan lang sila kung magkasama sa loob ng isang taon ay itinuring na nila ang isa't-isa na parang magkapatid, dahil na rin siguro sa pareho silang nag-iisang anak kaya sabik na magkaroon ng nakababatang kapatid. Magkapatid ang kanilang mga ina.
Nang matapos na sila sa kanilang pagkain ng almusal ay nagkanya kanya ulit silang pasok sa kanilang mga kwarto at nag-ayos na para sa kanilang gagawing papamasyal sa araw na iyon.