8

462 16 0
                                    

Pentagram

Lumakas lalo ang buhos ng ulan, sinabayan na rin ito ng mga parang sumasabog na kulog na laging kasunod ng mga gumuguhit na kidlat sa kalangitan.

"Mabuti sigurong dito muna kayo magpalipas ng gabi." Ani ng babaeng kasama ni Galleo sa bahay na ito habang siya ay umupo sa upuang nasa harapan namin. Kasalukuyan kaming nakaupo ni Sophia sa upuan ng kanilang lamesa habang may nakatapis sa aming tuwalyang kanyang ibinigay at nakapagpalit na rin pala kami ng damit na kanilang ipinahiram.

Naka-tshirt at shorts ako ni Galleo, habang si Sophia naman ay nanghiram ng sweater at pajama sa babae dahil nilalamig daw siya.

"Ngunit kailangan na talaga naming umuwi." Pilit ni Sophia, kanina pa naman talaga siya atat umuwi. Kung ako ang tatanungin ay ayos lang na dumito muna, isa na naman kasi 'tong malaking oportunidad para imbestigahan si Galleo.

"Paumanhin pero mukhang hindi kayo pahihintulutan ng masungit na panahon." Singit ni Galleo matapos siyang sumilip sa bintana at umupo na rin sa harapan namin, natahimik naman si Sophia. Hindi talaga kami maaring maka-uwi.

"Nga pala't paano kayo napadpad dito Sophia? Kanina lang ay nakita ko kayo sa party ng amo kong si Achea? At sino itong kasama mo?" Tanong ni Galleo kay Sophia, kung kanina'y nakayuko siya, ngayo'y napatingala siya nang kausapin siya ni Galleo. Sila na ang magkakilala.

"Siya si Clark," itinuro niya ako, "Kaibigan ko." Ewan ko pero parang medyo nanghinayang ako sa pagpapakilala niya sa akin, hindi ba dapat partner? Pero oo na nga sige, hindi pala puwedeng malaman ang operasyon namin. Kaya kaibigan nga lang. Pero teka? Hindi ko siya kaibigan at ni hindi ko siya ginustong maging partner.

Tumango naman si Galleo, "Napadpad kami dito kasi..." napahinto at napatingin sa akin si Sophia nang akma sana siyang magpapaliwanag kung paano at bakit kami napunta dito. Tiningnan niya ako marahil gusto niyang iparating na, ako ang detective agent dito, magaling gumawa ng mga palusot, kasi alanganamang sabihin namin na napunta kami rito dahil sa sinundan namin siya at sabihin ang tunay naming pakay.

Wala pang ilang segundo ay nakaisip na ako ng sasabihin. "Dahil sa malapit lang naman ang apartment namin dito sa gubat na ito at dahil sa hindi kami makatulog ni Sophia ay napagkasunduan naming magliwaliw dito. Mahilig kasi kami sa mga adventures at thrills." Pang-world class na ata ang pagsisinungaling kong iyon. Buti na nga lang at may nakita akong malapit talagang apartment mula rito, kaya medyo may katotohanan. Hindi lang nga kami nakatira doon.

"Oo, tama, adventures!" Sang-ayon pa ni Sophia at mukhang naniniwala naman sa amin sina Galleo. "Sa kasamaang palad, dahil sa kagustuhan naming magliwaliw ay hindi namin inaasahang biglang bubuhos ang ulan at kinailangan namin ng masisilungan, at nagkataong nakita namin ang bahay ninyo. Makikisilong lang talaga kami, ang kaso, sabi niyo nga, mas mabuting dumito na muna kami. At maraming salamat sa paunlak ninyo." Siguro naman ay napaka-kapani-paniwala na ng sinabi ko.

"Coincidences." Biglang sabi ni Sophia habang matamis na nakatingin kay Galleo, hindi niya ba alam na kaharap lang niya ngayon ang asawa ni Galleo? Malanding babae.

"Oo nga, parang tadhana." Hindi ko inaasahang nabaliwala na lang bigla ang aking napakagaling na paliwanag nang gantihan rin ni Galleo si Sophia ng mga matatamis na ngiti at tingin. Aba't, hindi man lang talaga sila nahiya sa asawa mismo ni Galleo?

"Nga pala, hindi ko pa naipapakilala sa inyo ang bunsong kapatid ko. Siya nga pala si Alya."

"Ikinagagalak kong makilala ang babaeng bumihag sa aking kuya at ang kaibigan nitong matipuno." Napamulagat at namula si Sophia sa sinabi ni Alya na kapatid pala ni Galleo. Babaeng bumihag sa puso ng kanyang kuya? Edi ano? Tungkol na ito sa pag-iibigan nila nang una silang magkita at sinadyang pagtagpuin lagi ng tadhana?

"Ano ba Alya?" Suway ng kanyang kuya, "Sinasabi ko lang naman ang totoo. Hindi ba't siya ang nakuwento mo sa akin kanina lang sa may sapa?" Wala ng nasabi pa si Galleo na palusot sa kapatid niya, bunso pa man din ito at malamang ay nagsasabi ng totoo.

"Paumanhin sa sinabi ng aking kapatid." Sabi ni Galleo kay Sophia na ngayo'y tila pinipigilan ang kanyang kilig. Kilig ba ito ng pagmamahal o kilig na hindi mapigilang mapatay si Galleo? Hindi ko talaga maintindihan ang mga babae, lalo na ang mga assassins. "Wala iyon." Tugon lang nito na animo'y naging si Maria Clara sa sobrang pagpapakipot at napapatakip pa sa kanyang pisngi at labi.

Maria Clara na walang awang pumapatay? Napaka-imposible.

"Nga pala't ihahatid na kayo ng aking kapatid sa kuwartong inyong panandaliang tutulugan para magpalipas ng gabi." Agad namang tumayo ang kanyang kapatid at niyaya kami, "Hali na kayo at, ihahatid ko kayo sa inyong silid." Sumunod naman kami, pero bago pa kami tuluyang makalayo sa lamesa ay lumingon ako para tingnan si Galleo, at hindi ko akalaing may makikita akong isang clue na maaring si Galleo nga ang taong-lobo.

"Nakita mo ba ang pentagram na tattoo ni Galleo sa batok niya?" Agad kong tinanong si Sophia, nagulat siya sa tinanong ko. "Mayroon siya?" Tanong niya rin, at kaagad ko namang itinuro iyon. Nakita pa niya ito bago kami nakapasok sa aming silid na tutulugan.

"Maiwan ko na kayo." Paalam ni Alya matapos niyang buksan ang ilaw ng silid at saka isinara ang pinto.

"Ano? Nakita mo?" Tanong ko kaagad, "O tapos?"

"Hindi mo alam? Ang pentagram ay isa sa mga signs of evil. At may nabasa akong nobela na ang mga werewolf ay kadalasang may ganitong birth mark o tattoo sa kahit saang parte ng katawan nila, nagsisilbi ring senyales ito ng ugnayan ng mga devil sa werewolf." Paliwanag ko, pero nagtaka naman siya at napataas ang kilay na may medyong pagngisi ng kanya na namang labi.

"Nobela? Na naman? Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na hindi lahat ng nasa nobela o pelikula ay totoo? Pero sige, sabihin na nating puwedeng magkaganoon nga. Edi may clue na tayo." Sa huli ay sumang-ayon na rin siya sa akin. Pagkatapos niyang magsalita ay napahiga siya sa kamang nakalagay sa may gilid ng silid na malapit sa bintana. Kita pa rin sa bintana ang mga ilaw na nililikha ng walang humpay na mga kidlat.

"Dito ako sa kama, sa sahig ka!" Seryoso siya? "Pero, teka, wala namang ni isang banig dito, iyang kama lang at isang maliit na electricfan ang makikita natin sa silid na ito."

"Bakit? Sinabi ko bang sa banig ka matutulog? Di ba sabi ko sa sahig?" Tinaasan ko siya ng kilay, tunay ngang walang puso ang mga assassins. Wala na akong nagawa, kahit na nakakainis siya, may respeto pa rin ako sa kanya dahil sa babae siya kahit na ba nabahiran na ito ng kanyang pagiging mamamatay tao.

Kaya ayun na nga, hihiga ako sa sahig. Kailangan ko itong tanggapin, kasama ito sa trabaho.

Hihiga na sana ako nang biglang tumayo si Sophia at saka inilatag ang sana'y kanyang kumot, sa sahig.

"O ayan, dahil sa naaawa ako sa 'yo." Sabi niya lang at muling sumalampak sa kama, at mukhang nakatulog na siya dahil sa narinig ko ang hilik niya. Ang bilis niyang matulog ha?

Humiga na ako sa kumot, buti naman at may kakapiranggot pa pala siyang awa sa puso niya. Pumikit na ako pero ilang minuto na ang nakalipas ay hindi ko magawang makatulog.

Ilang minuto ulit ang nagdaan at sa wakas ay dinalaw na rin ako ng antok. Ngunit nang papikit muli ako ay bigla na lang akong nasampal ng kamay ni Sophia. Alam kong hindi niya sadya iyon dahil ang himbing talaga ng tulog niya pero ang sakit nu'n a?

Ipapatong ko sana muli ang kamay niya sa kama nang bigla na lang akong napatitig doon.

Ano itong parang peklat ata na nasa likuran ng kanyang kamay?

:;:;

The Last LycanthropeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon