Paghihiganti
Nagtaka ako sa inakto niya, ibig bang sabihin nito ay mali ang akala kong narinig ko sa may assassins department ang apelyidong Mclare? Kasi imposible naman atang hindi kilala ng greatest assassin ang tungkol dito.
"Hmm, siguro kay boss ko na lang itatanong." Lumabas na ako sa kotse at tumungo sa restawran, pero papasok na ako ay napansin kong hindi nakasunod si Sophia sa akin, napabalik tuloy ako.
"Hindi ka ba susunod?" Lumabas siya nang sabihin ko iyon at saka nagsalita. "Bibisitahin ko si Achea. Ikaw? Gusto mong sumama?" Nailagay ko bigla sa bulsa ko ang litratong hawak ko kanina na hinanda ko na sana para ipakita kay boss, pero nang sabihin ni Sophia ang pangalan ni Achea ay bigla na naman akong nahatak ng kutob ko. Pero sa kabilang banda ay iniisip ko ang litratong nasa bulsa ko ngayon.
"Pero paano itong litrato?"
"Saan mo ba nakuha iyan?" Napansin ko kung paano na siya naiilang na kausapin ako ngayon, hindi na tulad ng dati na lagi siyang nagsasalita kahit hindi ko siya kinakausap."Sa librong hiniram ko kay Achea, himalang nawala nga iyon. Pero natira ito."
"Edi mabuting kay Achea muna natin itanong ang tungkol diyan. Isa pa, hindi pa tayo sigurado para isangguni ito kay boss." At hindi na siya nawalan lagi ng punto. Bakit ganoon? May dugong detective agent din ba ang mga assassins?Sumakay ulit ako sa kotse at pinaandar na ito papunta sa hospital. Dahil medyo malayo iyon rito ay nakapag-kuwentuhan kami ni Sophia, tila naging madaldal ulit siya ngayon makalipas ang ilang minutong pagkatahimik niya. Bipolar ata itong babaeng ito e.
"Bakit ka nga pala naging detective agent ng organisasyon? Clark?" Napaisip ako sa tinanong niya, ni ako hindi ko alam kung paano. Basta ang alam ko lang, sa sandaling naglaho na lang bigla ang mga magulang ko noong tatlong taong gulang pa lang ako ay sa organisasyon na ako lumaki, at ang boss na namin ang tinuri kong parang ama.
"Doon ako lumaki, kaya siguro naging ganito na rin ako."
"Nabalitaan kong, patay na ang iyong mga magulang." Walang alinlangang tumango ako sa sinabi niya. Patay na nga sila, ang mga puntod nila na minsan kong dinadalaw ang patunay nito.
"Alam mo ba kung bakit?" Ilang beses ko ring itinanong ang tanong na iyan sa sarili ko at kahit na sino sa organisasyon pero ni karampot na impormasyon ay wala silang ibinigay, kung paano, saan, kailan, at bakit sila pinatay. Basta't ang alam ko lang ay, patay na sila.
Napailing ako. "Sa tingin mo? Ano ang dahilan?"
"Hindi ko alam." Gustuhin ko mang lubusang malaman ay wala akong magagawa, walang gustong magsabi sa akin. Kaya ibinaon ko na lang rin ang dahilan na iyon sa puntod nila."Gusto mo bang malaman?" Napatingin ako bigla sa kanya dahil sa katangi-tanging tanong niyang iyon. Bakit may alam ba siya? Saglit lang ang pagtitig ko sa kanya at tumingin muli ako sa daan dahil sa nagmamaneho ako.
"Mayroon kang alam?" Tanong ko,
"Detective ka, pero ang kaso ng sarili mong magulang ay ni hindi mo man lang pinag-ukulan ng pansin?" Pabalik niyang natanong, nasapol ako sa tinanong niyang iyon. Sinubukan ko, oo, sa totoo lang, hindi pagka-proud ang nadadama ko kundi inis na inis ako sa sarili ko sa pagiging greatest detective agent. Kasi ni sariling kaso ng aking mga magulang ay hindi ko maresolba. Pakiramdam ko tuloy, karapatdapat bang tinagurian akong ganito?Sa dinami-raming kaso ay iyon lamang ang hindi ko naresolba. Wala naman kasing tumulong sa akin noon, sinuong ko ito ng mag-isa dahil alam kong wala namang tutulong. Pero ako'y nabigo kaya kinalimutan ko na lang ito. Nakuntento na ako sa kaalamang patay na sila. Pero kung may makakapagsabi sa akin ng dahilan, ay tiyak na papaniwalaan ko agad.
"Ilang taon na ang nakakaraan nang mamatay ang mga magulang mo?"
"Dalawampu't limang taon na rin iyon."
"Hmm." Napahawak siya sa kanyang baba na tila ba'y in-a-analyze ito ng mabuti. Teka nga, detective rin ba talaga ang isang 'to?
"Kaparehas ng taon na pinuksa ng organisasyon ang lahi ng mga werewolf. Hindi mo ba naisip ni minsan na maaring kasapi rin ng organisasyong iyon ang mga magulang mo kaya ka napunta doon ng mawala sila?" Napaisip ako bigla, oo nga ano? Maaring kasapi nga rin sila. Bakit ngayon ko lang ito naisip? Ang akala ko kasi noo'y dinampot lang nila ako sa kalsada noong mga oras na umiiyak ako at hinahanap nga ang aking mga magulang na ilang araw ng nawawala.
"At baka isa rin sila sa hukbong tumalo sa mga werewolf. Ngunit sa kasawiang palad ay napabilang sila sa mga napatay naman nito." Ewan ko pero nang pagkarinig ko ng mga impormasyong iyon ay parang sumang-ayon agad ako at kaagad ring nagliyab ang aking damdamin. Maaring ganoon na nga talaga ang eksaktong nangyari. At sa palagay ko ito na ang naging nitsa para simulan kong kamuhian ang mga werewolf. Sila lang ang nakikita ko ngayong maaring maliwanag na naging dahilan nang pagkawala ng mga magulang ko. Biglang lakas na rin kaagad ang kutob ko. Sakto ang taon, maaring ito na talaga ang kasagutan sa aking mga tanong na nabaon sa limot.
"Mga halimaw nga sila." Tanging nausal ko at hindi ko namalayang napabilis na ang paandar ko sa kotse. Naging poot na lang bigla ang nadarama ko, bigla na lang rin ako nagkaroon ng ganang hanapin ang natitirang lycanthrope at nang mapuksa na ito, nang makahiganti ako.
"Huminahon ka lang Clark." Hindi nakatulong ang sinabing iyon ni Sophia at lalong bumilis lang ang patakbo ko, napahawak na siya sa kanyang seat belt.
"Hinahon? Sa tingin mo hihinahon ako gayong nalaman ko na ang dahilan ng pagkapatay ng aking mga magulang? Ngayon, sinusumpa ko na hahanapin ko ang natitirang halimaw na iyon at nang mapuksa mo na!" Palagay ko'y nandidilim na ang aking paningin, wala na akong ibang naisip kundj ang maghiganti kahit alam kong mali ito at hindi ito isa sa mga tunkulin ng detective agent na gaya ko. Na basta na lang maniniwala, o tatalon sa konklusyong wala pang matibay na patunay.
Pero sa hinaba-haba ng panahon nang paghahanap ko sa kung anong dahilan nang pagkapatay ng aking mga magulang ay ngayon lang may lumutang na posibleng dahilan. Kaya hindi na ako nagatubili pang paniwalaan ito, may kalakip naman itong mga patunay. Kaya ayos lang naman sigurong, maghiganti ako?
"E ikaw ba? Sophia?" Inihinto ko na ang kotse ko nang makarating kami sa ospital. Mabuti na lang at hindi ako nakabangga sa bilis nang pagpapatakbo ko. Mabuti't nakokontrol ko pa kahit papaano ang sarili ko kahit gusto ko nang kumawala.
"Hihinahon ka ba kung malaman mong pinatay ang mga magulang mo ng mga kathang isip ngunit tunay pa lang nag-exist na mga halimaw noon?" Napatingin na rin siya sa akin, at ngayon ko lang nakita ang kanyang mga abong mata na tila nakakapatay sa sobrang talim nito.
"Kaya ko nga rin tinanggap ang misyong ito. Isa rin sa mga nasawi ang mga magulang ko sa labanang iyon kaya andito talaga ako ngayon para maghiganti."
:;:;
BINABASA MO ANG
The Last Lycanthrope
Kurt AdamSi Clark at Sophia ay naatasan ng isang hindi pangkaraniwang misyon at iyon ay ang hanapin at patayin ang huling werewolf na nabubuhay sa mundo, sa kadahilanang may dala itong malaking banta sa sangkatauhan at upang makapaghiganti. Magawa kaya nila...