13

351 12 0
                                    

New Suspect?

Kanina ko pa hinihintay si Sophia dito sa lobby, pero kanina ko pa rin siya hindi nakikita.

"E kung tawagan ko kaya siya?" Napapukpok ako sa ulo ko, kanina pa ako naghihintay rito ngayon ko lang naisip 'yon?

Masiyado lang kasi akong atat tanungin si Sophia, kung may kilala siyang Mclare sa departamento nila. Alam kong labas na ito sa dalawang suspects namin pero, basta, ang lakas lang bigla ng kutob ko.

Tinawagan ko na nga si Sophia, at agad niya naman itong sinagot.

"Napatawag ka Clark?"
"Nasaan ka ngayon?"
"Ah... andito ako kanila Galleo."
"Bakit?"
"Para mag-imbestiga?" Patanong niyang sabi, napataas ako ng kilay. "Bakit hindi mo ako sinama? O sinabihan man lang? Hindi ba't partner tayo?"
"Sorry--"

'Yon ang huli niyang nasabi at bigla na lang naputol ang linya. Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero cannot be reach na, mukhang na-lowbat o kaya nawalan ng signal dahil gubat pa man din doon.

Minabuti kong pumunta na lang din kanila Galleo kaysa hintayin siyang umuwi, hindi na talaga ako mapakaling itanong sa kanya ang bumabagabag sa akin at isa pa, partner niya ako sa misyong ito. Ano ito? Sarilihan na lang? Iwanan sa ere? Siya pa nga itong gusto akong ka-partner, anong nangyari ngayon? Gusto niya atang mas mapalapit pa kay Galleo. Hindi naman ako tutol, pero puwede bang pagkatapos ng misyon? Kung hindi si Galleo ang werewolf.

Napabuntong-hininga akong pinaandar ang kotse at saka nagmaneho. Nang makarating na ako sa gubat ay tumungo na ako sa bahay nila Galleo, kahit papaano ay nakabisado ko ang daan papunta rito.

Kumatok na ako at kaagad naman akong pinagbuksan ng kapatid ni Galleo. "Kuya Clark? Napadalaw ka ata?" Nakangiting bungad sa akin ni Alya, "Nandiyan ba si Sophia?" Nagtanong na agad ako.

"Huh? Si ate Sophia? Wala e." Nagulat ako sa isinagot niya, ilang minuto lang ang nakararaan nang tawagan ko si Sophia at sinabi niyang na andito siya?
"Ni hindi siya dumaan?" Umiling lang siya, "E si Galleo?"
"Nasa trabaho si kuya Galleo ngayon. Bakit kuya Clark? May problema ba?" Edi nasaan si Sophia ngayon? Sabi niya sa bahay ni Galleo? O baka naman...

"A.. wala, wala. Nagkamali lang ata ako ng dinig. Pasensya na sa abala."
"Tuloy muna kayo kuya Clark,"
"Hindi na, nagmamadali kasi ako e. Pasensya na ulit." At umalis na ako at naisipang tumungo sa mga pinagtatrabahuan ni Galleo. Una sa restawran ngunit wala si Galleo ni si Sophia doon, kaya iisang option na lang ang natira at iyon ay sa mansion ni Achea. Agad akong tumungo doon pero wala pa ako sa pinaka-gate ng mansion ay nakita ko na si Sophia na naglalakad sa gilid ng daan, kaagad akong huminto nang makalapit ako sa kanya at binusinahan siya. Napabalikwas siya sa ginawa kong iyon.

"Clark?" Nagtataka siguro siya kung paano ko nalamang na andito siya.

"Kailangan mong magpaliwanag sa akin." Tanging tugon ko at siningkitan siya ng mata, sinenyasan ko siyang sumakay sa kotse at sinunod niya naman ito.

"Sorry kung hindi ako nakapagpaalam." Paumanhin niya habang nakayuko, napatingin ako sa kanya, napansin ko ang mabilis na pagtubo ng kanyang buhok. Bigla na lang itong humaba hanggang sa ilalim ng kanyang hinaharap. Tatlong araw lang ang lumipas nang makita ko ang maikli niyang buhok na sumasayad lang hanggang sa balikat niya. Nagpa-extend kaya siya? Ay nako, hindi iyan ang problema ko.

"Ang akala ko ba nasa bahay ka ni Galleo?"
"A... doon sana ang tungo ko nang maalala kong wala pala siya doon at nasa trabaho siya kaya minabuti kong dito pumunta." Nakumbinsi naman ako ng sinabi niya, kaya nagmaneho na ako patungo sa restawran na kinalalagyan rin ng headquarters namin.

"May mahalaga nga pala akong itatanong sa iyo, Sophia."
"Ano iyon?"
"Mamaya na, kapag andoon na tayo sa headquarters natin."

Ilang minuto kaming nanahimik sa biyahe, dahil medyo malaya-layo rin iyon dito. Nang magsalita ulit ako. "Mukhang wala sa suspects natin ang tunay na suspect."

"Huh?"

"Basta, nga pala. Bakit parang lagi ka atang naka-sweater? Hindi ka ba naiinitan?" Tanong ko sa kanya, sabay bukas sa aircon ng kotse dahil masiyadong mainit ang panahon ngayon. "A.. e.. mahilig kasi ako sa sweater." Napatango na lang ako sa sinabi niya dahil halata namang hilig nga niya ito. Simula ng makita ko siya ay madalas long sleeves ang isinusuot niya. Bagay naman sa kanya ito dahil matangkad siya.

"Alam mo, si Galleo na talaga para sa akin ang werewolf." Ilang beses na ba niyang sinabi iyan? "Paano mo naman nasabi ulit?"

"Kamukhang-kamukha niya kasi 'yung werewolf sa mga pelikula, tapos may doubtful strengths pa siya, kaduda-dudang nakatira siya sa pusod ng gubat, at isa pa madalas na lalake ang mga werewolf." Teka? Hindi ba't siya na rin ang nagsabi na malayo ang tunay na mga werewolf sa anomang pelikula o nobela?

"Sasalungat ako, ordinaryong tao lang siya. Binubuhay nga niyang mag-isa ang kanyang kapatid. At saka kung werewolf man siya ay edi ganoon rin ang kanyang kapatid?" Sandali siyang natahimik sa sinabi ko, bago siya nagtanong.

"So, sinasabi mo bang si Achea ang werewolf?"
"Maari. Hindi pangkarinawang lagi siyang maraming body guards na nakapaligid sa kanya."

"Artista siya Clark, natural lang iyon."

"Oo, pero! Wala na siyang magulang, nag-iisang anak. At.. at.. maari ring hindi isa sa kanila ang werewolf, Sophia." Naalala ko bigla ang litratong nakita ko. Itinigil ko na ang aking kotse nang makarating kami sa restawran, saka naman nagtanong si Sophia.

"Ano ang ibig mong sabihin? May panibago tayong suspect? At sino naman?" Dahil sa nagtanong na rin siya ay sasabihin ko na. Kinuha ko ang litrato mula sa bulsa ko at ipinakita sa kanya.

"Mclare." Pagkasabi ko noon ay nakita ko kung paano biglang lumaki ang mata at napanganga ang bibig ni Sophia sa narinig at nakita niyang litrato ngayon. Ewan ko kung bakit? Marahil sa kilala niya ang mga nasa litrato? At oo, kilala niya siguro ang Mclare na binabanggit ko ngayon na isa sa mga kapartido niya sa Assassins Department.

"Kilala mo sila?" Ilang minuto akong naghintay para sa sagot niya pero ni isang salita ay wala siyang sinabi.

"Sophia?" Napabalikwas siya nang magsalita kong muli, at saka siya sumagot nang pautal-utal. "Hi-hindi, hindi ko sila kilala."

:;:;

The Last LycanthropeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon