KINABUKASAN ay bisita niya sa Race sa bahay nila. Niyaya siya nitong mag-horseback riding sila sa isang bahay-bakasyunan nito sa Sumulong Highway ng Antipolo. Ipinagpaalam siya nito kay Nanay Lauring. Pumayag naman ang huli.
Malaki ang sinasabi nitong bahay-bakasyunan. Kung susumahin, isa iyong hasyenda sa isang bulubundukin. Mababa ang mga bakod na yari sa kahoy na nakukulayan ng puting pintura. Puwedeng pasukin ng kahit sino. Ngunit ang sabi nito ay wala pa raw nangahas na pasukin ang property nitong iyon. Malawak ang sakop ng lupang pag-aari nito na ipinamana rito ng yumaong mga magulang nito. Mag-isa na lang pala itong namumuhay. Sa isang condo sa Greenhills ito nakatira ngayon.
Pumasok sila sa malaking bahay na may ikalawang palapag. Puti rin ang pintura niyon sa labas. It was a fully furnished house. Antique ang mga gamit doon simula sa mga cabinet, divider at sala set. Ang malaking sala at komedor ang unang tumambad sa paningin niya. Dalawa ang silid sa ibaba at apat naman sa itaas.
"Dito kami ipinanganak at lumaki ng nakababatang kapatid ko."
"May kapatid ka?"
"Oo, pero wala na siya ngayon."
"You mean......"
"Patay na si Luzviminda."
Namayani ang katahimikan sa kanila.
"I'm sorry, Race. Hindi ko alam—"
"Matagal na rin naman iyon. Pero hindi ko pa rin makalimutan."
"She's your younger sister."
"Alam mo ba kung ano ang ikinamatay niya?" Hindi siya umimik. Nais niyang malaman kung ano ang ikinamatay ng kapatid nitong babae pero ayaw niyang maging malungkot ang araw nito. Nandoon sila para libangin ang mga sarili nila.
"Saka mo na lang ikuwento."
"Ni-rape si Luzviminda isang taon na ang nakakaraan." pagtatapat nito. May nakita siyang lambong na dumaan sa mga mata nito. "Nakita ang bangkay niya malapit sa Balete Drive. Pero nahuli rin ang kriminal nang makonsiyensya ito at sumuko sa pulisya."
Kaya pala hindi siya nito maiwan-iwanan sa Balete Drive nang masiraan siya ng kotse roon. Ayaw nitong mapahamak siya tulad nang nangyari sa kapatid nito. Kaya pala ganoon na lang kung tratuhin siya nito at ang pagmamagandang-loob nito sa kaniya. Maaaring nakikita nito sa kaniya ang namatay na kapatid nito.
Pero bakit siya hinalikan nito kung kapatid lang ang turing nito sa kaniya?
"Sorry, I'm just carried away." Bumalik muli ang sigla nito. Tumayo ito mula sa sofa at hinatak ang kamay niya. "Tara nang mangabayo. Tamang-tama pahapon na. Hindi na masyadong mainit."
Magka-holding hands na tinalunton nila ang likod ng bahay. May katamtamang laki ng kuwarda roon. Apat na kabayo ang nakakulong doon.
"Ito si Winter. Babae siya at maamo. Hindi siya nangingilala ng sasakay sa kaniya. Siya ang sasakyan mo." Hinaplos nito ang ulo ng puting kabayo. "Siya naman si Speed. Sa akin lang 'yan pumapayag na magpasakay." turo nito sa isang kabayong kakulay ng kahoy. Malaki ito at puti ang kulay ng buntot.
"Hindi ako marunong mangabayo." Bakit ngayon lang niya naisip iyon?
"Walang problema. Tuturuan kita." Walang kahirap-hirap na isinakay siya nito kay Winter. Mabuti na lang at nakapantalon siya. She wore a skinny jeans.
Inalalayan muna nito sa paglalakad ang kabayo. Mabagal lang iyon. Ibinalanse niya ang katawan sa ibabaw ni Winter. Nagpaikut-ikot lang sila sa tabi ng kuwadra. Nang masanay siya ay iniwan muna siya nito sandali. Mga sampung minuto siguro itong nawala. Sakay na ito ni Speed nang magbalik sa kinaroroonan niya. May dala itong isang bagpack sa likod nito. Kinuha nito ang leash ng kabayo niya at ito ang humawak niyon. Binagtas nila ang patag na lupa na may mga berdeng puno sa di-kalayuan.
BINABASA MO ANG
When I See You Smile (published under Phr completed)
General FictionSi Race ay isang TV ad model na sobrang hinahangaan ni Chazel. Pero nang ipalabas ang latest TV ad appearance nito ay parang ipu-ipong tinangay ng hangin ang malaking paghanga niya rito. Naka-briefs lang kasi ito sa higanteng billboard nito na nasa...